LARGABISTA : CHAPTER 3

211 7 0
                                    


SA PAGKAGAT NG DILIM

Palubog na ang haring araw nang makarating ang magkaibigan sa pusod ng kagubatan.
Dalawang malaking batong adobe ang nakatirik sa paanan ng isang punong balete ang nakita nilang matitigilan. Hindi alintana ang mga oras na ginugol sa pagtakbo at paglalakad, makalayo lang sa lumang kamalig na balot ng misteryo at lagim.

Kapwa naging pipi sa mga oras na iyon ang magkaibigan. Walang maapuhap na mga salitang masabi; marahil hindi maalis sa kanilang isipan ang kahindik-hindik na kanilang nasaksihan.

Hanggang binasag ni Amhed ang katahimikan.
"Okay ka na ba, Adam?" ang tanging salitang lumabas sa bibig ni Amhed.

Napasulyap si Adam kay Amhed na nakaupo at nakasandal sa malaking bato habang tangan nito ang rifle.

"Wala na bang ibang paraan? Gusto ko nang bumalik sa ating panahon. Nag-aalala na ang ating pamilya! Hindi ko lubos maisip na sa dinami-rami ng tao sa mundo, bakit tayo ang narito?" mga katanungan ni Adam na naghahanap ng kasagutan.

"Adam, hindi tayo puwedeng sumuko! May dahilan ang lahat ng ito, kung bakit nangyayari ang mga bagay na hindi natin inaasahan. Let us take up the challenge! Walang problema na walang solusyon," positibong tugon ni Amhed.

"Alam mo, Bro, d'yan naman ako bumibilib sa iyo. Sa fighting spirit mo." Agad na lumapit si Adam at tumabi sa kinauupuan ng kaibigan.

"Sa ganitong pagkakataon, kinakailangan natin ang tibay ng ating loob, presence of mind, at determination. Kahit ano pa ang ibato sa'yo ng mundo ay kakayanin mo itong mapagtagumpayan." Sabay tapik ni Amhed sa balikat ni Adam.

"Tara, gumawa na tayo ng bonfire bago pa tuluyang dumilim." Sabay tindig ni Amhed upang kumuha ng mga tuyong dahon at kahoy sa paligid.

Sumunod na rin si Adam upang tulungan ang kaibigan.

Ilang saglit lang, nakagawa na ng bonfire ang magkaibigan. Kasabay nito ang tuluyang paglatag ng dilim sa buong paligid.

"Wow, ang bilis mong magparikit ng apoy! Akala ko driving ang field of expertise mo. Master mo rin pala ang pagiging Boy Scout," maaliwalas na saad ni Adam.

"Natutuhan ko kay Papa nang kasama ko pa sila sa Australia. Bata pa lang kami ni Kuya Caleb isinasama na kami kami ni Papa sa kagubatan para mag deer hunting. Kay Papa rin namin natutuhan ang proper handling ng rifle at shotgun," paliwanag ni Amhed.

"Itong hawak ko ngayon na single shot rifle-- vintage na ito. Ganitong klase ng rifle ang ginagamit ng mga pirates noong unang panahon. Dapat mabilis kang mag load and unload ng bala nito. At kung hindi--mauunahan ka ng kalaban mo. Ngayon ibang klase na ang mga rifles sa merkado, kahit ilang bala pa ang ilagay mo--puwede!" karugtong na paliwanag ni Amhed.

Kinuha ni Adam ang single shot rifle sa mga kamay ni Amhed. "Ayos! 'Pag nakabalik tayo dalhin natin ito." Sabay na kinilatis ni Adam ang tangang baril.

"By the way, may balak ka pa bang magtungo sa Australia after our studies?" tanong ni Adam habang iniuumang ang rifle sa isang masukal na damuhan sa hindi kalayuan.

"Hmm...alam mo namang Mama's boy ako. But kidding aside, hindi ko kayang iwanan si Mama. After kasi nilang maghiwalay ni Papa, ako na lang ang nagsilbing strength ni Mama. At si Kuya Caleb ang nasa pangangalaga ni Papa. Depende siguro kung magpapalit kami ni kuya ng position. As of now; it's complicated, Adam. Only time can tell," nakangiting tugon ni Amhed.

"Pasensiya na, Bro. Alam kong iniiwasan mong pag-usapan ang family mo," paumanhing saad ni Adam at ibinalik kay Amhed ang hawak niyang rifle.

"Ano ka ba? Hindi ka na ibang tao sa akin. Sa totoo lang nakikita ko sa'yo si Kuya Caleb. Mayroon kayong pagkakatulad sa maraming bagay. It's been five years when they visited here--dito sa Pinas. For me, isa iyon sa pinakamasayang panahon na aking pinapahalagahan."

LARGABISTA Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon