Wakas

3.6K 107 4.3K
                                    

Ang akala noon ni Vanessa ay walang patutunguhan ang buhay niya buhat noong sinabi niya kay Angelo na siya ang magbabayad ng kasalanan ng kanyang ama. Mula pagkabata ay itinanim na niya iyon sa kanyang murang isipan at pinaniwala niya ang sariling habambuhay na siyang mananatili sa kamay ng isang Aldover para pagbayaran ang kasalanang hindi niya ginawa.

Buhat noong manatili siya sa Isla Montellano ay naging payapa ang buhay ng pamilya niya, ibang-iba sa kinalakihan niya sa piling ng kanyang tunay na ama.

Sa murang edad ay marami na siyang karanasan at mga nasasaksihang hindi angkop sa kanyang inosenteng isipan habang nasa poder siya ng baliw niyang ama. Alam niya ang nagaganap sa paligid niya lalong-lalo na ang pagtitiis at paghihirap ng kanyang ina sa mga ginagawang kabaliwan nito. At hindi lang iisang beses niyang nasaksihan iyon.

Nahasa ang isip niya sa murang edad dulot ng mga nangyayari sa paligid niya. Mabuti na lang at ipinapaliwanag ng kanyang ina sa kanya ang lahat at hindi nito hinayaang malason ang kanyang murang isipan sa kanyang mga nasasaksihan habang lumalaki siya.

Katulong ng kanyang ina ang kanyang Tito Ziggy sa pagpapaliwanag sa kanya na mas tumayo pang kanyang ama kaysa sa tunay niyang ama. Ito ang katulong ng kanyang ina sa pag-aalaga at pagpapalaki sa kanya.

Hindi rin lingid sa kanyang kaalaman ang relasyong mayroon ang mga ito na hinayaan lang niya dahil deserve ng kanyang ina ang mahalin at pahalagahan.

Hindi iyon naibigay ng kanyang tunay na ama at naibibigay iyon ng kanyang Tito Ziggy sa kanyang ina. Hindi naman kasal ang kanyang magulang at isang laruan lang ang tingin ng baliw niyang ama sa kanyang ina. Isang kasangkapan na ginagamit lang sa ibabaw ng kama. At nabuo lang din siya dahil sa kabaliwan ng kanyang ama.

Hanggang sa makalaya nga sila sa kamay ng kanyang ama sa tulong kanyang Ate Caren. Doon niya rin unang nasilayan si Carl Angelo at nagbitaw siya dito ng isang pangako na siya ang magbabayad ng mga kasalanan ng kanyang baliw na ama sa pamilya nito. At doon nagsimula ang lahat sa pagitan nila.

Tuwing bakasyon ay nasa Isla Montellano ito at laging nakasunod o nakabantay sa kanya kahit saan siya magpunta. May limitasyon ang bawat galaw niya at sunod-sunuran siya sa isang Carl Angelo. Bawat kilos niya ay alam nito at nakakawala lang siya sa pagiging bossy, possessive at territorial nito kapag bumabalik ito sa lungsod.

Hanggang sa sumapit ang ikalabing-walong kaarawan niya at hindi niya inaasahan na kasabay ng kanyang pagiging isang ganap na dalaga ay ang pagkawala rin ng kanyang kalayaan dahil naging asawa siya nito. Naging lihim 'yon sa lahat at tanging silang dalawa lang ni Angelo ang may alam.

Ang akala niya ay doon na magsisimula ang pagpapahirap sa kanya ni Angelo dahil ang pinaniniwalaan niya noon ay ginagamit lang siya nito sa paghihiganti. At kaya lang siya nasa tabi nito ay para pagbayaran ang kasalanang ginawa ng kanyang ama.

Pero kabaliktaran lahat ng iniisip niya ang nangyari. Dahil naging buhay prinsesa siya sa piling ng kanyang asawa. Nagkamali siya sa kanyang panghuhusga dito dahil nakilala niya ang totoong Angelo.

Ang akala niya ay makukulong na siya sa isang loveless marriage at mangyayari sa kanya ang mga napapanood at nababasa niya tungkol sa mag-asawa na ginagamit lang kasangkapan ng lalaki ang babae. Inaalila at inaalipin lalo na pagdating sa ibabaw ng kama.

Pero nagkamali siya dahil ipinakita at ipinaramdam sa kanya ni Angelo ang kahulugan ng pagmamahal. At hindi lang pala siya ang nagmamahal sa kanilang dalawa dahil higit na mas mahal pa pala siya ni Angelo kumpara sa pagmamahal niya dito.

Totoo pala na huwag kang basta huhusga ng tao kapag hindi mo pa lubusang kilala ito. Maaaring malinlang ka sa panlabas na anyo at magugulat ka na lang dahil nasa loob pala ang kulo.

Lovin' My Enemy's DaughterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon