Kabanata 3

606 25 8
                                    

"Sanjay Alfaro?"

Napatango akong muli sa pagtatanong ni Amang.

Nasa sala na kaming buong pamilya at tahimik na nag uusap. Hindi ko rin kasi kinayang tiisin ang galit nila akin kaya wala akong choice kundi sabihin ang totoo dahil kahit papaano'y gusto kong mabawasan ang kasalanan ko. At isa pa, wala na akong ibang matatakbuhan kundi ang pamilya ko. Sila lang ang makakatulong sa akin kaya napilitan na akong umamin.

"At taga saan naman ito?" kalmado na ang boses ni Amang ngunit mabigat pa rin 'yon.

"Taga Quezon city po," mahinang usal ko, hindi makatingin sa kanila.

Katahimikan ang bumalot sa sa amin bago niya muli itong binasag.

"Bueno, bukas na bukas din ay luluwas tayo ng Maynila. Kailangan kong makausap ang mga magulang niya."

Gulat akong napaangat ng tingin sa kanya.

"Amang."

"Oh bakit? Huwag mong sabihing hindi alam ng lalaking 'yan na nabuntis ka niya?"

Napatungo ako.

"A-Alam niya ho."

"At ano'ng ipinangako niya sa'yo?"

Nag angat uli ako ng tingin. Tinignan ko rin si Inang na naghihintay ng sagot.

Ipinangako?

Wala naman siyang ibang ipinangako kundi pinansyal na suporta sa pagbubuntis ko hanggang makapanganak.

"Amang."

"Huwag mong sabihing wala din? Aba'y hindi p'wede 'yan. Samahan mo kami bukas sa kanila at kami na ng Inang mo ang bahalang kumausap sa kanya at sa mga magulang niya. Hindi p'wedeng basta na lamang niyang talikuran ang nagawa niya."

Napalunok ako.

Paano ko sasabihin sa kanila na wala na kami? Na isang pagkakamali lang ang lahat?

At isa pa hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ni Sanjay pag pumunta kami ro'n. Paniguradong sisisihin niya ako sa hindi ko pagsabi sa mga magulang ko na tapos na kami.

"Amang..."

"Pinal na ang desisyon ko. Pupuntahan natin 'yang nobyo mo sa Maynila bukas," aniya bago kami iniwan sa sala.

Wala akong nagawa kundi habulin siya ng tingin. Nasa mga mata ko man ang pagtutol ay wala akong magawa kundi mapapikit ng mariin.

Maaga nga kaming lumuwas ng Maynila nina Amang at Inang. Sinubukan kong tawagan si Sanjay mula pa kagabi pero hindi nya ako sinasagot. Tinext ko na rin siya na sagutin ang mga tawag ko pero wala akong nakuhang reply. Napakalamig niya. Napakalamig na niya.

Hanggang sa biyahe ay sinubukan ko pa rin siyang tawagan pero nagriring lang ang kabilang linya kaya tumigil na rin ako. Halos isang oras lang ang biyahe kaya agad kaming nakarating sa exclusive subdivision nila. Hindi pa ako nakakapunta doon pero na-mention noon sa akin ni Jia ang subdivision nila dahil dati rin siyang tumira doon bago sila lumipat ng Makati.

"Saan po sila?" tanong ng guwardiya nang huminto ang taxi na sinasakyan namin sa bungad.

"Kay Sanjay Alfaro kami," sagot ni Amang.

"Kaano ano po kayo ng pamilya Alfaro?"

"Nobyo ng binata ang anak ko." Tinuro ako ni Amang kaya napatingin ang guwardiya sa akin.

"Sandali lang ho." Lumayo at nagradyo ang guwardiya.

Nagkatinginan kami ni Inang. Kabado kong pinaglaruan ang mga kamay habang naghihintay.

Bound for EvilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon