Naabutan namin na umiiyak si Elyka sa may swing. Nakita ko na bumagsak ang balikat ni Zero at naunang lumapit kay Elyka, dala-dala ang lunch box na masaya niyang pinakita sa akin kanina. Kumirot ang puso ko nang nakita ko siya na umiiyak.
“Tsk, ang OA mo!” asik ni Zero.
Pinunasan ni Elyka ang kanyang sariling luha at saka sinamaan ng tingin si Zero. “Pakialam mo ba? At saka…” Namilog ang mata niya at marahas na kinuha niya ang lunch box mula kay Zero nang nakita niya itong bitbit ni Zero. “At bakit nasa iyo ang lunch box ko?”
Hindi na sumagot si Zero at tumalikod na lamang. Huminga ako nang malalim at lumapit na kay Elyka na hanggang ngayon ay lumuluha pa rin.
“E-Elyka…”
“Oh!” Umalis siya sa swing at nginitian ako. “Okay ka na ba? Hindi ka na ba kinakabahan?”
Umawang ang labi ko. Bakit nag-aalala pa siya sa akin imbes na alalahanin ang sarili niya?
Napansin ko na pumula ang mata niya. Siguro dahil sa kaiiyak. Bigla akong nakonsensya. Yumuko ako at saka kinagat ang ibabang labi.
“S-Sorry…”
Napasinghap si Elyka at hinawakan ang braso ko. Naiangat ko ang tingin ko sa kanya.
“Bakit ka nagso-sorry? S’yempre ipagtatanggol kita kasi kaibigan kita. Inaapi ka ni Maegan. Hindi puwede iyon! Hindi puwede sa akin iyon.”
“S-Salamat…” Halos maluha ako. “K-Kasi k-kaibigan a-ang turing mo sa akin.”
“S’yempre naman.” Naluha na rin siya nang lumuha ako. “Ang bait mo, eh. Nakikita ko ang sarili ko sa iyo.”
Pareho kaming natawa dahil sa mga luha namin.
“Ang dugyot nating tingnan,” natatawang aniya at lumayo siya sa akin. Ngumiti siya at inangat niya ang kanyang pink na lunch box. “Kain tayo?”
Tumango ako sa kanya at ngumiti.
Araw-araw na naming ginagawa iyon ni Elyka. Kasama si Zero sa amin dahil palagi naman siyang bumubuntot. Minsan nga ay kami na ang magkasama na umuwi imbes na si Melody. Noong una ay naiilang pa ako pero ngayon ay unti-unti na akong nasasanay.
“Bisitahin kaya natin ang bahay niyo rati,” suggestion ni Zero nang papauwi na kami.
Kumunot ang noo ko. “Gusto mo lang ipagyabang sa akin ang motor mo, eh.”
Kita ko ang pagkamot niya sa kanyang ulo at saka tumikhim. “Sort of.”
Napangiwi ako.
“But I am really serious here, Anastasia. Bisitahin natin at baka malay mo…”
“Ang kulit mo talaga,” mahina kong bulong pero alam ko na naririnig niya iyon. “Ayaw ko nga.”
“Bakit naman hindi? Ayaw mo bang makita ang Mama mo? Kapag nagkita kayo ay sasabihin mo sa kanya na sa unang pagkakataon, may kaibigan ka na. Sasali ka pa sa impromptu.”
Mas lalo lamang akong napangiwi. Inilihim ko kay Ma’am Hillary at saka nila Manang Imelda at Melody na ako ay sasali sa gano’n. Ayaw ko rin na malaman niya na baka napilitan lang ako. Ang totoo ay gusto ko rin sanang kausapin si Ma’am Lianah tungkol sa lista na iyon pero ayoko naman na mapagalitan si Maegan kapag nalaman ni Ma’am na si Maegan ang naglista sa akin.
Hindi ko rin talaga alam kung ano ang gagawin ko. Kinakabahan ako at araw-araw ko na iniisip kung ano ang gagawin ko.
“Sakay na lang tayo ng bus. Punta tayo.”
Bumuntonghininga ako at saka napailing na lamang. Sa huli ay nakombinsi niya ako na magtungo sa dati kong bahay. Ilang buwan na rin akong hindi nagtungo dahil unti-unti akong nawawalan ng pag-asa. Ilang taon na akong pabalik-balik, umaasa na baka isang araw madadatnan ko sila sa bahay namin.
***
Paulit-ulit na napaubo si Zero nang kami ay nakarating sa dati kong tirahan. Maalikabok kasi at nasisira na. Hindi ko maiwasan ang maghinayang. Hindi man kagandahan ang bahay namin pero may mga alaala kami.
“Wala pa rin,” naibulong ko na lang sa aking sarili.
Naiiyak ako sa totoo lang pero pinigilan ko ang sarili ko na maging emosyonal lalo na’t hindi lang naman ako ang mag-isa. May kasama ako ngayon at inuubo pa.
“P-Pasensya na at maalikabok. Ilang buwan na kasi akong hindi bumisita rito kaya hindi ko nalilinisan.”
Natigil si Zero sa pag-ubo at gulat akong binalingan. “Nililinisan mo?”
Tumango ako at bumuntonghininga. “Oo. Umaasa kasi ako na babalik sila. Kahit papaano, malinis ang bahay kapag babalik na sila.”
Hindi nagsalita si Zero at tiningnan lang ako. Kinagat ko ang ibabang labi ko at saka nag-iwas ng tingin. “Lumabas ka muna siguro dahil lilinisan ko na naman. Dumami yata ang dumi.”
“Maybe I should help.”
Umiling ako. “Huwag na. Kaya ko naman at saka—”
“Hija!”
Naalarma ako nang narinig ko ang boses ni Aling Kosing. Siya ang tinatanungan ko kapag pumupunta ako rito. Humahangos akong lumapit nang nakita ko siya.
Tumabi naman si Zero na kanina lang ay humaharang sa pintuan.
“M-May balita na po ba kay Mama?”
Napansin ko na may dala siyang envelope. Napalunok ako.
“Mabuti naman at bumalik ka na, hija,” aniya sa isang malungkot na boses. “Umuwi ang Mama mo noong isang linggo.”
Namilog ang mata ko at mas lalo lamang naging desperada ang susunod na kanyang sasabihin.
“Talaga po?” Tumulo ang luha ko sa kanyang sinabi. “Nasaan na po siya ngayon? Hinahanap po ba niya ako? Uuwi po ba sila? Gusto ko na po silang makita Aling Kosing…”
Malungkot akong tiningnan ni Aling Kosing. Bigla akong kinabahan. Umawang ang labi ko nang kinuha niya ang palad ko at inilapag ang envelope. Naibaba ko ang tingin ko roon.
“Binigay niya sa akin. Ibibigay ko raw sa iyo kapag babalik ka. Nagtanong ako kung saan na siya ngayon nakatira pero hindi niya sinabi sa akin. Ang sabi lang niya ay ibibigay ko iyan sa iyo.”
Nanlumo ako. “P-Pero bakit?”
“Hindi ko alam, hija. Pasensya na…”
Parang binasag ang puso ko sa nalaman. Ayaw na ba akong makita ni Mama? At ano ang envelope na ito? Ano ito?
Nang nakaalis na si Aling Kosing ay halos hindi na ako makahinga. Lumapit pa si Zero sa akin at siya pa ang nagpunas sa luha na nasa aking mga mata. Napayuko ako lalo. Nagulat ako nang bigla niya akong hinila patungo sa dibdib niya. Akmang aalis na sana ako pero pinigilan niya ako.
“Cry all you want,” aniya sabay haplos sa buhok ko. Nakasampa na ako sa dibdib niya at nabasa na rin ang kanyang damit dahil sa luha ko. “I am here. Don’t worry. Cry all you want, Anastasia. You are not alone.”
Napapikit ako at tahimik na lumuha sa dibdib niya.
BINABASA MO ANG
Fill The Gap (Misfits Series #7)✓
Teen FictionA story about a girl with so many dreams in life but became a victim of bullying because of her teeth which led her to lose confidence-widening her distance from people and the opportunities that come to her. Will she able to stand on her own? Will...