Alas sais na ng gabi at katatapos ko lang maligo. Nasa kwarto ako at abalang nagbibihis. Maya-maya ay biglang may kumatok sa aking pinto.
"Rose, nakahanda na ang dinner natin. Baba ka na po at sabay na tayo kumain." Boses ni kuya Adrian mula sa labas ng pinto.
"Oho sige kuya, parating na po." Sagot ko habang kinukusot ng tuwalya ang aking buhok.
Pagkatapos magbihis ay agad na akong tumungo sa hapag. Nang makarating ay nadatnan kong naghahain sa mesa si kuya Adrian. "Upo ka na Rose." Nakangiting sabi ni kuya Adrian.
Di ko maiwasang kiligin, kakaibang kilig pala talaga sa pakiramdam kung pagsisilbihan ka ng isang napaka gwapong lalake.
"Naku kuya Adrian, di mo naman po ako kailangan pang paglutuan, nakakahiya naman po, sa susunod ako nalang po magluto para sa atin."
"Hindi ayos lang. Mahilig naman talaga ako magluto eh. Sige kumain ka na."
Sabay kaming naupo sa mesa. Nagluto siya ng cordon bleu at chopseuy. Talagang napaka ganda ng kanyang plating, na tila parang isang graduate ng culinary ang naghain.
Sinubukan kong tikman ang chopseuy at talagang napahanga ako sa lasa, masarap ang timpla nito gayundin sa cordon bleu.
"Kuya Adrian, wala pong halong biro pero napaka sarap niyo naman po magluto." Nakangiti kong sabi.
"Salamat." Nakangiti niyang sabi habang humihigop ng sabaw. "Sa katunayan, sanay talaga ako magluto kasi mama ko graduate ng culinary, siya rin ang cook sa simbahan tuwing may event. At lagi ko siya tinutulungan sa kusina." Kwento niya.
Alam ko naman ang background ni kuya Adrian, masarap talaga magluto si tita. Ngunit lingid sa aking kaalaman na marunong din pala siya magluto.
"Ah talaga po ba? Pero sa simbahan lang po ba kayo nakakapag luto?" Tanong ko.
"Oo, laking simbahan kasi ako. Lumaki akong pinalilibutan ng mga banal na tao. Kasama kasi ang parents ko sa napakaraming organizations ng simabahan, kaya malapit ako sa mga simbahan sa lugar namin. Karamihan ng mga ninong at ninang ko ay mga pari at madre, at pamilya na rin ang tingin ko sa kanila." Tugon niya.
"Naku, di ko po akalain na laking simbahan kayo, ngayon lang po kasi ako nakakita ng relihiyosong pulis." Nakangiti kong sabi.
Natawa si kuya Adrian sa aking sinabi.
"Sa katunayan, gusto ko talaga mag-pari. Gusto ko manilbihan sa simbahan at pagsilbihan ang panginoon. Yon talaga ang pangarap ko. Pero ayaw nila mama at papa, ako lang kasi kaisa-isa nilang anak, at gusto nilang ipagpatuloy ko ang henerasyon ng pamilya namin." Sagot niya sabay subo ng kutsara.
"Ah ganon po ba? Pero hindi po ba binigyan naman tayo ng diyos ng kalayaan para sundin ang puso at kagustuhan natin?"
"Yes, good sentiment. Actually di naman yan nawala sa isip ko bago ako mag-college. Pero di ba nga sabi mo binigyan tayo ng kalayaan ng diyos para sundin ang puso natin? Mahal ko sila mama at papa eh, di ko rin sila matiis sa simpleng kagustuhan nila. Saka naisip ko rin na pwede ko rin naman pagsilbihan ang diyos kahit di ako mag pari. At yon ang rason kaya gusto ko mag pulis. Para ituwid ang landas ng mga taong nagkasala sa diyos. Gusto ko sila tulungan para mapalapit sa panginoon. Naniniwala kasi ako na kahit 'sing laki man ng barko ang kasalanan ng isang tao sa diyos, 'sing lawak naman ng dagat ang pagpapatawad niya para sa atin." Sabay niya akong binigyan ng ngiti.
Di ko maintindihan ang aking naramdaman sa sandaling iyon, tila ba kinilig ako sa napaka buti niyang puso at di ko naiwasang magblush. Tumutugma ang kaniyang mala-anghel na kagwapuhan sa napaka buti niyang kalooban.
BINABASA MO ANG
Nang Maging Babae ang Bading
FantasyMinsan mo na rin bang pinangarap maging babae? Kung mabibigyan ka ng pagkakataon upang maging isang ganap na babae sa loob ng pitong araw, ano-ano ang mga bagay na gagawin mo upang sulitin ang pagkakataon?