Memoir

183 8 0
                                    

"Ayoko na," sabi ko sa kanya. Magkatabi kami sa bench, pero pareho kaming nakatitig sa malayo. Kanina pa kami hindi nagkikibuan, pero wala lang sa'min 'yon. Kami 'yong tipo ng mag-best friend na mas nagkakasundo sa katahimikan. Pareho kaming hindi people person at madalas, tinatanong ng ibang tao kung tunay nga ba na matalik kaming magkaibigan. Hindi kasi kami palasalita.

"Ayaw mo na pala. Ba't di mo mabitaw-bitawan?" tanong ni Jake. Isa 'yon sa mga katangian na naging dahilan kung bakit naging magkaibigan kami. Prangka siya at honest. Minsan, masyadong honest na nakaka-offend na. Pero nasanay na rin ako. Gano'n din kasi ako sa kanya. Naging immune na kami sa lason ng isa't isa.

Tumawa ako nang pagak. "Ilang beses ko na siyang binitawan. Pero dahil tanga ako, pinupulot ko pa rin siya pabalik. Ako pa tuloy ang nasusugatan."

"Ang tagal na niyan ah? Magtu-two years? At nasa'n na siya ngayon? Ayun. May ka-live in at dalawa ang panganay," sambit niya. "'Yong gagong 'yon. Di ko akalaing may papatol pa pala sa kanya pagkatapos ka niyang ibasura." Hindi naman sekreto sa'min na malaki ang galit niya kay Gab. At naiintindihin ko 'yon. Dahil ganyan na ganyan din ang naramdaman ko dati kay Hannah. Galit. Matinding galit.

"Tigilan mo na 'yan. Kalimutan mo na. Bukod sa mukha ka nang tanga kakahintay sa wala, di bagay sa'yo maging martir." 'Yong bawat salita niya, parang karayom sa sobrang tulis. Pero wala lang 'yon sa'kin dahil alam kong tama siya. Siguro kung ibang tao siya, nasampal ko na siya sa inis. 

"Nakalimutan mo yatang sa'yo ako nagmana? Ikaw ang original na martir sa'ting dalawa." Bigla kong naalala noong college pa lang kami kung gaano siya kahumaling kay Hannah. Mas malala nga sa kanya kasi pagkatapos siyang iwan ni Hannah, sirang sira siya. Naalala ko kung pa'no siya humagulgol sa balikat ko at kumapit sa'kin dahil hindi niya kayang mag-isa.

Nagkibit-balikat lang siya. "Ang pinagkaiba natin, ako, tapos na diyan. Ikaw, hindi pa."

"Pa'no ko ba malalaman kung naka-move on na ako?"

Huminga siya nang malalim bago nagsalita. "Kapag hindi na masakit pakinggan ang pangalan niya."

Very Short StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon