Binabaybay ang masukal na gubat na punong-puno ng mga naglalakihang mga puno. Isang gubat na kakaiba sa lahat, walang magagandang bulaklak, walang magandang talon, at walang mabait at maamong hayop.
Ang mayroon lang ay ang nagsisitaasan at nagsisilakihang mga puno. Mga mababangis na hayop na kahit langgam ay aakalain mong tuta dahil sa sobrang laki at iba pang hayop na naghihintay lang ng tamang pagkakataon para umatake.
Nanginginig ang mga laman ko habang naglalakad. Palingon-lingon sa paligid, nakikiramdam.Nasa unahan ko si Dion. Siya ang tagahawi sa mga halamang madadaanan namin habang ako ay nakasunod lang sa kanya.
"Tumingin-tingin ka sa paligid, baka may makita kang prutas," sambit niya nang hindi man lang lumilingon sa akin.
Inirapan ko ito. Kahit nagugutom ay wala parin siyang karapatang utusan ako, baka nakakalimutan niyang paglalakbay ko ito at siya'y isang sabit lang. Pero dahil iniligtas niya ako mula sa mga halamang kumain sa akin at sa mga aswang na iyon, sige, wala namang masama kung susundin ko siya.
Tumingin-tingin ako sa paligid katulad ng sinabi ni Dion at napakunot ang noo ko nang puro puno at mga baging lang ang aking nakita. Wala man lang kahit isang puno ng prutas. Naalala ko na naman ang mga mansanas kanina, tila ba na-trauma ako at hindi ko na magawang kumain ng kahit anong prutas galing sa gubat na ito.
Walang humpay na pagrereklamo ko sa isip ko. Kahit naiirita ay hindi ko parin itinigil ang pagtingin sa paligid, hindi na nga ako nakatingin sa dinadaanan ko kaya naman nakapagsabi ako ng salitang espanyol nang mabunggo ko si Dion.
"Ano ba!? Bakit bigla-bigla ka nalang tumitigil?" singhal ko sa kanya habang himas-himas ang noo ko. Hindi ko kasi napansin na tumigil pala siya sa paglalakad at humarap sa akin kaya naman nabunggo ang mukha ko sa dibdib niya.
Naiinis ko itong tiningnan ngunit seryoso lang ang mukha nito habang nakatingin sa akin. Seryosong mga tingin at umiigting na mga panga ang kanyang ipinakita kaya naman bigla akong kinabahan. Nababasa ko kasi sa mga kuwento na kapag umiigting ang panga ng mga lalaki ay may masama silang binabalak.
Ibig kong sabihin, hindi naman ganun kasama.
"A-ano?" nauutal kong tanong sa kanya. Umatras rin ako ng isang hakbang para makasigurado.
"Hay! Bakit ba walang prutas sa lugar na ito!" Bigla niyang wika sabay upo sa isang may katamtamang laki na puting bato kasabay nag pag-upo niya ay sya ring pag-iba ng ekspresiyon ng kanyang mukha.
Ang kaninang umiigting na mga panga ay napalitan ng ekspresiyon ng isang batang naiirita. Nagtagpo ang mga kilay, nanliliit ang mga mata at nakapuot ang labi. Dagdagan pa ng kanyang pagdadabog habang siya'y nakaupo. Hindi ko tuloy mapigilang matawa.
Kung makaarte siya, akala niya sampung taong gulang lang siya.
"Anong tinatawa-tawa mo?" naiirita niyang saysay sa akin.
Mas lalong nanliit ang kanyang mga mata kaya mas lalong lumakas ang aking pagtawa.
"Tss! Diyan ka na nga! Maghahanap lang ako ng prutas sa paligid." Tumayo siya at nagsimulang maglakad, "Huwag kang aalis diyan, babalik ako agad," sambit niya. Tumango ako habang nananatili paring nakangiti kaya umiling-iling siya pagkatapos ay tumalikod na at nagpatuloy sa paglalakad.
'Yung lalaking 'yon talaga! Anong karapatan niya para iwan ako sa gitna ng nakakatakot na gubat na ito?
Padabog akong umupo sa bato na kinaupuan ni Dion kanina at pumitas ng isang dahon sa gilid at pinunit-punit ito habang pinagmamasdan ang paligid. Sa sobrang lalaki ng mga puno ay nagmistula akong asong gala. Walang makain, walang damit, walang kahit ano. Kung iisiping mabuti ay katulad na rin kami ng asong gala. Mas maswerte pa sila kaysa sa amin dahil nakakahanap sila ng pagkain.
BINABASA MO ANG
THE FALL OF THE NORTH WITCH //completed//
FantasyOnce upon a time, in a faraway land, there was an isolated long lost city where all people believed in superstitions-----but what if they discover that their city was secretly ruled by a dark witch? Will they all be saved from death? *** Ipinangana...