Tatlong araw mula nang masuspinde ay nakabalik na si Zero sa paaralan. Nakita ko na nakipagkuwentuhan siya kay Lester habang may headphone na nakasabit sa kanyang leeg.
Bumuntonghininga ako at tumalikod na sa kanila. Hindi ko na lang siguro ilalapit ang sarili ko sa kanila para wala nang gulo. Dalawang linggo na lang at graduation day na namin. Wala pang pictorial at natatakot ako kapag dumating na ang araw na iyon.
“Sino ang valedictorian?”
Natigilan ako sa pag-upo sa aking upuan nang may isang babae na sumilip sa aming silid. Kulot ang kanyang buhok at nakasuot siya ng eyeglass. Nakita ko na parang may hinahanap siya sa amin.
“Ah, si bungal,” walang ganang sagot ng isa sa mga kaklase ko at kalaunan ay tumawa.
Napailing na lamang ang babae sa sagot ng kaklase ko. Para siyang nadismaya sa narinig. Tuluyan na akong naupo sa aking upuan. Nagulat ako nang may biglang umakbay sa akin, sa amoy pa lang, alam ko na kung sino.
“Uy, mukhang may speech ka yata, ah!” si Vhea sabay ngitngit ng kanyang ngipin sa akin, tila nang-aasar pa yata.
Kumunot ang noo ng babae at bumaling sa amin.
Lumayo si Vhea at ipinatong niya ang kanyang siko sa ulo ko. “Ito ang valedictorian. Ang aming bungal. Huwag mong kainin ang mikropono kung magsasalita ka, ah? Huwag ding masyadong ibubuka ang bibig dahil baka makita ang malaking gate sa ngipin mo.” At humagikhik siya.
Nanatiling nakakunot ang noo ng babae at nakahalukipkip na. Parang hindi niya pa yata nagustuhan ang sinabi ni Vhea. Kinagat ko na lamang ang labi ko at hinarap ang babae.
“Bakit po?”
Ngumiti siya sa akin. “Sumama ka sa akin. Pinapapunta ka ng adviser niyo sa office.”
Tumango ako at saka tumayo na. Lumayo naman si Vhea sa akin at napangisi.
“Bye, bungal. Galingan mo. Huwag mong ipahiya ang section natin kun’di malalagot ka sa akin.”
Hindi ko na lamang siya nilingon at sumunod na lamang sa babae.
**
“Gagawa ka yata ng speech kasi ikaw ang valedictorian,” panimula ng babae habang naglalakad kami sa hallway patungo sa office.
Nasa likuran niya lang ako, nakayuko habang hawak ang magkabila kong mga kamay. Nang bigla siyang lumingon ay napasinghap ako sa gulat at bahagyang napaatras. Niliitan niya ako ng mata at bahagyan niyang niyuko ang kanyang katawan para silipin ang mukha kong nasa sahig ang tingin.
“Takot ka ba sa akin?”
Agad akong nag-angat ng tingin sa kanya sabay iling. “H-Hindi…”
Ngumuso siya at saka lumapit sa akin. Nagulat ako nang hinawakan niya ang kamay ko. Ngumiti siya sa akin.
“Chin up, beh! Ikaw ang panalo! Valedictorian ka at sigurado ako na maraming opportunities na darating sa iyo pagtungtong mo ng high school. Huwag mong sayangin, ha?!”
Ngumiti siya muli sa akin sabay hawak sa palapulsuhan ko. Naibaba ko ang tingin ko roon. Umiba ang pakiramdam ko lalo na’t hindi marahas o mataray ang tungo niya sa akin. Para sa kanya, para lang akong normal na istudyante. Ang sarap sa pakiramdam.
“Hihilain na lang kita, ah, dahil baka magalit na ang guro,” aniya sabay ngiti.
Ito ang unang pagkakataon na may mabait sa akin. Wala akong kaibigan at wala akong magandang memorya sa elementarya kundi puro bullying lang. Hindi na rin ako aasa na makagagawa ako ng mga magagandang karanasan at memorya sa high school.
BINABASA MO ANG
Fill The Gap (Misfits Series #7)✓
Fiksi RemajaA story about a girl with so many dreams in life but became a victim of bullying because of her teeth which led her to lose confidence-widening her distance from people and the opportunities that come to her. Will she able to stand on her own? Will...