Chapter 2
Always Been
I tried asking Harper what he meant but he just ignored all that and changed the topic smoothly. Nakalimutan ko rin naman kaagad iyon sa mga sumunod na araw dahil masyado akong naging excited sa completion namin na paparating. Iginugol namin ang mga huling araw sa pagp-practice ng event.
"Bakit ba kasi magkaiba tayo ng section?" reklamo ko habang nakapila kami sa ilalim ng sikat ng araw.
Nauuna ang section namin kaysa sa kanila. Humiwalay lang siya sa section nila para payungan ako dahil sa init ng araw. Grabe naman kasing mga faculties 'to. Parang walang pakialam kung mainitan man kaming mga estudyante. Mabuti na lang sila at hindi naiinitan doon sa covered court.
"Matalino ka kasi. Tapos ako hindi," ngising sagot niya.
Itinuro ko ang sarili ko. "Ako? Matalino? Bakit hindi ata ako na-inform?"
"Asus. Matalino ka naman talaga. Pa-humble ka pa."
Inirapan ko na lang siya at uminom muli sa bottled mineral water na binili niya.
Hindi pa rin umuusad ang pila dahil nag-uusap-usap pa ang mga teachers tungkol sa kung ano. Nakatayo sila doon sa may entrance at tila nagde-debate habang nagtuturo kung saan-saan.
"Painom din ako bago mo pa maubos 'yan," ani Harper.
Ibinigay ko sa kanya ang bote na napangalahatian ko na. Diretso naman siyang tumunga doon na ni hindi man lang pinunasan kahit na uminom na ako doon.
Well, that's not new to me anymore. All our lives we shared everything. Nakita rin namin ang kadugyutan ng isa't-isa kaya talagang wala na atang bago sa amin.
Ibinalik niya sa'kin ang bote na may laman pa rin at kaagad ko iyong tinakpan para kung sakaling mauhaw ulit kami ay mayroon pa.
Ramdam ko na ang tagaktak na pawis sa noo pababa sa leeg dahil sa sobrang init pero hindi ko naman iyon maalis dahil nakalimutan kong dalhin ang panyo ko. Naiwan iyon sa bag ko sa classroom.
Bahagya akong napatalon nang maramdaman ang pagpupunas ni Harper ng pawis sa noo ko gamit ang panyo niya. "Napaka-boyscout mo talaga," komento ko.
Kahit kailan talaga ay palagi siyang ready.
Ngumisi siya at yumuko ng bahagya para mapunasan ako nang maayos. "At napakamakakalimutin mo naman. Sinabihan na kitang dalhin mo ang panyo mo, 'di ba?"
"Sana all," tili ng mga ka-klase kong babae sa likod namin.
Nilingon ko sila at nakita ang mga ngiti nilang nang-aasar sa'min ni Harper. Ilan lang sila sa mga nag-aakala na boyfriend ko si Harper kahit na paulit-ulit ko namang sinasabi na mag-bestfriend lang kami. Namumuno sa pang-aasar si Jhelay na pinaka-close ko sa kanila.
"Hanap din kayo ng best friend na katulad niya. Para matigil na kayo sa kakasana-all niyo," ngisi ko sa mga ka-klase ko.
"Asus. Best friend lang ba talaga?" pagtataas ng kilay ni Jhelay. "Hindi kasi kami naniniwala na bestfriend lang."
"True," gatong ni Ella.
Napailing na lang ako at tinalikuran ulit sila. They just wouldn't really believe me.
"Pakihawak saglit," paglahad sa'kin ni Harper ng payong.
Kunot noo ko siyang tinignan. "Bakit? Saan ka pupunta?"
"Basta." Pilit niyang pinahawakan sa'kin ang payong. "Babalik din ako kaagad."
Unti-unti nang umuusad ang pila nang makabalik siya. Kaya nga lang ay malayo pa dahil lahat ng awardees ay nasa unahan. At kami namang mga walang awards ay nakapila by section at panglima pa ang section ko kaya malayo pa rin ako sa covered court.