Redentor Serrano (24)

2.5K 185 40
                                    

You're Not My Brother

Episode 24

Red

Kasalukuyan ako na nagpapahinga sa silid ni Gael nang maalimpunhatan ako dahil sa mga naririnig ko na tinig mula sa labas.

Nagmulat ako ng mga mata saka ako nakiramdam sa pinagtatalunan nila. Kababakasan ng galit ang tinig ni Tito Raul dahilan upang makadama ako ng pag-aalala.

"Tarantado kang bata ka. Iyan ba ang mga natutunan mo sa Maynila?" galit na sigaw ni Tito Raul.

Mabilis akong napabangon saka ko sila sinilip mula sa pintuan ng silid na kinaroroonan ko.

"Bakit mo pinagtrabaho nang ganun ang kapatid mo? Hindi siya sanay sa mga gawaing bukid. Mabuti na lamang at nadaanan ko sila kasama nung dalawang kaibigan mo kung hindi ay baka sa ospital sa bayan ko na siya naabutan. Kung nakita mo lang ang anyo niya kanina, sinisikap niyang tapusin ang trabaho mong tarantado ka para lang hindi ka mapahamak. Pagkatapos ay iyan ang isasagot mo sa akin? Nagbasketball kayo ng mga dating kaklase mo sa kabilang bayan."

Nakita ko na sinisikap pigilan ni Gael ang magalit ngunit patuloy pa rin ang tatay niya sa pagsasalita.

"Hindi ba ang ibinilin ko sayo ay ipasyal mo siya? Hindi pahirapan!" malakas na sigaw ni Tito Raul saka niya inambaan na naman ng sampal si Gael.

Mabilis na akong lumapit sa kanila saka ko iniharang ang sarili ko kay Gael. "Tito huminahon na po kayo. Nakiusap naman po siya ng maayos sa akin at ako rin naman po ang may gusto na subukan ang trabaho niya." pagtatakip ko kay Gael.

Pumalatak siya saka niya sinulyapan nang matalim si Gael. "Hindi ganyan ang ikinuwento sa akin nung dalawa kanina. Hindi magsisinungaling sa akin ang mga iyon." sabi niya.

Napayuko na lang ako saka ko palihim na sinulyapan ang nakayuko din na si Gael. Nakita ko pa ang pagkuyom ng mga kamao niya at ang matinding pagsisikap na pigilan ang galit niya.

"Oo kasalanan ko. Ginawa ko iyon para umalis na siya dito. Simula pa sa Maynila ay para siyang anino ko na palagi na lamang nakabuntot sa akin. Nakakasawa din, Tay. Nakakasakal na." sigaw ni Gael saka na siya padabog na naglakad palabas ng bahay nila.

Napasulyap ako kay Tito Raul. Malalalim ang mga mata niya na tila ba tumanda nang ilang taon mula sa lalaking nakilala ko kagabi.

Nagtangka ako na sundan si Gael pero mabilis na nagsalita ang ama niya mula sa likuran ko.

"Pabayaan mo siya. Ganyan talaga ang batang iyan sa tuwing nasesermunan. Kapag nainip na sa labas ay uuwi rin ng bahay." sabi niya.

Ilang sandali akong napaisip bago ako bahagya na umiling. "Hindi po, sa tingin ko ay kailangan naming mag-usap ngayon ng anak niyo."

Hindi ko ma hinintay pa ang approval niya. Mabilis na akong tumakbo palabas ng bahay nila.

Hinanap ko si Gael sa labas. Naabutan ko siya na nakasakay na sa bangka at sinisikap niya na paandarin ang makina nito.

Hindi pa siya nakakalayo sa daungan kaya mabilis kong tinakbo ang daan hanggang sa nakarating ako sa daungan.

Mabilis akong tumalon at magpapasalamat ako dahil nakasakay ako sa bangka nang hindi sa tubig bumagsak.

Galit na mga tingin ang isinalubong sa akin ni Gael. Kagaya ng ama niya ay nanlalalim din ang mga mata niya ngunit hindi pa rin nababawasan sa paningin ko ang kaguwapuhan niya.

"Putcha naman hanggang dito nakasunod ka pa rin?" iritadong sambit niya saka siya napakamot sa sentido niya.

"I think, we need to talk." seryosong sagot ko at sinalubong ko ang mga nagbabagang tingin niya.

You're Not My Brother (On-Going) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon