Kabanata - 7

29 2 0
                                    


"Masalimuot na nakaraan ang dala-dala ko ngunit isang salita mo lamang ay nalilimot ko..."

****

"Uno?" napabaling ako sa aking likuran nang marinig ang boses ni Alek. Halata dito na bago itong gising. Gulong-gulo ang buhok. At kinukusot pa ang mga mata.

"Wala akong trabaho ngayon, Alek." ani ko. Sinenyasan ko ito na lumapit na sa lamesa. Nakapaghanda na ako ng almusal para sa aming dalawa. Tila paslit itong umupo sa lamesa. Nanatiling nakatitig sa akin si Alek. Tila ba ay nagugulumihanan kung bakit nandito parin ako. Sa mga lumipas na linggo na natili siya sa aking tahanan nakasanayan na nito na gigising na wala na ako at lumisan na patungo sa pamilihan. Patuloy na pinaghahanap siya ng mga nakakataas ngunit nanatili rin siyang nagtatago. Hanggang ngayon ay hindi ko mawari ang kaniyang dahilan sa pagtakas at pagtatago.

"Anong plano mo ngayong araw, Uno?" napalik ako sa malalim na pagmumuni-muni nang marinig ang boses ni Alek.

"Wala naman." Nakita ko ang pagkinang ng mga mata nito.

"Kung ganoon maari mo akong turuan?"

Kunot noong akong sumagot. "Turuan kita ng ano?" Bigla itong tumayo sa kaniyang kinauupuan. Nang bumalik ito dala-dala nito ang aking kwaderno at panulat.

"Nais kong matutong magsulat ng tradisyonal na paraan ng pagsulat ninyong mga Filipino." Nabigla ako sa sinabi nito. Ngayon lamang ako nakakita ng isang maharlikang nais matuto ng bagay na alam niyang ipinagbabawal sa lipunan.

"Alam mong hindi maaari ang iyong sinasabi?" Tumango ito ngunit nanatili sa kaniyang labi ang ngiti.

"Alam ko iyon. Malinaw na malinaw sa akin ang bagay na iyon. Kasalanan iyon kung may makakaalam. Tayong dalawa lamang ang makakaalam niyon kaya huwag kang matakot. Pakiusap, Uno. Turuan mo ako. Kay tagal ko nang nais matuto ngunit mahigpit ang bantay sa akin sa aming mansyon." Basang-basa ko sa kaniyang mata ang pagnanais na matuto. Humugot ako ng hininga bago tumugon sa kaniyang tinuran.

"Umupo ka." Sumunod ito. Kinuha ko sa kaniyang kamay ang kwaderno at binuksan ito sa malinis na pahina. Tahimik kong isinulat sa baybaying alpabeto. Pagkatapos kong isulat iniharap ko sa kaniya ito.

"Ito ang alphabetong baybayin. Kung nais mong matuto na magsulat kailangan mo munang malamang ang mga titik sa alpabeto." Itinuro ko sa kaniya ang bawat letra. Masigla itong nakikinig. Halata sa kaniya na interesado siya sa natututunan.

"Ganito isulat ang iyong ngalan." Isinulat ko ang pangalan niya sa kwaderno.

"Nakamangha-mangha napakagandang tignan..." usal nito. Hindi ko mapigilang ngumiti sa aking narinig.

"Tunay na kamangha-mangha. Ito ay isang yaman na hindi dapat nililimot ninuman..." dagdag nito sa kaniyang sinambit. Nakaramdam ako ng tuwa nang marinig ang mga salitang iyon. Nakakatuwang marinig iyon sa isang tulad niya na aking akala ay isang basura ang tingin sa mga bagay na ganito.

Simula nang masakop ang bansa. Walang sinuman ang lumaban para sa mga kulturang tinapakan ng mga dayuhan. Nanatiling tikom ang mga bibig dahil sa takot na mamatay. Kamatayan ang kapalit ng katapangan sa mga Filipino na nais ipagpaban ang  kulturang sumasalamin sa aming pagkakakilanlan.

"Uno? Ayos ka lamang ba? Ikaw ay lumuluha..." pinunasan ko mga luhang hindi ko inaasahang lalandas dahil laman g sa mga salita niya. Tinignan ko siya at ngumiti.

"Masaya lamang ako dahil may tulad mong nakikita ang ganda ng yaman na tulad nito ngunit pilit nililimot na ng panahon."

"Hindi ako maniniwalang malilimutan ito ng panahon. Uno, nakikita ko sa hinaharap marahil marami ang makakalimot ngunit naniniwala ako na may mga tao parin na gagawing yaman ito." Pinunasan ko ang luha ko at tumitig sa aking ginagawa.

"Sana nga ay tama ka..." mahinang turan ko. Nabigla ako nang bigla niyang haplusin ang akin buhok.

"Magtiwala ka lamang, Uno." wika nito bago binalik ang tingin sa mga letrang aking sinusulat. Lumipas ang oras tumayo na muna  ako upang ayusin ang aming pananghalian sa hapag. Gulay lamang ang lagi kong hinahain. May konting tanim ako ng mga gulay sa bakuran. Hindi naman ako nakarinig ng kahit anong reklamo mula kay Alek. Sa pagbabalik ko sa pwesto kung saan nakaupo si Alek. Hindi ko mapigilang titigan ito. Kunot ang noo nito habang pilit inaaral ang mga tinuro ko kanina. Sumisingkit ang mga nito habang tinititigan at sinusulat ang bawat letra.

Inaya ko muna itong kumain bago ipagpatuloy ang pag-aaral niya ng baybayin.

Pagtapos kong ayusin ang mga dapat ayusin bumalik ako sa tabi niya.

"Uno, ano ito?" ipinakita niya ang isa sa mga likha kong tula.

"Tula iyan."

"Gawa mo ito?" Dahan-dahan akong tumango. Muling lumawak ang ngiti niya.

"Kung tama ako ang pamagat nito ay sa pulang tinta?" ani nito sabay turo sa pamagat ng isa sa aking mga akda.

"Oo, magaling mabilis kang matuto." tila naman natuwa ito sa aking sinabi. Muling kumislap ang kaniyang mga mata sa tuwa.

"Maari mo bang basahin sa akin ang akda mong ito? Nahihirapan pa ako dahil kailangan ko pang ipamilyar ang bawat titik."

Napakamot ako ng aking noo dahil naramdaman ko ang pagkahiya. "Baka hindi mo rin naman magustuhan, Alek. Hindi ako magaling sa pagsusulat."

"Alam mo ba may nagsabi sa akin na ang unay na ibig sabihin ng magaling? Hangga't nasa puso mo ang iyong ginagawa ay isa na iyong patunay na magaling ka. At aking nakikita ko sa iyong mga mata ang pagmamahal mo sa 'iyong ginagawa lalo na habang ika'y nagsusulat. Ang kislap sa iyong mga mata ang patunay na magaling ka, Uno. Huwag kang mag-alala hindi kita tatawanan. Nais ko lamang marinig ang iyong akda." Mahabang turan nito. May tila kung anong natunaw sa loob ko nang marinig ang lintanyang iyon. Bakas sa kaniyang tono ang pagiging sinsero.

"Osige, aking babasahin sa  'iyo." Kinuha ko ang kwardeno. At nagsimulang basahin ang pinakauna kong akda. Ang akda kung saan ko nilabas ang paghihinagpis sa aking kalooban.

Malinaw pa sa malakristal na karagatan ang araw na iyon.

Mataas ang haring araw na tila pinapanood ang lahat mula sa kalangitan.

Kung saan ang lahat ay napuno ng kulay pulang tinta.

Tinta na bumaha sa lupa na minsa'y napuno ng tawanan ngunit ngayon ay napuno ng hagulhol at pagkawasak.

Ang mga ngiting nagbibigay liwanag sa aking mundo ay nawala lamang sa isang turo ng daliri.

Sa isang iglap ang liwanag na iyon ay napaltan ng kulay pulang.

Pulang tinta na hindi panulat sa papel hindi tanda ng isang sining.

Pulang tinta na nangangahulugang wakas at pagkabigo—

Hindi ko na natapos basahin ang nakasulat sa kadahilanang inagaw ito ni Alek bago ako hinigit sa isang yakap. Kumawala ang hikbi sa aking labi. Doon ko napagtanto na ako ay lumuluha muli. Ngunit hindi para sa kaligayahan kung hindi para sa paghihinagpis.

"Uno, patawad kung pinilit kitang basahin ang akdang iyon." Hinaplos nito ang aking likod. Pakiramdam ko ay nakalutang sa alapaap dahil sa lambing ng kaniyang boses. Tila hinehele ako.

"Patawad, Uno. Patawad kung ganoon kasama ang iyong nakaraan. Pangako hinding-hindi kita iiwanang mag-isa. Nandito lamang ako para sa' iyo bilang isang kaibigan..." At sa mga oras na iyon muli akong nakahanap ng kakampi sa katauhan ni Alek.

Pahimakas (The last farewell)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon