Chapter 42: Royal Meet Up

4.3K 165 21
                                    


Abigail

Tumigil ang kotse sa likod ng building ng Department of Tourism dahil ayoko gumawa ng kumosyon at ayokong makita ako ng reporters na nasa entrance nitong building. Mabuti nalang at ginawan ng paraan ni Lady Zia na makadaan kami sa likod na walang may nakakapansin.

Mabilis ang mga hakbang namin papunta sa kung nasaan si Kael. Nasa fifth floor daw ito at kausap ang mga staff kaya naman doon kami papunta. Pagbukas ng elevator, lumabas kaming lahat at bago pa ako tuluyang humakbang, nilingon ko si Lady Zia at mga royal bodyguards na kasama ko.

"Maghintay nalang kayo rito. Ako na ang papasok sa loob," utos ko.

"Pero—"

"Wala namang mangyayari sa akin dito, Lady Zia. Isa pa, nandoon naman kasama ni Kael ang mga bodyguards niya para magbantay sa akin. Magbantay ka lang dito. Balitaan mo ako agad kapag nakita mo ang hinahanap ko," habilin ko saka naglakad na.

Hindi pa ako nakakarating sa kwarto na sinabi nila na kung saan si Kael pero napahinto na ako agad mula sa paghakbang dahil narinig ko ang boses ni Kael.

Napakunot ang noo ko nung napansin na galing sa kwarto na nasa kanan ko ang narinig kong boses. Dinikit ko ang tenga ko sa pinto at may narinig akong boses ng babae na parang umiiyak. Nagtaka tuloy ako kung sino ang mga nasa loob kaya naman dahan-dahan kong binuksan ang pinto at hindi ko na kailangang buksan pa ng malawak ang pinto dahil nakita ko na agad si Kael at ang babaeng kasama niya. Nanlambot ang tuhod ko sa nakita.

"Elton, we need to talk more." Umiiyak ang babae habang hinahawakan ang braso ni Kael. "Please?"

Napakuyom ang mga kamay ko habang nakatingin sa kanilang dalawa na magkasama. Ilang beses kong sinubukan na pigilan ang pagkikita nila pero nangyari pa rin. At bakit umiiyak ang babae sa kanya?

Tiningnan ko ng mabuti ang reaksyon ni Kael. Nakatingin siya sa babae pero hindi ko mabasa kung ano ang reaksyon niya. Natutuwa ba siya na nagkita ulit sila? Sobra ba siyang nagulat sa pagkikita nila kaya hindi siya makasalita?

"Give me a chance to explain, Elton."

Napangisi ako ng mapait nung narinig ang tawag niya kay Kael. Siya lang ang narinig kong tumatawag kay Kael ng pangalang iyan.

Ilang minuto bago sumagot si Kael. "Okay. I will let you know when we can talk."

Napakapit ako sa pader dahil tuluyang nanghina ang tuhod ko sa narinig. Mag-uusap silang dalawa. Pero bakit hindi nalang ngayon? Bakit magkikita pa ulit sila?

Sa sobrang tuwa ng babae ay niyakap niya si Kael at nakahikbing sinabi na, "Thank you, Elton. Thank you!"

Nakita ko na nagulat si Kael nung niyakap siya ng babae. Nanigas siya sa kinatatayuan niya at hindi nakagalaw. Pero makalipas ang ilang sandali ay napatakip ako ng labi nung nakita kong sinuklian ni Kael ang yakap ng babae sa kanya.

Gusto kong magsalita para kunin ang atensyon nila. Gusto kong lumapit para paghiwalayin sila sa isa't-isa. Gusto kong magalit sa kanila. Pero hindi ko nagawa lahat ng gusto ko dahil wala akong lakas. Ang tanging nagawa ko nalang ay lumuha lalo na nung niyakap pa ng mahigpit ng babae si Kael at wala man lang ginawa si Kael para ilayo siya.

Bago pa lumakas ang hikbi ko ay tumalikod na ako at tumakbo palayo. Dumiretso ako sa kabilang dulo nitong floor dahil ayokong makita ako nina Lady Zia na umiiyak. Nung nakakita ako ng banyo ay pumasok ako agad dito. Buti nalang at walang tao akong nakasalubong at wala ring tao sa loob ng banyo kaya nakaiyak ako ng malaya.

Impit akong umiyak hanggang sa mailabas ko lahat ng nararamdaman ko. Hindi ko alam kung ilang minuto na akong umiiyak dito basta ang alam ko lang, ang sakit ng dibdib ko. Nagseselos ako at nasasaktan ako dahil sa nakita ko. Mukhang tama nga si Elena, may nararamdaman pa rin si Kael sa ex-girlfriend niya.

Princess Abigail: A Royal JourneyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon