HINDI mapuknat ang ngiti sa mga labi ng Cheska habang nakatingin sa magkahugpong na mga kamay nila ni Chase.
Nasa loob sila ng isang mall ng araw na iyon. Kanina ay nagdinner date sila sa isang seafood restaurant. Pagkatapos ay dumiretso na sila sa mall para manood na sine.
Ngayon nga ay lulan sila ng elevator ng mall paakyat sa fourth floor kung saan matatagpuan ang movie house.
“Baby, is Love Rosie, fine with you?” tanong niya kay Chase habang nakapila sila sa ticket booth para bumili ng ticket.
Itinaas nito ang kamay at hinawi ang ilang hibla ng buhok na bahagyang tumabing sa mukha niya. “As long as it fines with you.” Matamis na ngumiti ito sa kanya bago ibinaling ang tingin sa ticket seller. “Dalawang Love Rosie, Miss.”
“Okay po, Sir.” mabilis na tugon ng seller. Malawak ang ngiti nito na tila kinikilig sa presensiya ni Chase.
Hindi niya talaga maipagkakaila na sa guwapo ng nobyo, mapapatingin dito ang sino mang babae. Pero sorry na lang ang mga ito dahil siya ang girlfriend ng lalaki.
Pagkatapos bumili ng ticket ay dumiretso sila sa snacks corner para bumili ng drinks at popcorn. Subalit habang nakapila sila roon ay nakarinig sila ng kaguluhan mula sa ibabang palapag ng mall. Ilang malalakas na sigaw ang narinig nila.
“Ano'ng nangyayari?” nag-aalalang tanong ng mga taong kasama nila.
“Cheska, dito ka muna,” Seryosong bumaling sa kanya ang nobyo. “Aalamin ko lang kung ano ang nangyayari sa baba.”
“Chase...” Gusto niyang magprotesta at pigilan ito subalit hindi niya masabi.
Masuyong hinawakan nito ang pisngi. “Huwag kang mag-alala. Titingnan ko lang naman kung anong nangyayari. Babalik din ako.”
Tumango siya. “Bumalik ka agad, ah.”
Ngumiti ito sa kanya. “Yes, baby. Dito ka lang, ah. Huwag kang aalis dito.”
Sinundan niya ng tingin ang binata na matapos magpaalam sa kanya. Hindi niya maiwasang hindi mag-alala lalo pa't hindi niya alam kung ano ang nangyayari sa baba. Subalit, hindi naman niya mapipigilan ang nobyo dahil tungkulin nito bilang pulis ang tumugon sa mga kaguluhang nagaganap sa paligid nito.
May tiwala naman siya sa kakayahan ng nobyo. Sigurado siyang makakabalik ito agad. Kaya naman nanatili lang siya sa isang bahagi ng movie house habang hinihintay si Chase. Subalit unti-unting siyang nakadama ng kaba nang marinig ang sinasabi ng isang humahangos na staff ng mall. Isang jewelry store daw sa loob ng mall ang pinasok ng magnanakaw! Kasalukuyang hinahabol ang suspect ng mga security ng mall.
Hindi na niya napigilan ang mag-alala. Gusto niyang bumaba at sundan ang nobyo, ang tanging pumipigil sa kanya ay ang mahigpit na bilin sa kanya ni Chase na huwag siyang aalis sa puwesto niya.
Calm down, Cheska. Chase can take care of himself.
Pilit na kinakalma niya ang sarili, subalit nang lumipas ang tatlumpung minuto at hindi pa bumabalik si Chase ay hindi na niya nakayanan ang tensiyong nararamdaman. Mabilis na bumaba siya gamit ang escalator para sundan si Chase. Hindi niya alam kung pagagalitan siya ni Chase sa pagsuway niya rito pero hindi niya kayang maghintay lang habang iniisip kung ano ang nangyayari. Kailangan niyang alamin kung ano ang kalagayan ng nobyo.
Bumaba siya sa second floor ng mall kung saan niya natanaw ang kaguluhan. Subalit bago pa siya makalapit ay may dalawang guwadiya na ang humarang sa kanya. “Ma'am, bawal na po tayong dumiretso. Ang mabuti po, umakyat na muna kayo sa itaas na palapag.”
“No. My boyfriend's there,” giit niya sa mga ito. “Si Chief Inspector Chase Jimenez, nandoon siya. Girlfriend niya ako. Gusto ko lang malaman kung ano'ng nangyayari.”
BINABASA MO ANG
Danger in Love (Published under PHR/Unedited Version)
RomancePublished under Precious Hearts Romances