Tubig at Mantika

190 11 3
                                    

Katahimikan.

Isang nakakabinging katahimikan ang namamayani sa pagitan nina Mike at Andrea.

"Aray!" Agad na tinigilan ni Mike ang pag-aayos ng hapag at agad na lumapit kay Andrea. Agad niyang napansin ang kamay nitong namumula sa paso dala ng tumilamsik na mantika mula sa piniprito nitong ulam. Hinila niya ito palapit sa lababo at hinugasan ang kamay nito.

"Sabi ko kasi sa'yo, ako na. Kahit kailan di kayo nagkasundo ng mantika at kawali," sabi ni Mike habang pinapahiran ng toothpaste ang napasong parte ng kamay ni Andrea. Ngunit iba ang nasa isip ni Andrea. Hindi siya mapakali dahil ang lapit lapit nito sa kanya. Masyadong malapit para sa ikatatahimik ng loob niya. Hindi niya na gaanong nararamdaman ang sakit dahil sa lamig na dulot ng toothpaste. Ngunit damang dama niya pa rin ang init ng palad ni Mike.

Sinubukang hilahin ni Andrea ang kamay niya, ngunit malakas ang pagkakahawak nito sa kanya. "Kaya ko na," wika niya.

"Ganyan ka naman e," tugon ni Mike at pinakawalan ang kamay niya. "Lagi mong sinasabing kaya mo pero 'di naman talaga." Muli nitong binuhay ang gasera at pinagpatuloy ang pagpiprito. "Ako na rito. Sunog na 'tong isda mo. 'Yang lamesa na lang ang atupagin mo."

Nang matapos si Andrea sa pag-aayos, sinubukan niyang tulungan si Mike sa pagluluto. Makabawi man lang siya rito kahit papaano. Ngunit hindi siya pinayagan ni Mike.

"Sa susunod na pupunta ka rito, wala ka nang pwedeng galawin na kahit na ano rito sa kusina ko. At 'di ka na rin pwedeng magluto. Who knows kung anong mangyayari the next time na magluto ka at wala ako."

"Grabe naman."

"Walang grabe do'n. Nag-iingat lang."

"Para mo na ring sinabing huwag akong tumapak sa kusina mo."

"Kung tutuusin, 'yon ang una kong naisip."

"Isda lang ang nasunog. Hindi buong kusina," pagmamatigas niya. Alam niyang napakababaw lang ng pinagtatalunan nila, ngunit hindi niya pa rin mapigilan ang sarili niya. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon ang pakikitungo nito sa kanya.

"Alin ba ang mahirap intindihin sa hindi pwede?" asik ni Mike, bahagyang nakataas ang boses.

Nagulat si Andrea. Iyon ang eksaktong sinabi niya kay Mike dalawang buwan na ang nakalipas. 'Yon ang huling araw na nakasama niya ang Mike na kilala niya-iyong Mike na inaalagaan siya't pinagtatanggol. Iyong hindi siya pinagtaasan ng boses kailanman.

Ibang Mike ang nasa harapan niya ngayon.

Ngunit alam niyang kasalanan niya rin. Kasalanan niya kung bakit nagkaganoon si Mike. Masakit man, pero wala siyang balak baguhin ang desisyon niya. Dahil alam niyang mas malaking kasalanan ang ipagpatuloy kung anuman ang nasimulan nila dati.

"S-sorry." Yumuko siya. Hindi niya kayang tingnan ang mga mata nito-mga matang puno ng hinanakit.

"Tapos na ako rito. Kapag dumating sina Mama at hinanap ako, sabihin mo, nagpahangin saglit. Text mo na lang ako kapag kakain na," sabi nito sabay labas ng isang stick ng sigarilyo at saka umalis.

Nakakapanlumo.

Alam naman niyang hindi madaling tanggapin para kay Mike ang desisyon niya. Ngunit hindi rin niya lubos akalain na hahantong sila sa ganoon. Hindi niya akalaing tototohanin ni Mike ang sinabi nito dati.

Maya-maya'y tumunog ang cellphone niya.

"Hello Tita? Opo. Handa na po. Si kuya Mike?" Napatingin siya sa pinto.

"Uhm... Nagpahangin po."

Very Short StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon