masdan yaong kapaligiran. namamayani'y kasiyaha't pagmamahalan. subalit kung tuluyan mong bubuksan ang puso't isipan— iyong mahihinuhang ito'y purong ilusyon lamang.
mga paru-paro'y nagliliwaliw sa mga damdamin. animo'y nangingiliti't nais kang paibigin. subalit pakiramdaman mo itong maigi. ito'y mga nagbabalat-kayong bubuyog na may pangtarak na ikinukubli.
mga bubuyog na nagkukubli sa mabulaklakin niyang pananalita— animo'y labis na saya ang dala. ngunit, ang wasakin ang puso ang talagang puntirya.
sambitin ko man iyon ng paulit-ulit sa aking sarili sa harap ng salamin. nararamdaman sa iyo, ginoo'y kay hirap pigilin. pighati't kasawiang iyong idudulot ay kayang indahin.
ginoo, hayaan mo akong magpakalunod sa iyong kasinungalingan, huwag mo lamang akong iiwana't gigisingin sa aking panaginip kung saan, tayo'y nagmamahalan.
kung saan, ako'y talagang mahal mo't hindi ang kayamanang mayroon ako. ginoo, hayaan mo lang ako sa ilusyong iyong binuo upang paibigi't linlangin ako.

BINABASA MO ANG
salitang pinagtagpi-tagpi
Poetrymalugod na pagdayo rito sa aking hardin, panauhin. Paalala, ang hardin ay hitik sa pait ng karanasan at kalungkutan.