Kabanata - 29

55 3 0
                                    

"Vino, kaibigan. Mahal kita salamat sa mga alaala..." 

***

Lakad takbo ang ginawa ko. Hindi ko pinagtuunan ng oras ang mga taong nadadaanan ko. Hindi ko nilingon ang mga hiyaw at galit ng mga ito. Sa mga oras na ito mas mahalaga ang buhay ni Vino. Rinig ko ang yabag ng mga humabahol sa aking guwardiya sibil ngunit wala akong panahon para sa kanila. Ang bawat segundo ay para kay Vino. Basang-basa ako sa malakas na ulan. Tila galit na galit ang kalangitan. Pagdating ko sa lugar kung saan ko iniwan si Alek at ang halos walang buhay na si Vino ay tila tumigil ang mundo ko nang makita kong humagagulhol ng iyak si Alek. Pumapalahaw ito. Bawat hiyaw niya ay nagpasaksak sa loob ko. Yakap-yakap nito si Vino. Mabilis akong lumapit. Nanginginig ang aking kamay na hinawakan ang pulso ni Vino. Tuluyan akong napaupo sa basang lupa nang makumpirma ko. Wala na siya... Malamig na ito at wala ng pulso. Nahuli kami. Nang dinakip nila si Vino binalik nila ito sa silang kaya kinakailangan pa namin ni Alek na bumalik ng silang. Nahuli kami. Gusto kong sumigaw. Gusto kong manakit. 

Lumandas ang luha ko. "V-vino... G-gising..." napahagulhol ako ng iyak. Nais ko mang agawin si Vino kay Alek ay wala akong karapatan. Alam kong nais din ito ni Vino ang mamahinga sa bisig ng minamahal. Payapa ang itsura nito. Namumutla ngunit kitang-kita ang ngiti sa labi.

Tumingin sa gawi ko si Alek. Walang emosyon ang mga mata nito. Blangko. Patay. "N-nagpahinga na siya, Mateo. Nagpahinga na si mahal..." walang buhay ang boses nito. Nakatitig ito kay Vino na tila ito ang pinakamagandang nilalang sa mundo. "P-pinayagan ko siya. Kasi kitang-kita ko ang pagod niya. T-tama bang pinayagan ko siya?" tila paslit na tanong nito. Tumango ako at tumingin sa kawalan. 

"Matagal ng pagod na pagod sa buhay si Vino. Ngunit ng dumating ka tila napawi ang lahat. Galit na galit ako ngayon, Alek. Galit na galit ako sa sarili ko na hinayaan ko siyang malunod sa pagmamahal sa 'iyo. Galit na galit ako sa 'iyo sa mga oras na ito. Gustong-gusto kong iparamdam sa 'iyo bawat hampas na natanggap ni Vino sa kamay ng pamilya mo. Nais kong bawiin ang katawan ni Vino sa bisig mo." napahagulhol ako. "N-ngunit sabi ko kay Vino kakampi niya ako. At alam kong nais niya sa loob ng mga bisig mo. Alam kong hindi niya magugustuhang magalit ako sa 'iyo."

Napatawa ako. "Ilang beses akong nagmakaawang piliin niya ako. Ngunit ikaw ang lagi niyang pinipili. Ang swerte, swerte mo." kita ko ang pagtango niya. 

"Sobra. Abot langit ang swerte ko simula noong nakilala ko si Uno." 

"H-hiniling niya na iuwi ko na siya. Nais mo bang ihatid din siya?" Umiling ako. 

"Maari ko bang mayakap ang aking kaibigan? S-sa huling pagkakataon?" tanong ko. Tumango ito. Dahan-dahan akong lumapit sa pwesto niya. Kinuha ko ang malamig na katawan ni Vino at niyakap ng mahigpit. Hinalikan ko ito sa noo at tinitigan ng ilang segundo bago ibalik kay Alek. 

"Iuwi mo na siya, Alek..." tumango ito bago binuhat ang katawan ni Vino, kinuha niya ang kwarderno bago nagsimulang maglakad paalis. Naiwan akong nakaluhod sa lupa. Napatingin ako sa mga piraso ng papel na nagkalat sa paligid. Mga pahina ng kwardernong laging yakap-yakap ni Vino. Hinang-hinang kinuha ko ito. May isang nakaagaw ng aking pansin. Baybayin ito ngunit nababasa ko. Inaral ko ang baybayin para masabayan si Vino. Dinampot ko ang isang pilas ng pahinang may pangalan ko. 

Mateo,

Kung darating ang araw na lilisan ako sa mundong ito. Nais kong malaman mong isa ka sa mga taong hinding-hindi ko malilimutan. Simula noong nagkakilala tayo. Ikaw ang unang taong nagpahid ng luha para sa akin. Ikaw ang unang nakakita sa katotohanang lunod ako sa kalungkutan. Nalala mo ba noong una tayong nagkita?  Ako ay nabigla noon dahil hamak na alipin lamang ako at ang taas taas mo ngunit kung ituring mo ako ay tila hindi naiiba. Sa 'iyo unang sinabi ang mga pangarap ko sa buhay. Marami akong utang sa iyo, Mateo. Marami akong utang na loob na hindi ko na mababayaran kung magkataon. Utang na loob ko ang buhay ko sa iyo. Maraming maraming salamat, Mateo. Nais ko ding humingi ng tawad kung nasaktan ko ang iyong damdamin. Sa totoo lamang kung isa akong makasariling tao pipiliin kita dahil ayokong malunod sa sakit ngunit mahalaga ka sa akin ayokong masaktan ka upang masalba lamang ako. Marahil minsan nais mong itanong sa akin kung bakit sa kabila ng sakit na idinudulot ni Alek sa bawat pagtakbo niya palayo sa akin. Sa bawat masasakit na salitang tinuturan niya ay patuloy kong pinaglalaban ang bagay na itinantanggi niya. Buong buhay ko, Mateo. Hindi ko pa nararanasang matulog ng payapa. Hindi ko pa nadanas ang uuwi sa aking tahanan na may ngiti sa labi. Hindi ko pa naranasang gigising sa umagang may galak sa kalooban. Buong buhay ko nabuhay ako na puno ng galit at kalungkutan. Ngunit nang dumating siya iyong mga hindi ko pa nararanasan, pinaranas niya sa akin. Sa mundong walang ginawa kung hindi iparamdam sa akin ang pagod at pagkadurog si Alek ang naging pahinga ko. Nawala lahat ng aking agam-agam sa lahat. Noong kasama ko si Alek isa lang ang nais ko ng mga oras na iyon ang paghinto ng oras. Si Alek ang naging mundo ko sa mundong walang tigil na umiikot upang ipamukha sa akin na isa akong kabiguan. Nais kong ihinto ang oras dahil ayokong matapos ang lahat. kaya noong natapos halos madurog ako. Ngunit imbis na sumuko ako at hayaan siyang mawala sa akin. Tinupad ko ang pangako kong ipaglalaban ko ang mayroon kami. Malawak ang mundo, Mateo. At natatakot na ako na kung hahayaan kong mawala si Alek sa akin tuluyan akong maligaw. Nakita ko na iyong bagay na matagal ko ng nais. Ang buhay. Si Alek ang nagparamdam sa akin na buhay ako. Sa madilim na lugar sinalba niya ako. Kaya alam kong tamang hinabol ko ang buhay ko, ang kaligayahan ko at si Alek iyon. Maikli lamang ang buhay minsan kailangan mong sumugal tulad ng pagsugal mo sa pag-amin sa iyong nararamdaman. Alam kong naiintindihan mo ako. Dahil sa lahat ng taong nakilala ko ikaw ang may malalim na pananaw. Hndi natin alam kung gaano tayo tatagal sa mundo kaya mas mabuting gawin na natin ang nagpapasaya sa atin. Hanapin na natin ang kaligayahan natin. Kaya Mateo, nais kong hanapin mo rin ang kaligayahan mo dahil alam kong pansamantala lamang ako. May darating pang taong magmamahal sa iyo. Bibigyan ka ng pag-ibig na nararapat sa tulad mo na hindi ko naibigay. Mahal kita ngunit hanggang kaibigan lamang. Maraming salamat. At kung totoo man ang susunod na buhay, nawa'y magkita ulit tayo at hayaan mo akong bumawi sa iyo. Hanggang sa susunod nating pagkikita aking Kaibigan. 

Gavino,

Napahiyaw ako naninikip ang aking dibdib. "V-vino, mahal na mahal kita..." bulong ko habang yakap-yakap ang liham niya. Napunta ang paningin ko sa isa pang papel na pahina hindi kalayuan. May pintang guhit dito. Napatitig ako.  Nanghihinang dinampot ko ito. Rumagasa sa aking isipan kung paano nagsimula ang lahat. Kung paano ko siyang nakitang umiiyak mag-isa noong mga panahon na iyon. Nakatitig siya sa kawalan. Ang kaniyang kayumangging mga mata ay sumisigaw ng tulong. Nanginginig ang munting katawan. May tila kung anong bigat ang dumaan sa loob ko ng mga oras na iyon. Pinalaki akong dapat iwasan ang mga alipin ngunit noong nakita ko siya noong mga oras na iyon may kung anong nagtulak sa akin upang lapitan siya at bigyan ng isang yakap. Napapikit ako nang maalala ang isa sa mga paborito kong tagpo kasama siya. 

"Sen-" agad kong pinutol ang sasabihin nito. 

"Mateo, Uno. Huwag mo akong tawagin ng ganoon." ani ko habang nakatingin sa aking libro. Hindi naman talaga ako nagbabasa. Hindi ko lamang kayang tignan ang kaniyang mga mata. Ang aking dibdib ay kumakabog tuwing sasalubungin ko ang kaniyang mga mata. 

"Mateo..." muling tumalon ang puso. Umupo ito sa tabi ko. Nasa burol kaming dalawa. Naging tambayan namin itong dalawa. Ibinaba ko ang libro kong hawak at tinignan ang lawang kumikinang at kitang-kita ang mga naglalanguyang isda. Payapa ang paligid namin. Napatingin ako kay Uno. May ngiti ito sa labi habang nakatitig sa tanawin. Ngunit kahit ganoon kitang-kita ang lungkot na hindi na naalis sa kaniyang mga mata. 

"Uno," tawag ko dito. Napatingin ito sa akin. 

"Bakit?" napatulala ako sa ganda niya. Hindi ko na malayang kusang gumalaw ang kamay ko upang hawiin ang buhok niyang humaharang sa kaniyang mga mata. Nabahidan ng gulat ang mukha niya ngunit hinayaan niya lamang ako. 

"Ipangako mo sa akin." kumunot ang noo niya. 

"Anong ipapangako ko, Mateo?" 

"Na magiging masaya kang tunay sa pagdating ng panahon. Nais kong makita ang kislap ng iyong mga mata dulot ng kaligayahan. Ipangako mo sa akin na balang araw makikita ko ang totoong ngiti mo." Kita ko ang pagkislap ng kaniyang mga mata dahil sa nagbabadyang luha ngunit tumango siya. 

"Pangako, Mateo, darating ang araw na iyon. Pangako..." 

"Señorito, Mateo." nabalik ako sa katotohanan napapalibutan na ako ng gwardiya sibil ngunit hindi ko sila tinapunan ng kahit isang tingin. Nanatili ang mga mata kong nakatitig sa larawang guhit na hawak-hawak ko. Tumigil na ang ulan ngunit hudyat lamang ito na pagsisimula ng panibagong luhang lalabas sa mga mata ko. 

"Salamat sa pagtupad sa pangako mo, Vino..." mahinang turan ko habang hindi inaalisan ng tingin ang papel kung saan nakaguhit ang mukha ni Vino na may ngiting totoo at ang mga mata ay sumisigaw sa kagalakan. Tumingala ako sa langit na payapa na. "Hanggang sa muli, kaibigan..."

Pahimakas (The last farewell)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon