"HOY, Jay! Hindi ka ba talaga sasama?"
Napatingin si Jaylord sa kaibigang si Rox nang marinig ang boses nito. Pinagmasdan niya ang ayos nito, nakaporma na naman. Alam na niya agad ang gagawin nito. Napailing na lang siya mayamaya.
"Hindi. Sa kabilang barangay ako pupunta. Baka doon maraming magbigay sa akin ng kalakal," tugon niya sa kaibigan.
Magkaiba sila ng pinagkakakitaan. Siya, nanlilimos kapag matao, o 'di kaya may mga okasyon. Nangongolekta rin siya ng karton at yero. Nasa tamang landas na siya kahit papaano. Ito at ang ibang kaibigan niya, nagnanakaw pa rin, kaya hindi siya sumasama sa mga ito. Matagal na siyang huminto sa pagnanakaw. Naisip niyang walang patutunguhan ang buhay niya kung gano'n ang pipiliin niya. Kahit malaki ang mga naiuuwi ng mga ito, hindi siya naiinggit, kasi puro galing sa nakaw. Easy money. Masarap kaya kumain kapag mula sa sarili mong pinaghirapan ang ginagastos, hindi iyong galing sa nakaw.
"O sige, ikaw ang bahala." Tinampal pa nito ang kan'yang braso. Umiling pa ito bago siya nito iniwan sa barung-barong nila.
Hinarap niya ang kariton at inayos iyon. Karton at mga yero ang hahanapin niya ngayon. Mga bote sana, kaso ang mura ng bentahan, tapos mabigat pa. Mapapagod lang siya.
Ngumiti muna si Jaylord bago itinulak ang kariton. Panibagong araw na naman sa kan'ya, panibagong pakikibaka.
Hindi naman ganoon kalayo ang pupuntahan niya. Sinabihan kasi siya ng katulong sa pupuntahan niya, na may itatapong mga yero ang mga ito, kaya kailangan niyang makuha iyon. Mukhang malaki ang kikitain niya kung sakali.
Laking pasalamat niya nang madatnan niya ang katulong sa labas na naghihintay sa kan'ya. May mga yero at karton nga na nasa harapan nito. Kaagad na isinakay niya ang karton. Sinunod niya ang yero na tinupi niya para magkasya sa kariton niya.
Ngiting tagumpay ang lakad niya ngayon. Baka makauwi siya ng malaki-laki na pera.
Walang hanggang pasasalamat ang usal niya sa katulong nang umalis siya.
May mga nadaanan pa siyang mga yero at karton na inilagay niya din sa kariton niya.
Napangiwi siya nang makita ang bumper to bumper na mga sasakyan pagliko. Papunta siya sa shop na pinagbebentahan niya ng mga kalakal.
Sinampa niya ang kariton sa gutter at sinalubong ang ibang dumadaan. Napapailing pa ang mga ito pero wala siyang pakialam.
Nang makaramdam nang pagod ay nagpahinga siya sa ilalim ng puno. Marami pa ring sasakyan na hindi gumagalaw.
"Hoy! Istorbo sa daanan ang kariton mo! Hindi mo ba alam na daanan ng tao 'to?" pagalit ng isang lalaki sa kan'ya.
Muntik na kasi itong matumba kakasiksik sa mga tao, makadaan lang. Tapos nandoon pa ang kariton niya. Muntik pa itong matumba mismo sa kariton niya. Ginilid na nga niya, e.
Naupo siya sa kariton at tumingin sa mga nakahintong sasakyan. Masyadong ma-traffic talaga sa bandang ito ng Maynila. Kung uusad man, mga kalahating dipa siguro.
Napatingin siya sa isang sasakyang tumapat sa kan'ya nang bumukas ang bintana n'yon.
Isang nakabusangot na bata ang bumungad sa kan'ya. Ang cute nito. Parang pinapagalitan yata ito. Umiikot pa ang mga mata nito pagkuwa'y titingin sa katabi nito.
"Ipasok mo ang ulo mo, anak! Baka may dumaang motorsiklo! Lagot ako sa Mama mo nito kapag may nangyari sa'yo!" dinig niyang sigaw ng isang medyo matandang babae sa bata.
Kaagad namang sumunod ito. Sa tingin niya, yaya nito ang kasama sa sasakyan.
Hindi pa rin nawawala ang pagkayamot ng bata. Pinasok nga ng bata ang ulo pero sa labas pa rin ito nakatingin. May niyakap pa itong gadget. Malaya niya tuloy itong pinagmamasdan.
![](https://img.wattpad.com/cover/299716658-288-k456596.jpg)
BINABASA MO ANG
Dark Secret Series: Multibillionaire Obsession
Roman d'amour--WARNING! Not suitable for young readers(R-18)--- Blurb: Love at first. 'Yon ang unang naramdaman ni Jaylord Del Franco sa batang babae na siyam na taong gulang. Daisy-siyete lang siya ng una niyang makilala si Darlene Dixon. Kahit siya hindi niya...