Six months later.
“INGAT sa pag-uwi ma'am, Cheska.”
“Thanks, Mang Gardo.” Nginitian ni Cheska ang nakabantay na guwardiya sa parking area ng Empress Hotel.
Nilagpasan niya ito dumiretso siya sa sasakyan.
Limang buwan na ang nakalilipas simula nang magsimula siyang magtrabaho sa hotel. Nagtatrabaho siya bilang receptionist. Personal na hiniling niya sa daddy niya na gusto muna niyang magsimula sa mababang posisyon.
Noong una ay nahirapan siya sa trabaho. Sa umaga ay maaga siyang babangon para pumasok at pagdating sa hapon ay pagod siya sa halos maghapong pagtayo at pakikipag-usap sa mga customer.
Subalit nang tumatagal ay unti-unti na rin siyang nasanay. Ngayong nasa ikalimang buwan na niya ay nagagawa na niyang i-enjoy ang trabaho sa hotel.
Sa loob lang ng limang buwan ay marami na rin siyang natutunan sa trabaho niya. Noong una niyang matanggap ang suweldo niya, kakaibang kasiyahan ang pumuno sa dibdib niya. Kahit maliit na halaga lang iyon, iba pa rin ang pakiramdam na pinaghirapan niya ang lahat ng iyon.
Natutunan niya na bigyang halaga ang pera dahil alam na niya na hindi basta-basta kinikita lang iyon. Natuto rin siyang makisama sa mga pangkaraniwang empleyado ng hotel.
Unti-unting binagalan ni Cheska ang minamanehong sasakyan nang matanaw ang orange na kulay sa stoplight. Saka niya tinapakan ang preno nang abutan siya ng pula sa intersection.
Bumuntong-hininga siya habang nakatingin sa mga dumaraang sasakyan sa harap niya. Isang minuto pa siyang maghihintay bago muling patakbuhin ang kotse.
Natigilan si Cheska nang isang police mobile ang dumaan sa harap niya. Nakabukas ang bintana niyon kaya tanaw na tanaw niya kung sino ang pulis na sakay niyon. Si Chase! Kahit mabilis ang pagdaan ng sasakyan, sigurado siya na ang lalaki ang nakita niyang nakaupo sa driver's seat at nagmamaneho niyon.
Napahigpit bigla ang hawak niya sa manibela. Makalipas ang anim na buwan, ito ang unang pagkakataon na muli niyang nakita ang lalaki.
Sa loob ng panahong nagdaan, ginawa niya ang lahat upang kalimutan si Chase. Pinilit niya ang sarili niya na ibaon sa limot ang lahat ng ala-ala niya kasama ito. Nakipag date siya sa ibang lalaki para subukang buuin ang nawasak na puso niya.
Subalit lahat ng ginawa niyang iyon ay balewalang lahat dahil kahit na anong gawin niya, hindi pa rin niya mabura-bura si Chase sa puso niya. Si Chase ang tanging lalaking nagpaibig sa kanya ng ganoon kalalim. Ito lang din ang tanging lalaking nagawang saktan ng ganoon kalalim. She was her first and great love.
Sa kabila ng sakit na idinulot sa kanya ni Chase, sa kabila ng matinding galit niya rito, mahal pa rin niya ang lalaki. Sa kabila ng luhang naubos niya para rito, hindi pa rin maubos ang pagmamahal niya rito.
Hindi man niya maamin sa sarili, ipinagpatuloy niya ang planong pagtatrabaho sa hotel dahil kay Chase. Dahil gusto niyang kapag nagkita silang muli, magagawa niyang ipagmalaki rito na hindi na siya ang dating Cheska na walang direksiyon ang buhay. Na nagbago na siya. Dahil umaasa siya na kapag nakita siya nito at ang pagbabago sa buhay niya, bumalik ito sa kanya.
Her heart was really foolish for still hoping that way, despite all the pain she'd been through. Even if it seems impossible.
Iyon ang masakit na katotohanan na hindi niya matakasan.
Ibinaling niya ang tingin sa stoplight nang marinig ang busina ng nasa likod na sasakyan. Hindi niya namalayan na green na pala ang ilaw niyon. Pinaandar niya ang sasakyan.
Ilang minute ang lumipas ay tumunog ang cell phone niya. Sinagot niya ang tawag mula sa nakakonektang speaker sa sasakyan.
“Cheska, nasaan ka na?” Iyon agad ang bungad sa kanya ng pinsang si Ivana. “Nandito na ako sa bahay niyo.”
BINABASA MO ANG
Danger in Love (Published under PHR/Unedited Version)
RomancePublished under Precious Hearts Romances