Kabanata 24

541 23 8
                                    

"Bakit tinatakpan mo na 'yan? Hindi mo ba tatanggalin 'yong bala?!" gigil na puna ng lalaking nasa likod ko.

Nasa ganoong ayos pa rin kami. Nakatutok ang baril nila sa mga sundalo at ang iba naman ay nasa akin. Natapos ko na ang paglilinis at pagbibigay ng gamot sa pasyente. Tinakpan ko na ng malinis na gauze ang mga sugat niya.

"Gaya ng sabi ko kanina, kailangan niyang ma-CT scan. Hindi ko basta basta p'wedeng tanggalin 'yong bala hangga't hindi ko nakikita ang nasa loob ng katawan niya. Malalagay sa panganib ang buhay niya," walang emosyong paliwanag ko habang inaayos ang pagkakahiga ng matanda.

"Bakit nga hindi p'wede? Paano kung maimpeksyon 'yan sa loob?!"

Tumayo ako at namulsa sa coat ko. Tinignan ko ang lagay ng pasyente. Mas na-stabilized na siya ngayon.

"Maaari pero hindi naman niya agad ikamamatay 'yon. Mas ikamamatay niya ang pagtanggal ng bala agad. Hindi natin alam kung may parte ba na natamaan sa loob. If the bullets are too close to a vital organ, or they have moved into a blood vessel that causes clot, removing them carries a greater risk of further harm." Napabuntong hininga ako.

"Kung ganoon hahayaan mo na lang siyang ganyan?!" pagalit na namang sabi niya.

Walang emosyong hinarap ko siya.

"Nasa sa inyo na 'yon kung hahayaan nyo siyang ganyan," sarkastikong tugon ko.

"Aba't-"

"Sinabi ko na sa inyo, kailangan niyang madala sa ospital. Magkakaimpeksyon talaga 'yan o magkakaroon ng pamamaga kalaunan."

"Hindi nga kami p'wedeng pumunta ng ospital, hindi mo ba naiintindihan 'yon?!"

"E 'di ospital ang papuntahin niyo rito?" pamimilosopo ko, pagod na pagod nang magpaliwanag.

Hinaklit niya ang braso ko at hinawakan nang mariin.

"Talaga nga namang...ginagago mo ba ako? Kaya ka nga nandito e para gamutin siya!"

"Bakit ospital ba ako?" sarkastikong tanong ko.

Hindi ko alam kung saan nanggagaling 'yong tapang ko sa pakikipag usap. Marahil dahil pagod na akong magpaliwanag ng paulit ulit.

"Doktor lang ako. Tao at hindi all-in-one equipment na kayang mag-opera dito ngayon mismo," iritado nang sabi ko. "Ngayon kung gusto niyong mabuhay ang pinuno niyo, dalhin natin siya sa ospital. Kung ayaw niyo naman, ospital ang dalhin niyo rito kung kaya niyo."

Humigpit ang hawak niya sa braso ko at nag aapoy na ang mga matang nakatingin sa akin.

"Talaga bang ginagalit mo 'ko?" gigil na bulong niya.

"Tama na 'yan. Tama siya. Doktor siya kaya mas may alam siya sa nangyayari," sabat ng lider.

"Pero hindi natin alam kung totoo ba ang sinasabi ng babaeng 'to, boss! Baka nga inuuto lang niya tayo para ipahuli e!"

Nagpoker face ako. Hanep naman talaga. Tinulungan na't lahat nagduda pa rin.

"Hindi. May tiwala ako sa kanya."

Napatingin ako sa lider ng sabihin niya 'yon.

"Hindi niya gugustuhing ipahamak ang sarili niya kaya tiwala ako sa mga sinasabi niya." Ngumisi siya nang nakakaloko.

"Pero boss..."

"Tama na. Umalis na kayo," kalmadong utos niya sa mga sundalo.

Nagsimula nang umikot si Capt. Dechavez nang marahan habang nakatutok pa rin ang baril sa mga ito. Alerto ang lahat sa bawat kilos niya.

Bound for EvilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon