Kabanata - 27

24 2 0
                                    

"Sa pagtanggi niya ang nagpatapos sa labang ako lamang ang lumaban..."

***

Sa muling pagmulat ko ng aking mga mata. Halos hindi ko na maigalaw ang aking katawan. Sinubukan kong igala ang aking paningin nasa pamilyar akong silid. Ang silid na pinagdalhan sa aking ni Mateo noon. Biglang nanariwa sa akin ang alaala noong bago tuluyang magdilim ang aking paningin. Bumilis ang tibok ng puso ko. 

"A-alek..." halos walang boses na lumabas sa akin. Gumapang ang kaligayahan sa aking puso dahil sa tagpong iyon. 

"VINO?" Napatingin ako sa tumawag sa akin. Si Mateo. Kitang-kita sa kaniyang mga mata ang labis na pag-aalala. Sinubukan kong umupo mula sa pagkakahiga ngunit hindi ko kinaya halos mahiyaw ako sa sakit. 

"Huwag ka munang gumalaw, Vino. Masyadong malala ang mga tama mo." nilibot ko ang paningin ko. Hinahanap ko siya. Si Alek.

"M-mateo...."

"Bakit, Vino? May kailangan ka ba?" 

"S-si A-alek...?" kita kong natigilan ito. Ngunit nagsalita din siya matapos ang ilang segundo.

"Bakit mo hinahanap si Alek, Vino?" 

"K-kasama mo siya n-noon. N-niligtas n-ninyo ako sa bigit ng k-kamatayan..." 

"Vino, hindi ko kasama si Alek noon. Ako lamang at ang aking mga tauhan ang nagligtas sa iyo. Walang Alek na dumating. Marahil ay namamalik-mata ka lamang noong mga oras na iyon dahil sa iyong kalagayan." Umiling ako. Alam ko ang nakita ko. Ramdam kong totoo ang bagay na iyon.

"T-totoo iyon. A-alam kong t-totoo iyon, Mateo. Huwag mong ipagkait sa akin ang katotoohanan." Inilihis nito ang kaniyang mga paningin. Bago kunin ang aking kamay upang haplusin. Nabigla ako nang unti-unti itong lumuhod at lumuha. 

"M-mateo..."

"Huwag ka munang mag-isip ng kung ano-ano, Vino. Kailangan mong magpagaling. Sana sa oras na ito piliin mo ang iyong sarili. Ako na ang nakikiusap, Vino. Sa ikalawang pagkakataon muntik ka na namang mawala. Sana naman piliin mo muna ang sarili mo huwag puro siya. Ngayon ay magpahinga kang tunay. Kakailanganin mo ng lakas. Kailangan mong magpalakas, Vino. Kung nais mong mapigilan ang nakatakdang kasal ni Alek sa susunod na buwan." Lumandas ang luha ko. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Galit? Pagkabigo? Alam ko ang tagpong iyon ay totoo. Kitang-kita sa mga mata ni Alek ng araw na iyon na mahal niya ako. Ang mga luha niya ay patunay noon. Alam kong totoo iyon. Hindi isang panaginip. Alek? Ano ba ang iyong dahilan upang durugin ako ng ganito. Tumango ako sa tinuran ni Mateo. Walang lumabas na salita sa aking bibig. Iniluha ko na lamang ang mga nararamdaman. Ang pagod, ang pait. 

Lumipas ang mga araw sinunod ko ang nais ni Mateo. Pinag-igihan ko ang pagpapagaling at pag-iipon ng lakas upang sa susunod na aking hakbang ay hindi ako maging mahina. Hawak-hawak ko ang kwadernong regalo ni Alek sa akin. Nasa asotea ako at ninanamnam ang katahimikan. Tahimik kong sinusulat ang mga salitang lumilitaw sa aking isipan. Ngayon ko lamang napagtanto na puro tungkol sa kabiguan na ang aking mga akda. Ibinaba ko ang pluma at inisa-isa ang mga pahina. Bawat pahina ay kwento. Kwento sa pagitan namin ni Alek. Mga tula tungkol sa kaniya. Bawat salita ay puno ng pagmamahal. Kasiyahan ngunit pagdating sa kalagitnaan ay pawang kabiguan. Pasakit. Pagdurusa. 

"Alek, isa kang akdang hinding-hindi ko lalagyan ng katapusan..." muling pumatak ang luha sa aking mga mata. Masyado na akong mahina upang pigilan ang aking mga luha. "Isa kang rosas na puno ng tinik, Alek. Handang-handa akong masugatan makuha ka lamang..." Tumingala ako sa langit maaliwalas ito at kabilagtaran sa aking nadarama. Puno ng dilim at lungkot. Nang ibinaba ko ang aking paningin ay kasabay ng pagkabog ng aking dibdib nakatayo siya hindi kalayuan. Sa gitna ng mga puno. Nakatingin sa akin. Nagtama ang mga mata namin. Puno ng pangungulila ang mga mata niya. Kita ko ang pagkabigla niya noong nagtama ang mga mata namin. Mabilis akong tumakbo pababa.

Pahimakas (The last farewell)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon