Yareli's POV
"ANO ba kasi ang nangyari at bakit ka sinuntok ni Irvin sa mukha?" tanong ko kay Ronnie nang matapos kong gamutin ang ilong niyang nagdurugo.
"Nakasalubong namin siya kanina ni Jestin tapos bigla niyang sinabi sa 'kin na gusto ka raw niya at layuan na kita. Sinabi ko naman na hindi pupuwede 'yon dahil kaibigan kita, tapos bigla na lang siyang nagalit. Sa inis ko ay inasar ko siya at sinabi kong mas matagal mo na 'kong kilala at may tsansa akong magustohan mo kaysa sa kanya, tapos nagalit siya at ayon nga, sinuntok niya ako sa mukha na naabutan ninyo ni Mayet." mahabang paliwanag ni Ronnie habang hawak pa rin ang ilong niya.
Hindi ako makapaniwala sa mga sinabi ni Ronnie. Maging pati si Irvin ay sinabi na ang nararamdaman niya. Palagi ko na lang siyang nakikitang nagagalit kay Ronnie nang dahil sa akin. Hindi na maganda ang kutob ko sa Steffano brothers, at hangga't nandito pa rin sila sa San Felicidad ay hindi mapapanatag ang loob ko. Sa tingin ko ay pinagseselosan ni Irvin si Ronnie at dahil wala namang kasalanan si Ronnie ay nadadamay pa ito nang dahil sa akin.
"Sana hindi mo na lang sinabi 'yon, Ronnie. Mas pag-iinitan ka lang ni Irvin dahil nalaman mo nang g-gusto niya ako." sabi ko at napabuntonghininga.
Tiningnan ako ni Ronnie nang seryoso. "Matagal mo na bang alam na gusto ka nila?" tanong niya.
"Nitong nakaraan ko lang nalaman noong kaarawan ni Kuya Yasewah at sinabi sa 'kin 'yon ni River. Kahit ano'ng pag-iwas ko sa Steffano brothers ay gagawa at gagawa pa rin daw sila ng paraan para mapalapit sa akin. Hindi ko alam na sa dinami-rami ng mga magaganda at mayayamang babae sa Maynila ay sa akin pa sila nagkagusto." umiiling kong sabi at parang sumasakit lang ang ulo ko sa kaisipang iyon.
"Kahit sino namang lalaki ay magkakagusto sa'yo, Yareli." mariing sabi ni Ronnie. Hindi ko mabasa kung ano'ng emosyon ang nasa mga mata niya.
Kaagad akong umiwas ng tingin rito at tiningnan ang orasan na nakasabit sa pader.
"Alas-sais na pala ng gabi. Kailangan mo nang umuwi at baka hinahanap ka na sa inyo." paalala ko kay Ronnie.
"Pinapaalis mo na ba 'ko? Ayaw mo ba akong makasama? Hindi na nga tayo gaanong nakakapag-bonding dahil palagi ka na lang nagkukulong dito sa bahay n'yo e," tila nagtatampo niyang sabi na ikinatawa ko.
"Para namang hindi tayo magkasama simula pagkabata natin. Hindi ka ba nagsasawang makita ang pagmumukha ko?" natatawa kong tanong.
"Hindi. Kahit araw-araw pa kitang titigan ay hindi ako magsasawa." seryoso niyang sabi na ikinatigil ko.
Ayoko nang mag-isip nang kung anu-ano sa mga sinasabi ni Ronnie. Masyado akong maraming iniisip at ayoko na iyong dagdagan.
"U-Umalis ka na nga!" sabi ko na lang at itinulak ko na si Ronnie papalabas ng bahay. Tatawa-tawa naman siya habang ginagawa ko iyon.
Nang nasa labas na kami ay sumeryoso na ulit ang mukha niya at hinaplos ang buhok ko. "Kung may ginawa mang masama sa'yo ang magkakapatid na 'yon ay tawagin mo lang ako. Handa kitang protektahan sa lahat, Yareli at nandito lang ako para sa'yo."
"Salamat, Ronnie." sabi ko at nginitian din siya.
"Magkita na lang tayo bukas. Paalam." kinawayan niya ako at pagkatapos ay umalis na siya.
Huminga ako nang malalim at pumasok na ulit sa loob ng bahay.
***
KINABUKASAN ay usap-usapan ngayon sa probinsya ng San Felicidad ang pagpapakasal ni Juancho at ang anak ni Congressman Raul Montecillo na si Amanda Montecillo na nobya ni Juancho.
Nanghihina akong napaupo sa kubo at kaagad pinunasan ang luhang kumawala sa mga mata ko. Bakit hanggang ngayon ay masakit pa rin? Napakasakit pa lang magmahal lalo na kung ikaw lang ang nagmamahal. Kailangan kong maging matatag dahil iyang pag-ibig na 'yan ay wala akong mapapala diyan. Mas kailangan kong pagtuonan ng pansin ang pamilya ko at pag-aaral ko.
BINABASA MO ANG
Steffano Brothers' Obsession (To Be Published under PSICOM)
General FictionSi Yareli Tamayo ay isang maganda at mabait na dalagang nakatira sa probinsya ng San Felicidad. Kontento na siya sa kanyang buhay kasama ang kaniyang pamilya at mga matalik na kaibigan. Pero simula nang makilala niya ang Steffano brothers na sila Ri...