“I'M sorry, Cheska. I'm so sorry, baby.”
Isang patak ng luha ang nalaglag mula sa mata ni Chase nang marinig niya ang tunog ng pag-alis ng sasakyan ni Cheska. Iyon rin ang hudyat ng tuluyang paghihiwalay ng landas nila ng babae.
Kanina, nang makita niya kung paano nasaktan ang babae sa malamig at walang emosyong pagsalubong niya rito, gusto niya itong ikulong sa bisig niya at yakapin ng mahigpit. Nang masaksihan niya ang sakit na bumalatay sa mga mata nito kasabay ng pagluha nito, halos madurog ang puso ni Chase. Gusto-gusto niyang iparamdam kay Cheska kung gaano niya ito kamahal. Gustong-gusto niyang bawiin ang lahat ng masasakit na salitang sinabi niya rito. Gustong-gusto niyang punasan ang luha sa mga mata nito at pawiin ang sakit na nararamdaman nito.
Mahal na mahal niya si Cheska. Hindi niya gustong saktan ang damdamin ng babae, subalit kailangan niyang gawin iyon. Kailangan niyang gawin iyon para na rin sa kapakanan nito.
Kahapon, hindi niya makakalimutan kung paano nalagay sa peligro ang buhay ni Cheska. At wala man lang siyang nagawa para iligtas ito.
Paulit-ulit pa naman niyang ipinangako sa dalaga na lagi siyang nasa tabi nito para proteksiyonan ito. Na hinding-hindi niya mapapayagang malagay ito sa peligro. Pero kahapon, nalagay sa bingit ng kamatayan ang buhay nito. At wala man lang siyang nagawa.
Ano'ng klaseng nobyo siya?
Paano kung sa susunod ay muling malagay sa peligro ang nobya nang dahil sa kanya? Hindi iyon imposibleng mangyari dahil siya mismo ay alam kung gaano kadelikado ang kapaligiran sa trabahong ginagalawan.
Siya mismo ang nagdadala ng panganib kay Cheska. At hindi na niya kayang muling mapahamak ang nobya.
Kung kinakailangan niyang lumayo rito para matiyak ang kaligtasan nito, gagawin niya. Kahit masakit. Kahit mahirap.
Lahat ng mga sinabi at ipinakita niya kay Cheska kanina ay puro kasinungalingan at pagpapanggap lamang. Sa tuwing nakikita niyang nasasaktan ang dalaga, doble ang sakit na bumabalik sa kanya. Doble ang paghihinagpis na nararamdaman niya.
Nang makita niya ang galit sa mga mata nito, parang nadurog ang puso niya. Subalit hindi bale nang magalit ito sa kanya, hindi bale na habambuhay siyang magdusa, ang mahalaga ay nailayo niya ito sa panganib.
BINABASA MO ANG
Danger in Love (Published under PHR/Unedited Version)
Roman d'amourPublished under Precious Hearts Romances