Chapter 22

1.3K 63 5
                                    

Sa ilang araw na natitira, hindi ako hinayaan nina Zero at Elyka na mag-isa. Tinulungan nila ako, binigyan ng tips at walang masamang enerhiya ang kanilang binigay sa akin. Halos kay Ma’am Hillary na nga tumira si Zero dahil sa kagustuhan niyang tumulong sa akin pero hindi iyon totoo. Palagi niya akong binubuwisit at tinatanong kung gwapo ba siya. Tuluyan na talaga siyang nagbago at hindi na siya tahimik na nanununtok. Minsan ay inaasar niya rin ako sa ngipin ko pero gusto kong tumalon sa saya dahil hindi man lang ako nasaktan sa kanyang sinabi. Parang unti-unti ko nang natatanggap ang sarili ko. Ang sarap pala sa pakiramdam.

Ito na ba ang sinabi ni Elyka? Ito na ba iyon?

Humarap ako sa salamin na mag-isa. Huminga ako nang malalim bago ko unti-unting ngumiti. Tumulo ang luha ko sa sandaling nakita ko ang ngipin ko. Hindi dahil sa sakit, kundi dahil sa saya. Pinalis ko ang luha sa aking mata at saka ngumiti lalo.

“Kaya ko ito…Hindi na kasi ako mag-isa…” sabi ko sa sarili ko. “K-Kahit ano ang mangyari, may Elyka at Zero pa naman sa tabi ko. Kahit ano ang mangyari ay may kaibigan pa rin naman ako.”

Ma, sana magpakita ka ulit, Ma. Sa unang pagkakataon ulit, aakyat ako sa stage, kaharap ang ibang tao na hindi ko kilala. Hahawak muli ako ng mikropono at haharapin ko ang takot. Haharapin ko ang kanilang panghuhusga. Ma…

Napayuko ako at mas lalong tumulo ang luha dahil miss na miss ko na sila Mama. Kahit natutuhan ko nang mahalin ang sarili ko, hindi pa rin maipagkaila na may kulang pa rin sa akin at iyon ay ang pamilya.

Suminghap ako ng ilang beses bago ko tinalikuran ang salamin na may ginhawa na sa sarili. Kakayanin ko ito. Para rin ito sa ikabubuti ko. Ito na ang pagkakataon ko kaya hindi ko na dapat ito sasayangin lalo na’t hindi lang naman ako ang nag-effort. May mga mabubuting tao na nag-effort sa akin at ayaw ko na masayang ang mga effort nila dahil lang sa takot ko.

***

“Ito na!” excited na tili ni Elyka habang hila-hila niya ako patungo sa covered court ng aming paaralan. Nasa likuran namin si Zero kasama ang kapatid ni Elyka na mukhang inaasar na naman si Zero dahil sa pananahimik nito.

Bumilis sa paghataw ang aking puso dahil sa kaba. Halos sumakit ang tiyan ko at halos hindi ko maihakbang ang mga paa ko kanina kung hindi lamang ako hinila ni Elyka.

Ngayon na ang English Festival at sa kasamaang palad ay mauuna ang extemporaneous speech at impromptu. Kinakabahan ako sa totoo lang dahil ito ang unang pagkakataong ulit na haharap ako sa maraming tao. Sa mga hindi kilalang tao. Habang papalapit na kami roon, naalala ko na naman ang mga panghuhusga ng mga kaklase ko sa dati kong paaralan noon.

“Huwag ka nang magsalita, ang pangit mo. Ang pangit ng ngipin mo!”

“Hindi ka puwede roon dahil baka malunok mo lang ang mikropono.”

“Huwag kang feeling, hindi ka magaling.”

“Bungal!”

“Bampira!”

“Huwag ka nang ngumiti, nagmumukha kang chanak!”

Bigla akong nanlamig at natigil sa paglalakad. Natigilan din si Elyka sa paghila sa akin dahil sa pagtigil ko. Nang tiningnan niya ako ay nakita ko ang pag-aalala sa kanyang mukha.

“Namumutla ka, Blaizeree. Okay ka lang? Kinakabahan ka pa rin?”

Napalunok ako kasabay ng pagsikip ng dibdib ko. Huminga ako nang malalim upang maibsan itong nararamdaman ko. Hindi maaari. Hindi dapat akong aakto ng ganito lalo na’t malapit na kami. Nanginginig ang kamay ko kaya mas lalo lamang nag-aalala sa akin si Elyka. Hindi ko maiwasan ang ma-guilty dahil napurwesyo sila nang dahil sa akin.

Fill The Gap (Misfits Series #7)✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon