Nagising ako sa biglang pagtayo ng katabi ko.
Hindi ko agad maimulat ang mata ko dahil sa antok at dahil din siguro nung aphrodisiac na nainom ko. Nilingon ko ang pinto na marahas nyang binuksan.
Kahit malabo ay kitang kita ko ang pagmamadali nyang pagtakbo papunta sa kanluran.
Si Riyu.
Nagmamadaling umalis si Riyu.
Pinilit kong bumangon kahit na masakit ang buong katawan ko lalong lalo na ang parte ng balakang ko pababa. May suot naman akong damit pero hindi maayos iyon. Nagmadali akong magbihis kahit pa nahihirapan ako at dinampot ang puting pang ibabaw na damit ni Riyu.
Paglabas ko ng pinto ay biglaan ang pagpatak ng ulan kaya ginawa kong pandong iyong damit nya. Sinundan ko kung saan si Riyu papunta. May kung ano kasi sa isip ko ang bumubulong na sundan ko si Riyu.
Kahit na nahihirapan akong maglakad ay tiniis ko. Ang kaninang wala lang na pakiramdam ay unti unting nauwi sa kaba. Bigla akong nakaramdam ng pag-aalala para kay Riyu.
Napatago ako sa nagtataasang damo katabi ng malaking puno ng makarinig ako ng malakas na sigaw. Sigaw ng pinahihirapan at nasasaktan!
Sumilip ako sa pinanggalingan ng sigaw at nakita ko si Riyu kasama ang dalawa pang lalaki.
Ang isang lalaki na hindi nalalayo ang edad kay Riyu ay hindi makalapit sa kanya. Parang may kung anong pwersa ang pumipigil dito na lapitan si Riyu at nakakasiguro akong ang may edad na lalaki ang may gawa noon.
"Ikaw ang may gusto na mangyari ito pagkatapos ay ikaw din ang hindi susunod?"
Kahit hindi makitaan ng galit na ekspresyon ang mukha ng lalaki ay bakas sa boses nito ang pagkadismaya. Hindi rin maitago ang negatibong enerhiyang inilalabas ng katawan nito. Ang itim ng aura!
Nakahawak si Riyu sa ulo nya. Mahigpit na hawak ng dalawang kamay nya iyon at namimilipit sya sa sakit hanggang sa mapaluhod na sya.
"Tigilan na natin ang lahat ng ito. Ayaw ko na maghiganti Ama!" sigaw ni Riyu sa lalaki at pagkatapos ay halos pigain nya na uli ang ulo nya.
Ama?
Kung ganoon ay ama ni Riyu ang may edad na lalaki. Pero hindi iyon agad ang tumimo sa isip ko. Muling bumalik ang atensyon ko sa lalaking parang kagabi lang ay masayang kapiling ko.
Sobrang sakit siguro ng nararamdaman ni Riyu ngayon. Naalala ko na ang unang araw na nakita ko sila. Hawak ng lalaking iyon ang isip nila Riyu. Sya ang kumokontrol ng iniisip nila at kung anong dapat nilang gawin kaya madali nya lang bigyan ng pasakit si Riyu dahil nasa kanya ang isip nito. Pinapasakitan nya ang isip ni Riyu! Gusto ko syang lapitan at damayan pero baka mapalala ko lang ang sitwasyon.
"Katangahan Riyu! Hindi ka ba nahihiya kay Regan? Mas pinili nyang talikuran ang sarili nyang kasiyahan para lang matupad ang gusto mong paghihiganti para sa iyong ina tapos ngayon ay ikaw mismo ang tatalikod sa pinangunahan mong ito?!" galit na sigaw nito.
Nilapitan at inilapat ang kamay nito sa kaliwang dibdib ni Riyu.
"Gusto mo bang pati puso mo ay kunin at kontrolin ko ng sa gayon ay magawa mo ang dapat mong gawin?"
Mabilis na pinigilan ni Riyu ang kamay nitong nakahawak sa kanyang dibdib at walang tigil na umiling.
"Alam mong ang puso ang pinakatraydor sa lahat. Riyu, kapag naging babaylan ang babaeng iyon ay katapusan na nating tatlo. Hindi na tayo makakawala sa sumpang pagkakakulong dito habangbuhay!"
"Nang mamatay ang isa sa mag-aaral nya, alam natin pareho na hindi sya ganon kahalaga sa punong babaylan nila. Maliban sa isang iyon." bawat salita ay may diin. Tila ba malalim ang pinaghuhugutang galit ng lalaking iyon.
Umiiling pa din si Riyu. Nakita ko ang pagtaas at baba ng mga balikat nya. Umiiyak si Riyu.
"Ama, magagawa kong alisin tayo sa sumpa ng wala tayong sinasaktang tao. Kaya pakiusap ama, tama na." pagmamakaawa nya.
Tumawa ito ng pagak at saglit na napatingala.
"Nagmakaawa din ako Riyu para lang mailigtas ang inyong ina, pero walang nangyari. Huli na. Wala na sya. At dahil ikaw, humingi ka ng katarungan kaya pinagbigyan ko ang gusto mo tapos ngayon--" hindi nito tinuloy ang sinasabi at suklam na tiningnan na lang ang anak.
"Wala kang isang salita." sabi pa nito.
Marahas na hinila ng lalaki ang kamay nito mula kay Riyu. Kitang kita sa mukha nya ang panggagalaiti. Tiningnan nya ang isa pang lalaki sa kanyang gilid at nakita ko ang hindi pagkakanda-ugagang iling nito kasabay ang mahinang turan na
"Huwag po."
Mula sa galit nitong hitsura ay naging blangko ito.
"Kailangan mong maturuan ng leksyon." sabi nya pa at itinapat ang kanang kamay kay Riyu.
Sa isang kurap ng mata ay naglaho si Riyu na parang bula. Pang-ibabang damit nya na lang ang nahulog sa lupa kung saan sya nakaluhod.
Napatakip ako sa aking bibig para pigilan na kumawala ang boses ko. Walang tigil ang pag-iyak ko at dahan dahan akong umalis sa lugar na iyon.
---
Nang makapasok ako sa ligtas na parte ng hangganan ay kusang nawala ang lakas ng mga tuhod ko. Halos gumapang ako papunta sa kubo ko habang umiiyak. Naiwan pa sa buhok ko ang amoy ng damit ni Riyu ng bigla na lang naglaho ang damit niya ng makapasok na ako sa loob ng barrier na gawa ni Mathilda.
"Binibini!"
Tumakbo papalapit sakin si Bel at hinawakan ako sa magkabilang balikat.
"Binibini ano pong nangyari? Bakit kayo umiiyak?"
Napayakap na lang ako sa dalagita at hindi na napigilan pa ang paghagulhol.
"Wala na si Riyu. Wala na siya."
Niyakap ako ng mahigpit ni Bel habang paulit ulit akong pinapatahan.
Ang sakit ng puso ko. Ang sakit sakit! Kay Riyu na mismo galing na ayaw nya na ituloy ang pinapagawa ng lalaking iyon. Ayaw nya na ako patayin! Pero kung alam ko lang. Kung alam ko lang na ang kapalit ng hindi nya pagsunod ay ang sarili nyang buhay sana pumayag na lang ako. Sana hindi na ako tumanggi at sinabing bigyan pa ako ng dalawang taon.
Masyado akong naduwag!
Inabutan kami ng malakas na ulan ni Bel sa labas pero hindi manlang niyon nahugasan ang sakit na nararamdaman ko.
Sa bawat lamig na sumusuot sa bawat kalamnan ko ay mas tumatatak sa isip ko na ganito ang lamig na hindi na mapapawi. Dahil wala na si Riyu na aakap sakin at papawi sa lamig na nararamdaman ko.
Bakit ngayon pa Riyu?
Bakit ngayon pa na may nararamdaman na ako para sayo?
Bakit ngayon mo pa ako iniwan?
Bakit hindi mo tinupad ang sinabi mong hindi mo na ako iiwan at hindi ka na aalis sa tabi ko?
Bakit?
BINABASA MO ANG
CONNECTED
RandomDahil sa hindi sinasadyang aksidente ni Angela, nagising sya sa lugar na hindi nya alam at hindi nya tukoy kung anong taon o panahon. Nang makilala nya ang Dyosang si Haliya ay saka nya nalaman na kinakailangan ni Anastasia ang tulong nya, ang babae...