CHAPTER 7

0 0 0
                                    

CHAPTER 7

Ang S sa surname niyang Spade ay sungit, selan, sermon, sarap sampalin, at selos. Iyan ang napagtanto ko sa mahigit isang buwan kong pagtatrabaho rito sa Spade Hotel and Beach Resort.

Sungit, dahil iyon ang nakikita ko sa tuwing may lumalapit o kumakausap sa kanyang ibang mga babae. Tila ba hindi siya interesado at walang pakealam. Ngunit pagdating sa akin ay nararamdaman ko ang sweetness niya lalo na kapag kaming dalawa lang. O asyumera na naman ako, at ako lang ang naglalagay ng meaning?

Selan, dahil hindi siya tumatanggap ng kape galing sa ibang tao. Hindi siya umaalis nang hindi ako kasama, at ang ballpen na ginagamit niya sa tuwing may pinipirmahan ay iyong akin. Nasasanay na ba siya sa akin kaya ang akin lang ang tinatangkilik niya?

Sermon, dahil sa tuwing pinagsasabihan niya ako ay hindi na lang basta sermon kundi may kasama na ring pag-aalala na para bang nobya niya ako at siya'y nobyo ko. Am I just imagining things or our feelings is now mutual?

Sarap sampalin, dahil noon ko pa siya gustong sampalin upang matauhan naman na ang pagmumura ay hindi isang habit na palaging gagawin o sasabihin. Bawat salita na lang kasi na bibigkasin ay may kasamang mura, at lalo na kapag nagalit. Malapit na nga siyang makatikim sa akin, kaunti na lang.

At panghuli, selos. Ewan ba rito sa lalaking 'to pero ang husay magpakita ng mixed signals. Kung tutuusin, wala namang namamagitan sa amin pero kung magselos ay wagas. Ayaw ko lang makipagkonprontahan sa kanya pero 'yung totoo, gusto ko siyang tanungin sa kung ano ba tingin niya sa 'kin. Sekretarya pa ba o may iba na?

Kanina pa dilat ang mga mata ko ngunit tinatamad lang akong bumangon kaya hanggang sa mga oras na 'to ay wala pa akong toothbrush at ligo.

Day-off ko ngayon. Dapat nag-aayos na ako nito para makapaghanda na sa pag-uwi ko sa amin pero saan ka, nakatunganga pa rin ako.

Hindi pa man nagtatagal ay nakarinig ako ng doorbell sa pinto ng kwarto ko kaya kahit walang gana'y umalis na ako sa kama't lumabas upang alamin kung sino iyon.

Laking gulat ko nang makitang si Dim na diretsong nakatayo sa harap ko't ni-head to toe pa ako. Agad ko namang sinuklay ang buhok ko gamit ang mga daliri't pinusan ng suot kong T-shirt ang magkabilang mata ko't labi.

"Sir! Ano pong ginagawa niyo rito?" May pagtatakang tanong ko matapos makabawi at siya'y nangisi.

"Take me to your heart---I mean, take me to your province, Kalliste."

Nagpigil akong tumawa kasi ayaw kong ipahalata sa kanyang kinilig ako sa tinuran niya. Hindi pa rin talaga ako natuto na pigilan itong nararamdaman ko. Napagtanto ko tuloy na ang hirap nitong kalagayan ko. Alam kong hindi siya maling tao kasi ang perpekto niya pa nga sa paningin ko, pero maling pagkakataon naman dahil langit siya samantalang lupa ako. Tinitingala siya dahil sa karangyaan nila, habang ako'y mababa lang at sinisikap na maabot ang narating niya.

"N-nagbibiro lang po kayo, 'di ba?" Tanong ko at naamoy ang sarili kong hininga. Ugh! Nakakahiya naman. Ang lapit ko pa naman sa kanya.

"Mukha ba akong nagbibiro, huh? I'm serious here, creamer."

Napakunot noo ako sa huli niyang sinabi, "Creamer?"

"Aish! Nevermind. Maligo ka na nga lang o baka naman gusto mong paliguan pa kita---"

"Opo, heto na nga po, maliligo na." Sagot ko at dali-daling nagtungo sa banyo roon sa kwarto ko.

When I Met YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon