This is dedicated to my dog who passed away. His name was Twix.
Isang araw,
Mundo'y tila nagunaw,
Dahil sa iyong pagbitaw.
Hindi ako nakagalaw,
Hindi makasigaw,
Hindi matanggap na wala ng ikaw.
Wala na akong maisasayaw,
Wala ng yayakapin tuwing giniginaw.
Ang tanging nararamdaman,
Ay ang init ng luhang umaapaw.
Okay lang naman ako,
Okay lang naman kung ang may gusto ay ako na lang.
Pero hindi ko maiwasang isipin,
Na paano kung gusto mo pa rin?
Pero 'wag kang mag-alala,
Alam kong ginawa mo lahat ng 'yong makakaya.
Hindi ko alam kung bakit nangyari 'to sa atin,
Hindi ko alam kung bakit ang aga mong kinuha sa akin.
Alam ng mundo,
Kung paanong hiniling ko,
Na huwag akong ihiwalay sayo.
Walang mapaglagyan ang kalungkutan,
Ang tanging laman ng isipan ,
Ay ang iyong pangalan.
Ikaw ang aking kailangan,
Ikaw ang tanging ayaw kong kalimutan.
Hindi inaasahan ang iyong paglisan,
Hindi ito ginustong mangyari kailanman.
Anak, ikaw ang aking kasiyahan,
Bakit mo ako iniwan?
Pero kung nasaan ka man,
Gusto kong mapuno ka ng kaligayahan.
Sana 'wag mo 'kong kalimutan.
Sorry kung pinilit kitang lumaban,
Kahit sobra ka nang nahihirapan.
Kung kaya ko lang ibalik ang nakaraan,
Masaya ulit kitang kukwentuhan.
Kahit ayaw mo, gusto ulit kitang kantahan.
Magtatabi ulit tayo sa higaan,
Tapos kakainin natin yung paborito mong ulam.
Gabi-gabi ko paring iniiyakan,
Na hindi na ulit kita mahahalikan.
Hindi na ulit kita masasama sa pasyalan.
Hindi na ulit kita mapipicture-an.
Hindi na ulit kita masisilayan sa iyong tulugan.
Anak, kung may paraan, pwede mo ba 'kong balikan?
YOU ARE READING
Spoken Word Poetry (Compilation)
PoetryIf you can't say it, write it. English and Tagalog Poetries
