Isang malamig na hangin ang dumampi sa aking balat, animo'y nagpapahiwatig ng kung ano. Dahan-dahan kong iginalaw ang aking mga daliri kasabay nito ang pilit na pagbuka ng talukap ng aking mga mata hanggang sa tuluyan na akong nagising at tumambad sa akin ang isang maaliwalas na kwarto na gawa sa kahoy.
Inilibot ko ang aking tingin sa paligid at doon ko lamang napagtantong nakahiga ako sa isang silid na walang kahit anong laman kundi ang nag-iisang kama lamang kung saan ako nakahiga ngayon.
"Nasaan ako?" nagtataka kong bulong sa sarili. Ngayon ko lamang nakita ang kwartong ito.
Sa kaliwang bahagi ng silid ay mayroong isang nakabukas na bintana kaya kaagad akong bumangon at naglakad papalapit dito para tingnan kung ano ang nasa labas.
Sumilip ako sa bintana at bigla akong nanigas sa aking nakita. Para akong binuhusan ang napakalamig na tubig, napaatras ako habang nakatakip sa aking bigbig.
"Anong nangyayari?" hindi makapaniwala kong tanong, sakto naman ang pagbukas ng pinto sa silid na kinaroroonan ko kaya kaagad akong napalingon.
Isang lalaki ang pumasok, may matipunong katawan, matangkad at sa tingin ko nasa singkwenta na ang kanyang edad.
"Si-sino ka? Anong nangyayari? Bakit maraming patay sa labas? Bakit maraming nasirang mga bahay? Bakit?!" sunod-sunod kong tanong sa lalaki.
Sandali itong yumuko pagkatapos ay isinara ang pinto at dahan-dahang lumapit sa akin.
"Kumalma ka lang," sambit niya.
"Kalma? Paano ako kakalma! Sabihin mo sino ka, ha? At bakit nawasak ang buong Elysian? Ikaw ba ang may gawa nito?!" singhal ko ulit dito.
"Ricky. Ricky ang pangalan ko," sagot niya. "Noong mga panahong wala ka ay nilusob ng mga tauhan ng itim na bruha ang bayan, sinunog nila ang mga bahay at pinatay ang lahat ng mga taong nadadaanan at nakakasalubong nila," paliwanag niya.
"Hindi! Hindi totoo 'yan, hindi!"
Tumakbo ako palabas ng kwarto habang umiiyak. Kahit nawasak ang mga bahay ay alam ko parin kung nasaan ako ngayon at kung saan ang bahay namin kaya tumakbo ako para puntahan ito.
Habang tumatakbo nadadaanan ko ang mga patay na nakahandusay sa gilid, mayroong ibang umiiyak habang pinagmamasdan ang kanilang bahay na halos maabo dahil sa sunog.
"Ma! Gumising ka Ma, huwag mo akong iwan. Ma! Mama ko!" Sigaw ng isang bata habang umiiyak at pilit na ginigising ang kanyang ina.
Napahawak ako sa dibdib ko at napapikit.
"Hindi."
"Pa? Papa, nasaan ka? Nakita niyo ho ba ang Papa ko? Ang sabi niya pupunta kami sa palengke para bumili ng laruan." Tanong naman ng batang babae habang may hawak na manika doon sa ibang taong nadadaanan niya.
Napaluhod ako sa lupa at natulala habang patuloy naman ang pagbuhos ng masaganang luha mula sa aking mga mata.
"Paano nila nagawang idamay ang mga inosente? Ang mga bata, paano na sila?"
Malapit na ako sa bahay kaya matamlay akong tumayo at nagpatuloy sa paglalakad. Rinig na rinig ko ang bawat hagulgol ng isang ina, isang asawa at isang anak na nawalan ng mahal sa buhay. Parang kinukurot 'yung puso ko pero wala akong magagawa.
Huminto ako sa isang nag-uusok pang bahay at habang tinititigan ito ay biglang nanumbalik sa akin ang mga masasayang mga araw ng aking buhay, simula ng pagkasilang ko hanggang sa lumaki ako ngunit ngayon wala na.
Kasabay ng pagkatupok ng aming bahay ay siya ring pagkatupok ng aking mga masasayang alaala.
Bakit kaylangang umabot sa ganito? Bakit nga ba may masasama pa sa mundo? Bakit nga ba 'yung mga inosente pa ang kaylangang magbayad sa kasalanang hindi naman nila ginawa?
BINABASA MO ANG
THE FALL OF THE NORTH WITCH //completed//
خيال (فانتازيا)Once upon a time, in a faraway land, there was an isolated long lost city where all people believed in superstitions-----but what if they discover that their city was secretly ruled by a dark witch? Will they all be saved from death? *** Ipinangana...