LARGABISTA : CHAPTER 30

60 6 0
                                    

SI ALEJANDRO, SI MIRANDA, AT SI PANDORA

Nang tumungtong sa edad na labing anim si Pandora, patuloy pa rin siya sa kanyang pag-iisa. Palagi siyang nagtutungo sa isang luntiang burol, at dito siya lumilikha ng mga natatanging mga sulatin na hinahabi at inilalapat sa kanyang pinakaiingatang kuwaderno. Mahusay siyang magsulat ng matatalinghagang mga tula, at dito niya ibinuhuhos ang mga nararamdaman na hindi niya kayang maisatinig.

Hanggang isang araw.

Nakatawag sa kanyang pansin ang dalawang kabataan na kasing edad niya sa hindi kalayuan. Tumindig siya sa kanyang kinauupuan na malaking tipak ng bato at dahan-dahang lumapit sa isang malaking puno.
Buong ingat na nagkubli dito, upang hindi siya makita ng dalawang kabataan na abala sa kanilang ginagawa.

Patuloy na nagmasid si Pandora sa kanyang pinagkukublihan, upang alamin ang ginagawa ng dalawang kabataan.

"Sige nga? Tingnan ko ang natatangi mong galing, kung kaya mo bang pabagsakin lahat ng mga bungang hinog, buhat sa itaas ng malabay na punongkahoy na iyan?" wika ng isang binatilyo sa harapan ng isang dalagita.

"Manood ka, Alejandro! Walang panama sa akin ang taglay mong kakayahan," abot taingang ngiting iwinika ng magandang si Miranda sa kaibigan niyang si Alejandro.

"Hmm... umpisahan mo na! Hindi na ako makapaghintay," tugon ni Alejandro.

Tangan-tangan ang isang malaking buslo. Ipinikit ni Miranda ang kanyang mga mata, sabay sambit ng mga katagang, "Bungangkahoy na mga hinog! Sa sisidlan ko'y kayo'y mahulog! Buong puso kong tatanggapin, pasasalamat ko'y inyong dinggin!"

Umihip ang banayad na hangin, sumayaw ang mga sanga ng isang puno na hitik sa bungga sa kanilang harapan, at dahan-dahang bumagsak ang mga hinog na prutas patungo sa malaking sisidlan na tangan ni Miranda. At iminulat niya ang kanyang mata.

"Hmm... magaling!" wika ni Alejandro, habang pumapalakpak.

"Paano ba iyan, Alejandro? Suko ka na ba sa ating natatanging laro?" pagbibirong saad ni Miranda.

"Anong ibig mong sabihin? Sa tingin mo, magpapatalo ako sa iyo?"

"Sandali...matatalo mo lang ako kung matatawag mo ang paborito kong hayop-gubat na labis na mailap--ang Usang pinangalanan nating si Amihan!"

"Ano? A-eh, ang hirap naman nang ipinapagawa mo sa akin? Paano kung wala siya dito ngayon sa ating paligid? Maari bang iba na lang ang iyong hilingin!"

"Ah-basta! Gusto kong masilayan si Amihan."

"Ano naman ang gantipalang aking matatanggap?"

"Itong mga prutas--sa iyo ng lahat."

"Hindi iyan ang gusto kong pabuya?"

"Anong ibig mong sabihin, Alejandro? Ano pa ba ang gusto mong pabuya? Napakaselan mo naman!"

"Ang gusto ko...halikan mo ako sa aking magkabilang pisngi!"

"Ano?! Nahihibang ka na ba? Paano kong ayaw ko?"

"'A-eh, kalimutan na natin itong larong ito? Hindi mo makikita si Amihan."

"Ang daya mo naman!" Sabay simangot ni Miranda.

"Paano, pumapayag ka ba sa ating kasunduan?"

"Sige na nga, tawagin mo na si Amihan!"

"Talaga! Masususunod, mahal kong Prinsesa!"

"Bilisan mo na! Ang dami mo pang paligoy-ligoy. Nanabik na akong makita ang paborito kong Usa!"

Isang malalim na hininga at pikit-mata, habang sinasambit ang matalinghagang mga salita--ang namutawi sa bibig ni Alejandro, "Banayad na hangin sa parang, kahilingan ko'y inyong dinggin! Kaibigan kong Usa sa akin ay dalhin, upang masilayan ng magandang dilag na sa aki'y umaalipin! "

LARGABISTA Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon