SA GITNA NG KARIMLAN
Sa pagsapit ng bagong umaga.
"Miranda, may dalawang araw na lamang bago maglaho ang bisa ng Gintong Medalyon. Kinakailangan ko nang kumilos upang mahanap ang Aklat ng Mahika ni Ellias. Kapag wala pa ako bago sumapit ang itinakdang oras, lisanin ninyo ni Zandrino ang lugar na ito. Tumakas na kayo, at magtungo sa kabisera."
"Alejandro, mangako ka sa akin na ikaw ay babalik."
"Mahal na mahal kita, Miranda! Ano man ang mangyari, kayo lamang ni Zandrino ang nagsilbing pinakamagandang bahagi ng buhay ko." Hinalikan ni Alejandro ang mga labi ni Miranda habang naglalandas ang mga luha sa kanilang mga mata.
"Zandrino, aking Anak! Mabuhay kang mapayapa!" Ikinulong ni Alejandro ang Anak niyang sanggol sa kanyang mga bisig at idinampi ang kanyang mga labi sa noo nito.
"Aalis na ako, Miranda!"
"Mag-iingat ka, Alejandro. Mahal na mahal kita!"
Mahigpit na yakap ang namagitan sa mag-asawa, bago nilisan ni Alejandro ang Talampas.
Ilang oras nang paikot-ikot sa masukal na kagubatan si Alejandro, ngunit bigo itong mahanap ang punong balete na tinutukoy ni Anselmo.
Nasaan na ang lunglungan ng mga Mangkukulam? Kanina pa ako pabalik-balik sa lugar na ito. Ang lugar na ito ay pinamumugaran ng mga Engkanto at nababalutan ng itim na enehirya!
Diyos ko! Tulungan niyo po akong mahanap ang Aklat ng Mahika, bago mahuli ang lahat!
Sa gitna ng karimlan, napagpasyahan ni Alejandro na magpalipas ng gabi sa isang puno. Ipinikit na niya ang kanyang mga mata at inihimlay ang pagal na katawan sa paanan ng puno.
Kinabukasan, nagising si Alejandro na may humahalik sa kanyang pisngi. Napabalikwas ito sa kanyang pagkakahiga sa labis na pagkagulat. Napabuntong-hininga nang makilala niya ang hayop-gubat na gumising sa kanya.
"Amihan! Akala ko kung sino na?" Dali-daling tumindig si Alejandro at hinaplos ang maamong mukha ng Usa.
"Amihan, maraming salamat sa pagsama mo sa akin. Isa kang mabuting kaibigan!"
Tinitigan ni Alejandro ang mga mata ng hayop-gubat, naghatid ito ng isang mensahe sa isipan ni Alejandro.
"Talaga, Amihan! Alam mo kung saan matatagpuan ang punong balete?"
Tumango ang Usa; ito'y tumalima upang ituro ang tamang daan patungo sa tahanan ng mga Mangkukulam.
Makalipas ang mahabang oras, tumambad sa mga mata ni Alejandro ang isang matandang puno ng balete. Tumindig ang kanyang mga balahibo, habang sinisipat ang kabuuan ng puno.
Dumako ang Usa sa likod na bahagi ng balete. Sinundan ni Alejandro ang hayop-gubat at nakatawag sa kanyang pansin ang isang makitid na lungga sa paanan ng puno.
Sa loob nito naglulungga ang mga Mangkukulam!
Hindi na nag-aksaya ng oras si Alejandro. Hinawakan niya ang Gintong Medalyon sa kanyang leeg, at pumasok sa makitid na butas.
Nang marating ang hangganan, tumambad sa mga mata ni Alejandro ang kabuuan ng lunglungan ng mga Mangkukulam. Inilibot niya ang kanyang paningin sa may kadilimang paligid. May mga sulo sa mga dinding ang nagsisilbing liwanag. Nakatawag sa kanyang pansin ang antigong lamesa na may nakapatong na samot saring mga bagay na ginagamit ng Mangkukulam, at Mambabarang.
Inumpisahan na niyang hanapin ang Aklat ng Mahika. Sa kanyang paghahalughog, isang bagay ang kanyang napansin sa ibabaw ng lamesa. Napakunot-noong hinawakan ang isang pamilyar na bagay--isang lumang kuwaderno.
BINABASA MO ANG
LARGABISTA
Mystery / Thriller💀LARGABISTA Largabistang nagmula sa nakaraan, nagpasalin-salin sa mga nakalipas na henerasyon at pilit na tumawid sa modernong panahon. Nagbukas ang isang lagusan nang sinilip ng magkapatid na sina Isagani at Gabriel, na nagmula sa panahong 1897...