Kabanata 18

24 13 0
                                    

Araw ng lunes, ang araw kung kailan ililibing si Mino. Nalungkot ang lahat sa pagkawala niya sa kalagitnaan ng labanan. Walang may alam kung ano ang nangyari at kung sino ang pumatay sa kanya.

Maaalalang dinala namin siya sa opisina ni Ms. Bregette kasama si Rex upang gamutin ngunit pinalabas kami ni Ricky kaya hindi namin nakita ang nangyari sa loob at nabalitaan na lang namin ilang oras ang lumipas na wala na silang nagawa at tuluyan ng pumanaw si Mino habang nasagip naman si Rex. Umalingawngaw sa buong gusali ang hagulgol ng mga kasama namin matapos ang masamang balita.

Pagkatapos ng libing ay ipinatawag ako ni Ricky sa kanyang opisina habang ang iba naming kasama ay nagsibalikan na sa kanilang mga kwarto upang magpahinga.

"Pasok ka." Rinig kong sambit ni Ricky matapos akong kumatok sa pinto ng opisina niya.

Binuksan ko ang pinto at pumasok sa loob. Nakita ko siyang nakatingin sa kawalan at halatang may malalim na iniisip. Lumapit ako at dahan-dahang umupo sa harap niya.

"Alam ko po'ng nasaktan din kayo sa pagkawala ni Mino. Masakit pero..."

"Wanda, hindi iyan ang bumabagabag sa akin ngayon."

Napahinto ako sa pagsasalita nang biglang sumingit si Ricky. Nakakunot noo ko siyang tiningnan. Buong akala ko ay dahil sa nangyari kay Mino kaya siya malungkot at nakatulala.

"Anong ibig mong sabihin?"


_____

Nasa gitna ako ng field ngayon, nakahiga sa damuhan at nakatingin sa kumukuti-kutitap na mga bituwin. Ang ganda ng gabi, masarap ang simoy ng hangin at nakakagaan ng loob ang ganda ng kalangitan.

Ipinikit ko ang mga mata ko para damahin ang katahimikan at ang malamig na simoy ng hangin ngunit may bigla akong narinig na kaluskos na nanggagaling sa madilim na bahagi ng field kaya agad akong umupo at nagmasid sa paligid. Sinubukan kong makinig ng maayos sa paligid ngunit malakas ang ihip ng hangin kaya wala akong marinig.

Inayos ko ang upo ko at hinawakan ang suot kong kuwintas sabay pikit ng mga mata. Kailangan kong komunekta sa hangin upang marinig ko ang mga tunog na dala nito. Wala akong kakaibang narinig na tunog sa loob ng ilang segundo maliban sa mga huni ng ibon na nasa kagubatan hanggang bigla akong nakarinig ng ibang tunog.

Tunog ng patalim?

Agad kong ibinuka ang mga mata ko at mabilis na gumulong papunta sa harap. Hindi ko inakalang nasa tatlong patalim ang papunta sa akin kaya kahit mabilis akong umiwas ay hindi ko parin nagawang iwasan ito lahat. Tumama ang isang patalim sa paa ko na agad humapdi habang ang dalawang patalim ay tumama sa lupa kung saan ako nakaupo kanina.

Matapos ang nangyari ay narinig ko ang papalayong mga yabag. Alam kong ang kalaban iyon. Tatakas siya! Kaya naman kahit masakit ang paa ko ay pinilit kong tumayo para habulin ang kalaban ngunit nakailang hakbang pa lamang ako ay napaluhod na ako sa lupa at napasigaw sa sobrang sakit.

Ramdam ko ang paglabas ng maraming dugo mula sa paa ko at kapag binunot ko ang patalim ay mas lalo pa itong dudugo.

Ilang minuto akong nakaluhod sa lupa. Sa tagal ay hindi malabong nakalayo na ang kalaban.

"Wanda!"

Narinig ko ang pagtawag ni Dion sa akin. Siguro ay narinig niya ang pagsigaw ko. Tumakbo siya papalapit sa akin at agad tinanong ang kalagayan ko. Sinabi ko sa kanyang may kalaban na nakapasok sa loob at itinuro ko ang pwesto kung saan ko narinig ang mga yabag kanina ngunit ng tingnan ito ni Rex ay wala na siyang naabutan. Nakatakas na ito.

"Anong nangyayari? Wanda?!"

Sunod kong nakita si Rex na papalapit sa akin. Katulad ni Rex ay marahil narinig niya rin ang pagsigaw ko. Napapikit ako matapos maramdaman ang pagmanhid ng paa ko.

THE FALL OF THE NORTH WITCH //completed//Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon