"Bel!"
Tumakbo ako papunta sa likod ng kubo nya at nakita ko sya doong nagdidilig ng mga halamang tanim nya. Huminga muna ako ng malalim bago nagsalita.
"Bel, napansin mo ba si Rio?"
Humarap sakin ang ngayong dalaga nang si Bel at umiling.
"Bakit po binibini?"
Nasapo ko ang noo ko.
"Hindi ko makita ang batang yon! Galing na ako sa tawid ng ilog pero wala sya doon. Sinabi kong hintayin ako sa loob ng kubo dahil may kukunin lang akong halamang gamot para sa lagnat nya pagbalik ko e wala sya sa loob! Saan kaya pumunta ang batang iyon?!"
Ibinaba ni Bel ang lagayan nya ng tubig at pumasok sa loob ng kubo nya. Paglabas nya ay iling ang isinagot nya sakin.
"Tiningnan nyo na po ba sa bandang taas na parte ng ilog?"
Tumango ako. "Wala sya doon."
"Sa ibabang parte po ng ilog, wala din?"
Tumango ulit ako. Naiiyak na ako sa sobrang pag-aalala.
Napatingin si Bel sa daan pakanlurang bahagi ng bundok pero umiling agad ako.
"Hindi Bel. Hindi sya pupunta dyan dahil palagi kong ibinibilin na huwag na huwag syang lalampas sa hangganan papunta sa kanluran. Nakakaintindi na ang anak ko Bel. Dalawang taon at kalahati na sya at kahit kailan ay hindi sya sumuway sakin."
Nagkatinginan kami ni Bel saglit at saka sabay ding napalingon sa daan papunta sa kubol ni Mathilda.
Hindi. Hindi maaari!
Hindi pa ganoon kabuti ang loob sakin ni Mathilda dahil sa ginawa ko pero napilitan syang patawarin ako dahil kinausap sya ng Dyosa Haliya. At sa isang linggo ay magiging ganap na babaylan na ako.
Kahit na mabigat pa ang loob nya ay naging maayos kami kahit papaano pero mahigpit nyang ipinagbawal na huwag papuntahin si Rio sa kubol nya, kahit pa sa paligid lang nito dahil naalala nya ang pagkakamali ko sa bata!
Magkasabay kaming tumakbo ni Bel papunta sa kubol ni Mathilda.
Sa pakanluran ko lang sya pinagbawalan pero hindi ko pa sya nasasabihan na huwag pumunta sa daan pasilangan.
---
Malayo pa kami ni Bel ay kitang kita ko na ang likod ng anak ko. Magkatabi sila ni Mathilda.
Pareho kami ni Bel na napatigil sa paglapit ng marinig ko ang mahinang tawa ni Mathilda habang kausap si Rio.
"Hindi po kayo takot sa dugo?" inosente pero matatas na tanong nito sa nakakatanda.
Bahagyang ginulo ni Mathilda ang buhok nito bago sumagot.
"Hindi. Hindi naman kasi malaki ang sugat kapag natusok ka ng tinik ng rosas. Saka mabilis lang gagaling iyon."
Napahawak ako sa dibdib ko dahil sa kakaibang pakiramdam. Hindi ko napigilan ang luha ko dahil sa kakaibang galak.
Totoo ba ito?
Ang inaasahan kong pagtatagpo ay sinisigawan ni Mathilda ang anak ko o di kaya ay kinakaladkad paalis sa lugar niya. Ngunit iba ang nakikita ko.
Nakangiti sa kanya si Rio at mukhang ganoon din sya sa bata.
Kinapa nya ang noo at leeg nito. Magsasalita sana si Mathilda pero mukhang napansin nya na kami ni Bel na nakatigil sa bandang likuran nila. Umiwas ng tingin si Mathilda at inayos ang pagkakatayo nya.
Lumapit na ako at kinarga ang anak ko.
"Iuwi mo na ang batang yan. Humupa na ang lagnat nya." sabi nya at saka naglakad papasok sa kubol nya.
---
"Alam nyo po ba ina, binigyan nya ko ng masarap na pagkain at matamis na prutas. Hindi ko po alam kung anong tawag sa prutas na iyon. Saka po pinainom nya ako ng gamot pero kakaiba po sa gamot na pinapainom nyo sakin. Iyon po kasi hindi pangit ang lasa."
Natawa si Bel sa huling sinabi ni Rio. Niyakap ko naman sya habang karga ko at umoo nalang ako ng umoo.
Dalawang taon at kalahati palang si Rio pero matatas na talaga sya magsalita. Maingat kami ni Bel sa pakikipag-usap sa kanya at iniiwasang mabanggit ang salitang 'Ama' dahil baka maghanap o magtanong sya.
Masyado pa syang bata at maguguluhan lang sya sa bagay na iyon. Hinihintay ko pa ang tamang pagkakataon para masabi ko ang tungkol sa bagay na iyon.
Sa ngayon, kahit pa sabihin sakin ni Mathilda na mabigat ang loob nya sa nagawa namin ni Riyu ay nasisiguro ko na maayos naman nyang pakikisamahan ang anak ko.
---
(2 araw bago ang pagsapit ng pagkaganap na babaylan)
Tatlong araw na ang nakalipas mula ng magkita si Mathilda at ang anak kong si Rio.
Ngayon ay nakamasid lang ako sa kanila ni Dyosa Haliya. Kinausap ako ng Dyosa na gusto nyang bigyan ng basbas o sa ibang salita ay binyag si Rio. Nagkataon na naliligo ang bata sa ilog kaya naging magandang pagkakataon na din iyon sa Dyosa.
Naririnig ko mula dito sa malaking bato ang hagikhik ng anak ko. Mukhang masaya ang pinag-uusapan nilang dalawa. Mayamaya din ay biglang sumeryoso ang mukha ni Rio samantalang nanatiling nakangiti ang Dyosa. Gusto ko man pakinggan kung anong pinag-uusapan nila, ayaw ko naman maging bastos sa harap ng mga ito. Isa pa, ang Dyosa Haliya ang dahilan kung bakit nanatiling malakas ang espiritual na kapangyarihan ko at ang pagtanggap saking muli ni Mathilda.
Nang umalis ang Dyosa ay mabilis na tumakbo papunta sakin si Rio. Muntik pa syang madapa kaya napagalitan ko ng bahagya ang bata.
"Ina! Madami po kaming pinag-usapan ng magandang dyosa!" ngiting-ngiting bungad nya sakin na para bang di narinig ang paggagalit ko kanina sa kanya.
"Hmmm, pwede mo bang sabihin kung ano ano iyon?" hinayaan ko na lang din ang galit ko at kinalimutan na.
Ayaw ko lang kasing muling masaktan o magkasakit ang anak ko.
Ganito pala kapag naging isang ina ka na. Kahit na maliit na bagay basta ikasasakit ng anak mo ay mas masakit ang dating sayo. Kahit pa ga-katiting na sugat man iyan.
Umiling si Rio at mapanuksong ngumiti. "Bawal pong ipagsabi sabi nya."
"Kahit sakin? Bawal?" kunwaring simangot ko.
Tumango tango naman ito. Tinawanan ko na lang sya ng mahina at sinabing tapusin na ang pagligo dahil baka pasukin na sya ng lamig.
"Habulin mo po ako ina!" sabi ni Rio at saka tumakbo paakyat papunta sa kubo namin.
"Rio mag-ingat! Baka madapa ka!" mabilis kong dinampot ang mga pinaghubaran nyang damit at saka naglakad kasunod nya.
Nauna na sakin si Rio dahil sa pagtakbo nito. Ganon na lang ang gulat sa mukha ko ng pag-ahon ko ay nakita kong nakatingala si Rio sa lalaking nakatayo sa gitna ng kabahayan namin. Mabilis kong pinuntahan si Rio. Hinila ko ang bata at itinago sa likod ko.
Dalawang taon na nang huli kong makita ang lalaking ito.
"Totoo nga ang sabi sakin. Nananalaytay sa batang iyan ang dugo ng aking dugo."
Napalunok ako. Nakakatakot ang awra ng lalaking ito. Mula pa noon ay hindi iyon nagbago kahit na isang beses!
Tiningnan nya ng seryoso ang batang nasa likuran ko na bahagya palang nakasilip sa kanya habang mahigpit ang hawak sa aking bestida. Para bang pinakatititigan nya ang bata upang matandaan ang bawat detalye nito. Pagkaraan ay tumalikod sya samin at naglakad na papunta sa kanluran.
"Ina, sino po iyon?"
Abot abot ang kaba sa dibdib ko. Paano nakapasok sa pananggalang iyon at ano kaya ang nasa isip ng ama ni Riyu?
Nilingon ko ang bata bago ulit napatingin sa daan papunta sa kanluran. Possible kayang tama ang naiisip ko? Pero...
Anong kailangan nya sa anak ko?
BINABASA MO ANG
CONNECTED
RandomDahil sa hindi sinasadyang aksidente ni Angela, nagising sya sa lugar na hindi nya alam at hindi nya tukoy kung anong taon o panahon. Nang makilala nya ang Dyosang si Haliya ay saka nya nalaman na kinakailangan ni Anastasia ang tulong nya, ang babae...