12

29 1 0
                                    

Keera

"Pa, kung sakaling umayaw iyong mga client natin, makakakuha ka pa kaya?" nag-aalalang tanong ko kay Papa habang nakaupo sa sofa sa loob ng office niya rito sa bahay.

Katabi ko si Kuya na busy sa pakikipag-chat sa girlfriend niya. Pinapunta kasi kami rito ni Papa dahil gusto niya kaming makausap tungkol sa business ng pamilya. Kanina lang kasi ay nabanggit niya na mabagal ang usad nito kaya pakiramdam niya daw ay kinain niya ang sariling salita.

Siyempre, ayoko namang bumagsak ang business namin dahil ang tagal pinaghirapan ito ng pamilya ko. Sina Kuya at Papa lang ang magkatulong sa pagpapalaki nito kaya kahit gusto ko sila tulungan noong nag-aaral pa ako, hindi sila pumayag dahil gusto nilang mag-focus ako sa pag-aaral.

"May mga contact ako," pagsingit ni Kuya habang nagtitipa pa rin sa screen ng cell phone niya. "Pero siyempre, hindi namna guaranteed na tayo ang kukuhaning supplier ng mga iyon."

Ibinalik ko ang tingin kay Papa. Nakasandal ito sa swivel chair habang nakatingin lang sa amin. "Bakit po hindi tayo mag-expand ng business?"

"May naiisip ka ba?" tanong ni Papa.

"Uhh... to be honest, wala, Pa. Pero sa tingin niyo po, kapag nag-franchise ng other stores, malaki maipapasok sa atin na pera?"

"Or... investment, Pa?" suhestiyon rin ni Kuya.

"May ilang investment na ako. Alam niyo naman iyon. At iyong tanong mo kanina, Keera. Bakit mo pala naitanong?"

"Wala naman po. Medyo nag-aalala lang ako kasi sabi niyo nga po na mabagal ang usad ng business natin ngayon. I mean, given naman na po siguro iyon. Hindi naman marami ang branch natin. Lima pa lang, hindi ba? And besides, hindi naman araw-araw kung bumili ng car parts ang mga tao."

"Gusto ko pa mag-open ng ilang branch." Umayos siya ng upo at naihilot ang mga kamay sa magkabilang sintido. "Ang problema, hindi naman ako makakapag-open kaagad dahil malaki ang gagastusin. May target location na ako para sa dalawa pang branch dahil maganda ang puwesto pero malaki ang kailangan nating ilabas na pera. Naghahanap kami ng kuya Sandro mo ng investor pero wala pa kaming mahagilap."

Napatayo ako dahil sa biglaan kong naisip kaya napatingin silang dalawa sa akin. "Sandro, ihanda ang sasakyan. Aray!" Sinamaan ko ng tingin si Kuya dahil sa pagpisil niya sa tagiliran ko.

"Kuya mo ako, hindi driver. Nandiyan naman si Mang Tony."

"Para dramatic, ano ba?" Inikutan niya ako ng mata kaya inismiran ko siya. "Pa, gagawan ko ng paraan."

Kinunotan niya ako ng noo kaya nahawi ko ang mahabang buhok ko. Parang walang tiwala. "Walang kaso sa akin kung hahanap ka ng investor pero siguraduhin mo na matinong tao ang makukuha mo, Keera."

Kaloka. Hindi matino si Tristan. Paano iyan?

"Ako na pong bahala. Kapag nabingwit ko iyong taong nasa isip ko, matutuwa kayo. Hindi siya just just."

"Just just?" sabay na tanong nila.

"Basta-basta."

"Pa, alam mo, minsan iniisip ko na sana hindi na lang ito bumalik," pang-aasar ni Kuya kaya sinipa ko ang hita niya. Napahawak tuloy siya rito at panay ang daing.

Lumapit ako kay Papa saka humalik sa pisngi bago ako nagpaalam at tinungo ang garden, kung saan laging nakatambay ang driver naming si Manong Tony. Nag-abiso ako rito na magpapahatid kaya pinahanda ko ang sasakyan saka ako bumalik sa kwarto ko para mag-ayos.

Nag-suot ako ng pink knee-length floral summer dress na ibinigay pa sa akin ni Patricia. Isa ito sa mga gawa niya noong fourth year pa lang kami at tulad ko, mayroon din si Patch pero kulay yellow naman rito. Itinali ko rin pa-ponytail ang buhok ko dahil iyon ang gusto ng hudas na lalakeng iyon. Naka-heels rin ako para medyo tumangkad kahit papaano at bumagay sa porma ko.

Two-Month SeductionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon