Prologue: First Contract

35 4 2
                                    

MATURE CONTENT: THIS STORY CONTAINS FOUL LANGUAGE, DRUGS, RELIGIOUS CONTENT THAT MAY AFFECT YOUR  OPINION/BELIEFS. IF YOU ARE NOT OPEN-MINDED, PLEASE DON'T READ THE STORY.

1517 Bamberg, Germany

KAKAIBANG sulyap ang sumalubong kay Medeia pagtuntong pa lang niya sa maliit na bayan ng Bamberg, ang bayan na ito ay sentro ng Katolisismo sa probinsiya ng Bavaria. Abala ang mga tao dahil araw ng pagsimba ngayon, sarado ang mga tindahan pati na rin ang mga bahay-panuluyan. Pagkatapos pa ng misa siya makakakapaghanap ng panunuluyan, kung gayon ay maglilibot na lamang siya. Ayon sa mga balita ay laganap ang panghuhuli ng mga mangkukulam o sinumang pinaghihinalaang gumagamit ng itim na salamangka at naroon siya sa lugar para saksihan iyon. Bago siya pumunta sa Germany ay nanatili muna siya sa Roma at doon kumalap ng mga dokumentong kakailanganin sa kaniyang paglalakbay.

"Femia," Binibini. Tawag sa kaniya ng isang lalaki na nababalot ng metal na baluti. Isa yata itong kawal. Tumayo siya mula sa pagkakatalungko at inalis ang kamay na nakasawsaw sa ilog ng Regnitz. Pinagpagan niya ang bestida na inadornohan ng burdang yari sa sinulid na ginto at mamahaling mga bato.

"Ja?" Bakit? Ayon sa lalaki ay pinapatawag siya ng obispo, hindi na siya nagtanong ng dahilan at sumama rito. Kumalat na agad na may dayo sa lugar. Mas maganda kung magtatanong siya mismo sa namumuno ng bayang ito. Malugod siyang sumama sa sundalo at narating agad nila ang simbahan, mataas ang gusaling iyon, gawa sa bato at may mga estatwa sa pader, kamangha-mangha rin ang mga arko at hugis-apa na tuktok ng simbahan. Dinala siya ng kawal sa isang silid kung saan naroon ang obispo. Marangya ang silid, puno ng mamahaling kagamitan.

"Nais ko lang iparating lalo na sa mga bagong salta na tulad mo," nagsalita ang obispo sa wikang latin. "Na kailangang magbigay galang sa lugar na ito sa pamamagitan ng pagdalo sa misa lalo na't araw ng linggo." Walang buhok sa ulo ang obispo ngunit angat pa rin ang aristokratong mukha nito. Kapansin-pansin ang nakakasilaw ang mga alahas nito sa katawan at halatang yari sa mamahaling tela ang abito na suot.

"Ipagpaumanhin mo ang aking kawalang-galang, Prinsipe Obispo Ylvar." Yumukod si Medeia sa lalaki.

"Ano ang pakay mo sa lugar na ito?" Taas-noong tanong nito. Bilang sagot ay inabot niya ang isang liham na isinulat pa mismo ng Santo Papa mula sa Roma. Saglit na natigilan ang lalaki nang matapos basahin ang liham ay hinandugan siya ng mauupuan. "Walang ulat na magkakaroon ako ng bisita mula sa Roma. Kung wala ka pang matutuluyan ay may silid na maaari mong gamitin sa buong durasyon ng iyong pananatili rito."

"Maraming salamat." Pinagsalin siya nito ng alak. "Tulad ng nasa liham ay nais kong masaksihan ang paghahatol na gaganapin mamayang hapon. Sa lahat ng paraan ng paghahatol - garote, paglunod, pagsunog, at paglublob sa kumukulong tubig - alin ang pinakamabisa?"

"Sa tingin ko ay lahat sapagkat walang bumabalik mula sa kamatayan."

"Paano kung mortal nga mga nahuli?" Sumimsim siya ng alak.

"Mas mabuti dahil hindi siya isang salot sa bayang ito." Tumayo ang obispo. "Ipapakita ko sa iyo ang silid na iyong tutuluyan," Isinama siya nito sa isang bakanteng silid, may kama, maliit ng lamesa at sariling palikuran ang kuwarto. Iniwan na siya nito para makapagpahinga.

Dumating ang oras ng paghahatol, napakaraming tao sa lugar at sa gitna ay naroon ang babaeng pinaghihinalaan na gumagamit ng itim ng mahika. Nakatayo ito sa entablado na sa tingin niya ay limang talampakan ang taas at may puwang sa ilalim. Lumakas ang sigawan nang umakyat sa entablado ang lalaking may saklob na tela sa mukha. Inilagay nito ang lubid sa leeg ng babae na sa tingin niya ay dose anyos lang.

"Paano ninyo nasabing mangkukulam ang babaeng iyon?" Tanong niya sa obispo habang pinapaypayan ang sarili mula sa mga nagliliparang mga langaw.

"Nahuli siya ng isa sa mga mamamayan na nagpapakulo ng kung anu-anong mga likido, may mga palaka rin na binuksan ang tiyan at kung anu-anong kababalaghan sa bahay ng babaeng iyon."

Deals and DiscordTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon