Dati

604 34 12
                                    

Lalapitan ko na dapat siya eh. Ibibigay ko na dapat yung rosas na binili ko kahapon. Ipagtatapat ko na sanang ako yung nagpapadala ng mga sulat sa kanya linggu-linggo. Sasabihin ko na dapat yung mga linyang ilang beses ko nang pinagpraktisan.

Ipapaalam ko na sana sa kanya na mahal ko siya. Mula pa nung nadapa siya sa playground nung Kindergarten.  Mula pa nung madulas siya sa putikan nung grade 5 kami. Hanggang sa siya yung hinirang na Prom queen noong high school. Kahit na marami na siyang manliligaw at naging kasintahan, siya pa rin. Siya pa rin hanggang ngayon.

Matatapos na sana yung pagtatago ko e. Mababawasan na sana yung mga bagay na matagal ko nang kinikimkim. Lalapitan ko na dapat siya. Magtatapat na dapat ako.

Kaso dumating si Kyle.

Si Kyle, yung bago niyang manliligaw. Mayaman, gwapo, miyembro ng varsity, sikat.

Napawi yung ngiti ko. Nawala yung kaba ko. Yumuko ako at tumalikod.

Confession attempt #14—FAILED.

Tiningnan ko yung rosas na hawak ko. Ibibigay ko na naman ‘yon kay Mama. Idi-display niya na naman yun sa sala. Lulutuin na naman niya yung paborito kong Adobo, sign ng pakikiramay sa ‘kin at sa katorpehan ko.

At yung sulat, malamang e palihim ko na namang ihuhulog sa locker niya. Tulad nung high school, tulad nung last sem, tulad nung birthday niya, tulad nung Valentine’s.

Tulad ng dati.

Very Short StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon