Chapter 15

7 5 0
                                    


Dalawang buwan na simula ng makabalik si Mathilda mula sa bundok kung saan sya pinatawag pero wala pa rin kaming naririnig ni Bel mula sa kanya.

Hindi sya nagpasabi ng kahit na ano. Maayos naman na ang pakikitungo nya sakin. Hindi na sya katulad ng dati na malamig ang pakikipag-usap sakin na para bang may maling bagay akong palaging nagagawa.

Nitong mga nakaraan, kahit na maliit na salo-salo ay iniimbitahan nya kami ni Bel. Mabuti nga at dalawang linggo lang tumagal ang pagsusuka ko at nawala na rin. Kaya nawala din ang duda sakin ni Mathilda.

Pero ngayon, kinakabahan ako sa hindi nya pakikipag-usap sakin o kay Bel. Iba ang kaba ng puso ko.

Paglabas ko ng kubo ko ay sakto naman ang dating din ni Bel. Hingal na hingal ang dalagita at bakas sa mukha nito ang takot at pangamba.

"Binibini, pinagmamadali po kayong pumunta sa bahay ng punong babaylan." sabi nya sa pagitan ng paghinga. Inalalayan nya ako at mabilis naman kaming naglakad papunta doon.



----




PAK!




Malakas na sampal ang isinalubong sakin ni Mathilda pagdating namin doon. Napahawak ako sa kanto ng altar dahil sa lakas ng sampal nya. Halos umikot ang paningin ko!

"Katulad ka din ng iyong ina!" galit na galit na sigaw nya sakin.

Iniling-iling ko ang ulo ko upang manumbalik ang paningin ko. Nahilo ako sa lakas ng sampal nya.

"Kahihiyan sa mata ng Bathala at ng Dyosang gumagabay satin!"

Nang matanggal ang hilo ko ay nilingon ko si Mathilda. Kitang kita sa mata nya ang galit at pagkadismaya. Mukhang alam ko na kung bakit.

"Ang tigas ng ulo mo Anastasia! Ang sabi ko ay layuan mo ang lalaking iyon pero ano ang ginawa mo?! Ibinigay mo pa ang sarili mo! Inihain mo!"

Napaatras ako ng maglakad palapit samin si Mathilda. Hawak hawak ni Bel ang kaliwang braso ko para alalayan ako. Naririnig ko ang mahinang pag-iyak nya sa tabi ko.

"Dalawang taon na lang sana Anastasia at ganap na babaylan ka na pero ano ito?! Anong kawalanghiyaan ang pumasok sa isip mo at ginawa mo ito?!" halos umusok ang ilong ni Mathilda sa galit nya sakin.

Oo alam ko.

Mali naman talaga ako e. Mali na hinayaan kong talunin ng puso ko ang isip ko. Pero hindi naman siguro mali na minahal ko si Riyu? Hindi ba?

Mabilis na naglakad papasok sa kubol si Mathilda. Mayamaya din ay lumabas sya doon at may dalang baso. Pabagsak nyang nilagay yon sa tabi ko, sa may altar.

"Mamili ka Anastasia, ang batang iyan o ang pagiging babaylan?"

Gulat akong napatingin sa kanya. Hindi ko alam kung anong pipiliin ko.

Paano kung gusto ni Anastasia na maging babaylan at hindi maging isang ina?

Gusto kong buhayin ang batang ito pero gusto ko din maging isang ganap na babaylan para kay Anastasia, para sa katawang hinihiram ko at ngayon ay unti unti ko ng inaagaw mismo sa kanya.

"Anong gagawin mo kapag pinili ko ang maging isang babaylan?" mahinang tanong ko sa kanya.

Tinuro nya ang baso.

"Inumin mo ang gamot na iyan ng mawala ang sagabal sa pagiging babaylan mo."

Nanlaki ang mga mata ko at gulat na gulat na tumingin sa kanya.

"Papatayin ko ang batang ito? Ang batang walang kasalanan, inosente at sarili kong dugo't laman?!"

Hinawakan ko ang tyan ko at umiling. Hindi. Ayoko. Hindi ko papatayin ang batang ito. Wala naman syang kasalanan. Kung meron mang may pagkakamali dito, iyon ay ako at si Riyu!

CONNECTEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon