6

1.2K 28 0
                                    

“NASAAN ka ngayon, Chase? Dumiretso ka ba sa Baguio?” tanong kay Chase ng matalik niyang kaibigan na si SPO1 Kent Marquez. Bukod sa kanyang Ninong, si Kent lang ang nakakaalam na umalis muna siya ng Maynila dahil sa pagbabanta sa buhay na natanggap niya. 

“Nandito ako sa Sagada ngayon.” Nakatayo siya sa veranda ng hotel room na inokupa nila. Mula roon ay matatanaw ang malawak na kadilimang bumabalot sa buong bayan.

Nagdesisyon siya na huwag tumuloy sa resthouse nila sa Baguio dahil malaki ang posibilidad na mabilis siyang mahanap ng mga tauhan ni Limyap. Dito sa Sagada, kampante siya na hindi siya basta-basta matatagpuan ng mga humahabol sa kanya. 

Inilahad niya sa kausap ang nangyari sa kanya kanina habang bumibiyahe siya sa Norte. Kung paano siya sinundan at pinagtangkaang patayin ng mga tauhan ni Limyap.

“Huwag kang mag-alala, Chase. Nakausap namin ni Chief kanina ang NBI crime and operation group, may lokasyon na sila kung saan matatagpuan si Limyap. Naghahanda na sila ng enforcement trap para mahuli si Limyap.”

Isang buntong-hininga ang pinakawalan niya. Isang parte niya ang natuwa sa narinig na magandang balita. Subalit sa kabilang banda ay nakadama siya ng panghihinayang. Sa halip na makatulong siya sa paghuli sa kriminal ay nandito siya ngayon at nagtatago sa Sagada.

“O, alam kong iniisip mo, Chase,” anito sa kabilang linya. “Huwag mong subukang bumalik dito nang wala pang command galing kay Chief. Huwag kang mag-alala, kayang-kaya na namin si Limyap. Ang mabuti pa, ingatan mo na lang ang sarili mo diyan.”

Isang beses pa siyang bumuntong-hininga. Kahit gustuhin mang niyang bumalik ngayon sa Maynila ay hindi niya magagawa. May kasama siyang babae at hindi niya basta-basta maisusugal ang buhay nito.

“Kent, may ipapagawa sana ako sa'yo,” wika niya sa kaibigan.

“Ano iyon pare?” mabilis na sagot nito mula sa kabilang linya.

Sinabi niya rito na kung maaari ay kuhanin nito ang kotse ni Cheska. Binanggit niya rito ang eksaktong lugar kung saan niya natagpuan ang babae. 

“May kasama ka'ng babae ngayon, Chase?” halatang nabiglang bulalas nito. “Grabe ka, pare…” Bahagyang tumawa ito. “Kunsabagay, malamig diyan sa Sagada, kailangan mo talaga--”

“Tumigil ka, Kent,” naiiling na putol niya rito. “Tawagan mo na lang ako kapag nakuha mo na ang sasakyan ni Cheska Villarama.”

“Teka, pare? Cheska Villarama! Di ba, yan iyong pangalan ng babaeng napagbintangan nating drug dealer?”

“Oo.”

Pumalatak ito. “Siya ang kasama mo ngayon? Bakit? Huwag mo'ng sabihing type mo ang babaeng iyan? Naku, ubod ng arte iyan...”

“Napilitan lang ako'ng isama siya,” sagot niya. Pahapyaw na ikinuwento niya rito kung paano niya nakita ang babae at paano nangyaring kasama niya ito ngayon.

“Pare, puwede mo naman siyang hindi isama diyan sa Sagada, ah,” wika ni Kent matapos nilang ilahad ang mga nangyari. “Hindi naman siya nakita ng mga tauhan ni Limyap, so wala naman sa panganib ang buhay niya?”

“Hindi ko naman puwedeng iwanan na lang siya kung saan, Kent. Wala siyang dalang kahit na ano'ng gamit. Kapag may nangyaring masama sa kanya, responsibilidad ko iyon.”

“Baka naman may iba pang dahilan, pare,” makahulugang wika ng kausap matapos ang ilang segundong pananahimik.

Kumunot ang noo niya. “Ano'ng ibig mong sabihin?”

“Baka naman 'type' mo talaga iyang si Miss Villarama?” Nanunukso ang boses nito. “Aminin mo, Chase, kahit ubod ng suplada, ubod rin ng ganda iyong babaeng iyon.”

“Tumigil ka nga, Kent.” Umiling siya kahit hindi nakikita ng kausap. “Alam mo na ayoko sa mga babaeng tulad niya.”

“Ano ka ba, Chase. Lahat ng babae, may taglay na kabutihan. Kaya kahit ubod ng suplada iyang si Miss Villarama, may itinatago rin iyang magandang ugali.” 

“Tss. Iba ang Villarama na iyon.” Ikinuwento niya rito kung ilang beses na sinagad ng babae ang pasensiya niya.

“Intindihin mo na lang, Chase,” natatawang sagot ng kaibigan sa kabilang linya. “Isipin mo rin ang nararamdaman niya, pare.  Kahit sino naman siguro, magagalit talaga kapag bigla na lang malagay sa alanganin ang buhay niya. Lalo pa’t babae iyan.”

Isang buntong-hininga ang isinagot niya rito pagkatapos ay nagpaalam na siya sa kaibigan.

Pagkatapos niyang putulin ang tawag ay pumasok siya sa silid at naupo sa isang bakanteng kama.

Bumuntong-hininga siya at pinagmasdan ang natutulog na babae sa kabilang kama. Nakatagilid ito ng higa at tanging mukha lang ang nakalitaw mula sa makapal na comforter na nakabalot sa buong katawan nito.

Habang pinagmamasdan niya ang payapang mukha ng babae ay hindi niya talaga mapagkaila kung gaano ito kaganda. Mahaba at itim na buhok, mapungay na mga mata, matangos na ilong, manipis at mapulang labi.

Kahit noong magkita sila sa bar ay agad na niyang napansin ang gandang taglay ng babae. Subalit pinili niyang balewalain ang pakikipagkilala nito sa kanya dahil bukod sa naroon siya sa bar na iyon para sa isang undercover mission, hindi niya gusto ang mga babaeng mahilig sa nightlife. 

Lalo pang lumalim ang disgusto niya sa babae nang mahuli niya itong drug dealer.

Aminado naman siya na bahagya siyang napasobra nang trato kay Cheska noong gabing iyon, subalit iyon ay dahil sa walang pakundangang pagtataray nito at pagsagot nito sa kanya sampu sa mga kasamahan niyang pulis.

Kung umasta ito ay tila isa itong prinsesa at kailangang sundin ng lahat ang gusto nito. And he hated that kind of attitude.

Subalit kahit na hindi niya gusto ang ugali ng babae, nang makita niya ito kanina sa gilid ng kalsada ay hindi siya nagdalawang-isip na hintuan ito. Kahit na alam niyang magiging pasanin lang niya ang babae, pinili niya pa ring isama ito kaysa iwan.

Bumuntong-hininga siya ng maalala kung ilang beses nitong sinagad ang pasensiya niya kanina. Dinaig pa nito ang isang bata sa sobrang tigas ng ulo. Hindi naman siya magaspang umasta sa harap ng mga babae pero napipilitan siyang umasal ng ganoon sa harap ng babaeng ito dahil hindi niya alam kung paano ito mapapatahimik. She was the worst. Lahat na yata ng hindi magandang asal ay taglay ng Villarama na ito.

Kaya naman ikinabigla niya ang inasal ng babae nang makita nito ang sugat niya. Hindi niya mapagkakaila ang pag-aalalang nakita sa mga mata nito. At hindi niya inaasahan na ito pa ang magpipilit na gamutin ang sugat niya.

Sumulyap siya sa kanang braso na may nakabalot na benda. 

Naalala niya kung paano maingat na ginamot ng dalaga ang sugat niya. Parang ibang babae ang dinala niya sa presinto at kasama kanina sa sasakyan sa babaeng gumamot sa kanya kanina.

Kahit ubod ng antipatika niyang si Miss Villarama, siguradong may itinatago rin iyang magandang ugali. Biglang pumasok sa isip niya ang sinabi ni Kent habang magka-usap sila sa telepono.

Tumingin siya sa natutulog ng mahimbing na dalaga. Tama si Kent. Kahit pala...ganoon kasama ang ugali ng babae ay may itinatago rin pala itong kabutihan sa katawan. At nasaksihan niya iyon ng gamutin siya nito.

Bahagya siyang napangiti sa sarili.

Danger in Love (Published under PHR/Unedited Version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon