Kabanata 7: El entierro
"Nakakarimarim ang kaganapang ito," nanggigigil na sabi ni Donya Luciana, ang may-bahay ni Don Delfino Villanueva.
Puno ang kinalalagyan namin ngayon ng mga taong magkakaibang emosyon. Nariyan ang mga kababaihang nagdadasal sa harapan ng mga kandila, ang ilang mga kalalakihan ay nagsusugal sa labas, at ang iba naman ay abala sa pag-aasikaso ng mga bisita sa pamamagitan ng pag-abot ng mga biskwit, kape, at mainit na ginataang bilo-bilo. Lahat ay dalawang araw nang puyat.
"Ang iyong puso, Luciana," saway sa kanya ng isang matanda.
"Mama,"
"Kung maghahari ang galit sa iyong puso, paano makakaakyat sa langit ang kaluluwa ni Delfino?" tanong ng matanda.
"Ngunit paano naman makakaakyat ang kanyang kaluluwa kung ang aming paghihinagpis at kanyang alaala ay nagsusumigaw ng katarungan?" gigil na tanong ni Donya Luciana at padabog na nagtungo sa labas.
Napako ang aking tingin sa kanya at nang ibalik ko ang aking tingin ay nahagip nito ang palaisipang emosyon ng matanda sa akin at saka lumisan sa aking harapan. Suplada.
"Pagpasensyahan mo na ang nangyari sa inyong kasal," malambing na sabi ng isang binibini sabay kanyang ibinugkos ang kanyang bisig sa akin. Si Agustina Madrigal, ang kaibigan ni Hidalgo at abay sa aming kasal.
"Buntis ka ba?" napailing naman kaagad ako at hindi magawang magsalita. "Nakalulugod naman."
Pinagmasdan naman niya ang mukha ng nakahimlay. "Ipinagbabawal kasi na tumingin ang buntis sa kabaong, baka kasi maisama sa hukay ang iyong dinadala, nakababahala pa naman."
Napangisi naman sya na tila may kakaiba. "Akala ko'y ika'y mabdos (buntis) kaya napagpasyahan ninyong kaagad magpakasal."
"Saang batuhan mo naman iyan nabungkal?" tanong ko.
"Ganoon naman, hindi ba? Sa kadahilanang kay bilis mag-isang dibdib ang dalawang taong hindi pa naman lubos na magkakilala, ano pa ba ang inaasahan mong magiging laman ng mga sintido ng bawat naririto?" pabalang na sabi ni Caelia habang nag-aabot ng mga biskwit sa mga nasa burol.
Bigla naman syang nag-iba ng postura nang may kung sinong dumating, si Salvador.
"Ano ang iyong lagay?" tanong sa akin ni Salvador na hindi ko namalayang nasa aking tabi na.
"Huwag mo akong alalahanin. Salamat sa pag-aalala." natigilan naman ako nang nagkaisa ang kani-kanilang tingin sa akin. Hindi ko batid kung bakit.
Inilapit ko ang aking ulo kay Salvador at bumulong. "May nasabi ba ako?"
"Hindi po kasi maaaring magpasalamat kapag nasa burol," napakunot naman ako ng aking noo. "Ang ibig po kasing sabihin niyon ay natutuwa kayo sa pagkamatay ni Do--"
Napasinghal naman si Caelia na animo'y pinagbagsakan ng langit at lupa sa dami ng katangahan sa buhay. Parang may sama ng loob sa akin kahit wala naman akong ginagawang masama.
Napalapit naman sa akin ang isang lalaki na akin namang ikinagulat at hinawakan nya ako sa aking braso.
Walang pakundangan nya akong kinaladkad palabas ng mansyon ng mga Villanueva. Walang tigil naman ako sa paglaban sa kanyang dinaig pa ang sawa sa pahigpit ng pagkakabigkis at pagbalot ng kanyang malaki at maugat nyang palad sa akin.
"Saan mo naman ako dadalhin, ginoo?"
==========
"Ilang tanong pa ba ang gagawin ko! Pang-aaresto ba 'to? Wala ka pang Miranda rights! Limitations on the exercise of rights and freedoms shall be only those necessary to secure recognition and respect for the rights of others, and for meeting the just
requirements of morality, public order, and the general welfare in a democratic society. I haven't committed any crime nor committing a crime! Let me go!" sigaw ko habang patuloy pa rin sa pagpupumiglas.
BINABASA MO ANG
THE GENERAL'S LAW
ActionA successful male attorney finds himself in the body of a young lady, the daughter of the city mayor and up-coming Governorcillo from the late 19th century, Solana Perez wherein he meets the famous outstanding up-coming Brigade General, Atty. Hidalg...