TEASER

32.1K 774 224
                                    

IMPERFECTLY WRITTEN.


Inspired by real-life events.

Sinimulan: May 5, 2021
Natapos: May 27, 2021

🌹🌹🌹

Pangarap ni Aurea Hane Velasco ang maging isang sikat na manunulat sa Wattpad at kung susuwertehin ay makapag-publish ng sariling librong maaaring mabili sa iba't ibang bookshop sa bansa kahit alam niyang malabong mangyari iyon.

Pakiramdam niya kasi ay doon niya nailalabas ang kaniyang talento, imahinasyon, saloobin at hinanaing sa mundo. Ito rin ang nagsisilbing paraan para makausad siya sa buhay.

Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin niya alam kung anong career ang nararapat para sa kaniya.

Kita mo nga naman, palpak na nga siya sa buhay, iniwan pa sa ere ng kaniyang dating kasintahang si Pierre Guzman.

Kung puwede lang siyang gumawa ng sariling love story katulad ng ginagawa niya sa Wattpad ngayon ay matagal na niyang ginawa.

Kung maaari lang pumili ng lalaking mamahalin at makakasama hanggang pagtanda, baka matagal na niyang pinili ang bidang lalaki sa kaniyang istorya para sigurado siyang magiging happy lang at walang ending.

Kung puwede lang gawing makatotohanan ang lahat, hindi siguro siya naiwang sawi.

Sana nga ganoon lang kadali ang buhay para sa kaniya. Para sa lahat.

Pero naisip niyang may dahilan nga talaga ang lahat ng nangyayari sa bawat araw na lumilipas.

At ngayon, muli na naman niyang iisipin kung ano ang dahilan nang biglang pagdating ng isang lalaki sa kaniyang buhay.

Lalaking punong-puno ng kakaibang karisma.

Hindi man ito mukhang mapagkakatiwalaan dahil sa datingan at pananalita nito ay sumama pa rin siya kahit alam niyang malakas na ang impluwensya ng alkohol sa kaniyang sistema.

Hindi naman siya birhen para mapuno ng kuryosidad ang kaniyang isipan ngunit sa pagkakataong iyon, pinili niyang ipagkatiwala ang sarili rito.

Isang gabi.

Isang gabi lang ang kinailangan para magkaroon na naman ng kakaibang kuwento ang kaniyang simple at payapang buhay.

Hindi niya lubos akalaing magbubunga ang kanilang kamunduhan.

Kung alam lang niya ay hindi na lamang siya sumama rito. Kung maibabalik lang ang oras ay hindi niya ibinigay ang sarili sa lalaking saglit lamang niyang nakilala.

Pero ano pa nga ba ang magagawa niya kung gayong may nabubuhay na sa kaniyang sinapupunan?

Ang malaking katanungang bumabagabag sa kaniyang isipan ay kaya ba siyang panindigan ng lalaking dahilan kung bakit namomroblema siya ngayon?

At ano kaya ang kahahantungan ng kanilang mga padalus-dalos na desisyon?

Ito na kaya ang simula ng pagdagsang mga problema o pamumuo ng tunay na pagsinta?



© 2021 isipatsalita. All Rights Reserved.

Pagsinta (Unang Tamis)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon