SI GONZALO SA ISLA PUTING BUHANGIN
Nang imulat ni Gonzalo Ferrero ang kanyang mga mata, tumambad ang mga taong hindi pamilyar sa kanya. Isang babaeng maamo ang mukha ang patuloy na idinadampi ang bulak na may likidong gamot sa mga sugat na natamo ni Gonzalo, buhat sa mga kamao ng kaibigang si Zandrino.
Natigilan ang babae nang magkamalay na ang lalaking sugatan ang mukha, at ito'y napalingon sa kanyang mga kasama. "Nagkamalay na siya mga kasama!" wika ng babae.
Buhat sa likuran ng babae, lumapit ang isang lalaki sa kinahihigaang teheras ni Gonzalo.
Ito'y tumango kay Gonzalo, gumuhit ang isang ngiti sa mga labi nito, at ito'y nagsalita, "Ginoo, kumusta na ang iyong pakiramdam?" kanyang iwinika.
Pinilit ni Gonzalo na bumalikwas, at dahan-dahan siyang inalalayan ng lalaki upang siya'y maayos na makaupo.
Inilibot ng binata ang kanyang paningin. "Nasaan ako? Anong lugar ito?" wika ni Gonzalo.
"Ginoo, nandito ka sa loob ng aming kapilya. Nakita ka ng isa sa aming kapitbahay sa mabatong bahagi ng dalampasigan na walang malay. Dinala ka namin dito at ginamot ang mga sugat sa iyong mukha."
"Dalampasigan?"
Tumango ang lalaki kay Gonzalo.
"Ginoo, ako nga pala si Delfin at ang aking mga kasamahan...kapitbahay. Narito ka sa aming Isla--ang Isla Puting Buhangin." Sabay lahad ng palad ni Delfin sa harapan ng nagtatakang si Gonzalo.
Agad na tinugunan ni Gonzalo ang pakikipagkamay ni Delfin sa kanyang harapan.
"Ako si Gonzalo...Gonzalo Ferrero, nagmula sa Maynila. Maraming salamat sa pagligtas niyo sa akin," saad ni Gonzalo.
"Maynila! Napakalayo ng pinanggalingan mo. Maari ba naming malaman kung ano ang huli mong naaalala bago ka namin natagpuan sa aming dalampasigan?"
Napalunok si Gonzalo, nagdadalawang isip kung ibabahagi n'ya ba ang totoong naganap sa silid-aklatan ng kaibigan niyang si Zandrino?
Sunod-sunod na napailing si Gonzalo, at hindi napigilan ang paglandas ng masaganang luha sa kanyang mga mata na lubos namang ikinabahala ng mga tao sa kanyang paligid.
Lumingon si Delfin sa mga kasama, at ito'y nagwika, "Mga kasama, hayaan po muna nating siyang makapagpahinga. Ako na lang ang pansamantalang magbabantay sa kanya!"
Tumango ang mga kapitbahay ni Delfin, at isa-isa nang tinungo ang labas ng kapilya.
"Lucilla, manatili ka dito sa aking tabi," wika ni Delfin sa babaeng gumamot sa mga sugat ni Gonzalo, at ito'y tumango sa kanyang kabiyak.
"Ihanda mo na ang pagkain ng ating panauhin," bulong ni Delfin sa kanyang asawa.
Ilang saglit lang, may hawak na si Lucilla na masarap na sinabawang manok sa isang malusong na mankok.
Kinuha ni Delfin ang pagkain sa kamay ni Lucilla at lumapit sa kinauupuang teheras ni Gonzalo. "Gonzalo, mainan na kumain ka muna at mainitan ang iyong sikmura." Sabay niyang inilahad ang mainit na pagkain sa harapan ng binatang panauhin.
Tinitigan ni Gonzalo ang maamong mukha ni Delfin sa kanyang harapan, naalala niya ang matalik niyang kaibigang si Zandrino.
"Salamat..." Inabot ni Gonzalo ang pagkain, at dahan-dahang hinigop ang mainit na sabaw nito.
"Gonzalo, lalabas lang kami. Kung kailangan mo ang aming tulong, huwag kang mag-alinlangan na kami'y tawagin. Hihintayin kita sa labas ng kapilya."
Tumango lamang si Gonzalo, at pinagpatuloy ang kanyang pagkain. Pilit na pinaglalabanan ang masidhing emosyon na namamayani sa kanyang kalooban.
BINABASA MO ANG
LARGABISTA
Mystery / Thriller💀LARGABISTA Largabistang nagmula sa nakaraan, nagpasalin-salin sa mga nakalipas na henerasyon at pilit na tumawid sa modernong panahon. Nagbukas ang isang lagusan nang sinilip ng magkapatid na sina Isagani at Gabriel, na nagmula sa panahong 1897...