Umuuga Ang Kama 7

6.8K 50 2
                                    

Paghihiganti. Tama bang maghiganti sa mga taong may nagawang mali sa iyo? Ang tao ay nabubuhay sa kasalanan, kasama na rito ang paghihiganti. "Kapag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay." maging ang kasabihan na ito ay may kasamang paghihiganti. Ang ibig lang sabihin nito ay kung may gumawa sa iyo ng hindi maganda, suklian mo siya ng kabaitan. Napakahirap isipin pero ganito ang tamang gawin. Halimbawa ay sa magsyota, kapag ba sinampal ng babae ang lalake gaganti ang lalake at sasampalin din si babae? Naku! Bruha pala siya, dapat sinabunutan niya at iminudmod sa tae ng kalabaw! Para sa dalawang taong nagmamahalan, ang isang sampal ay dapat suklian ng halik at patunay ng iyong pagmamahal. Kailangang maramdaman niya ang sinseridad, hindi ang paghihiganti dahil walang mangyayaring mabuti, dadami lamang ang kasalanang nagawa mo. Gaya ng ginawa ni Jesus, ang bawat hiyaw sa pagdampi ng latigo sa kanyang balat, bawat dugo niya na pumatak sa lupa, tinumbasan niya ng pagmamahal. Pati sarili niyang buhay inialay niya dahil mahal niya tayo kahit na lahat ng kasalanang nagawa natin sa kanya.


Mahirap bang magpatawad sa taong may kasalanan sa iyo? Ang sagot ay mahirap pero kailangan. Hindi magtitino ang mundo kung sa bawat pagkakamali ay gaganti tayo. Kung sa bawat bato na ihagis sa iyo ay manghahagis ka ng mas malaki para ipalasap sa kaniya ang sakit na naramdaman mo. Bakit hindi natin subukan na sagutin, "Sa susunod sana huwag ka ng mambato, baka may ibang tamaan." Kung ikaw ang nambato, ano ang mararamdaman mo kapag sinabihan ka ng gano'n?

Kinabukasan ay binisita ni Arianne ang bahay nila pero sa daan pa lang ay tumambad na sa kaniya ang tirahan ni mang Lando na halata ang bakas ng pagtupok ng apoy. Dumireso siya sa sari-sari store ni Aling Nena. Nakita niya itong akmang lalabas at parang may pupuntahan.

"Aling Nena!" tawag niya, agad namang napalingon si Aling Nena. Nilapitan niya ito at tinanong, "Ano ho ang nangyari sa bahay nina Mang Lando?"

"Obvious ba? Nasunog." mukhang mainit ang ulo nito.

Hindi naman nagawang ngumiti ni Arianne dahil nag-aalala siya sa maaaring mangyari. "Ano daw po ang sanhi ng sunog?" tanong niya uli.

"Sumama ka sa'kin." pagyaya ni Aling Nena.

"Saan ho tayo pupunta?"

"Sa burol ni Lando." napamulagat si Arianne at biglang napatigil sa paglalakad. Gulat na gulat siya sa narinig. Isa lang ang tanong sa isip niya ngayon.

"Bakit?"

>

Nagpaalam si Anjo sa boss niya na uuwi siya ng maaga at pinayagan naman siya nito. Pinuntahan niya ang dating may ari ng lote na kinatatayuan ng bahay nila ngayon. Kailangan niyang malaman ang background nito para na rin sa kaligtasan nilang magkasintahan. 

Beep! Beep!

Busina ni Anjo sa tapat ng bahay ng kumpare niyang si Benjie. Tinawagan muna niya ito bago siya pumunta kaya sigurado siyang naririto ito. Ilang minuto ring naghihintay si Anjo bago pinagbuksan ng kumpare.

"Pare, nabisita ka?" sabi ni Benjie kay Anjo.

"May tatanong sana ako-"

"Tara pasok ka muna."

Ang lakas ng loob ni Benjie na mag-imbita ng bisita sa bahay niya, pwede namang sa isang resto na lang sila mag-usap. Hindi naman kalakihan ang bahay ni Benjie dahil mag-isa lang naman siya rito. Ang problema ay hindi marunong magligpit ng sarili nila ang basura, dapat naglalakad ang basura papunta sa basurahan, kaya ang daming kalat sa loob ng bahay niya. Bote ng alak, upos ng sigarilyo, nakasabit na brief, mga maruruming damit, cup ng noodles, at picture ng isang babae. Sangkatutak din ang mga platong hindi nahuhugasan at amoy ang bulok na kanin sa rice cooker. Halatang may dinadalang problema ang mamang ito. Napakadilim rin ng kwarto at kung hindi lang kumpare ni Anjo si Benjie ay mapagkakamalan niya itong freak. May saltik na nga yata siya sa pag-iisip sa ginagawa niya sa sarili.

"Pare wag mo sanang masamain ha-" ani Anjo pero pinutol ni Benjie ang sasabihin niya.

"Na makalat at mabaho sa bahay ko? Pasensya na ha? Tapos pundido pa itong bombilya dito!" pasigaw na sabi ni Benjie habang pinalo ng malakas ang switch ng ilaw.

"Pare, kailangan mo ng magpatuloy sa buhay mo. Tignan mo nga ang paligid mo? Parang hindi ka na tao eh." pangaral nito. "Sayang ang pagtulong ko sa'yo kung hindi mo tutulungan ang sarili mo."

"Si Marielle-"

"Siya pa rin ba ang dahilan? Pare matagal na kayong wala ni Marielle, mabuhay ka naman para sa sarili mo, para sa mga mahal mo sa buhay, kamag-anak."

"'Yun na nga eh! Wala na si Marielle sakin kaya wala ng silbi ang buhay ko!" akmang susuntukin siya ni Anjo pero pinigilan niya ang sarili. Wala silang mapapala kung paiiralin niya ang init ng ulo.

"Pare binili ko ang lupang iyon para sa'yo rin. Para tulungan kang makalimot." pagpapaliwanag ni Anjo. "Wala na ang bahay niyo doon, wala kang titirhan doon at wala kang pera sa mga oras na iyon kaya tinulungan kita. Hindi pa katapusan ng mundo."

"Katapusan na."

"Hindi pa, konti na lang talaga masasapak na kita. Hanggat matino pa ang pag-iisip mo, tulungan mo ang sarili mo. Huwag mong hayaang matalo ka ng nakaraan, may hinaharap ka pa na kailangang harapin at iyon ang realidad Benjie. Naging pulis ka kaya sana matatag ka."

"Teka bakit ka ba nandito? Para pangaralan ako?"

Napag-isip-isip ni Anjo na lumalayo na siya sa totoong pakay niya. "Nasaan nga ba si Marielle?"

Natahimik ang dalawa at umupo si Benjie sa isang sofa na puno ng nagkalat na chitchirya. "Nag-abroad siya."

"'Yung totoo?" sa mga pangyayari ngayon sa kanila ni Arianne, hindi na kapani-paniwala na nangibang bansa lang si Marielle kaya siya iniwan nito. May itinatago kay Anjo si Benjie.

>

Hindi makapaniwala si Arianne sa nakikita. Nakasilid sa kabaong si Mang Lando na kahapon lang ay kausap niya. Tahimik siyang nakahiga doon at tinanggap ang pagdating ng kanyang oras. Sa mga namamatay, karamihan sa kanila ay nagsasabi ng kanilang sikreto bago sila mamatay, parang pangitain ito na malapit na ang iyong oras. Ibig sabihin ba nito ay ang sikretong sinabi ni Mang Lando sa kaniya ang matagal ng nagiging pabigat sa loob ni Mang Lando?

"Ikaw yung bagong lipat?" tanong ng isang babae nang magpunta siya sa isang upuan, malamang siya ang asawa ni Mang Lando.

"Opo. Bakit-"

Hindi pa natapos ang sasabihin ni Arianne ay dumapo ang sampal sa kanyang mukha. Gulat siya. Nakatingin lang siya sa babae na parang nagtatanong ng bakit. Puno ng question mark ang paligid niya. Litong-lito siya. Ilang segundo bago nakapagsalita ang babae kasabay ng pagtulo ng luha niya.

"Isa kang sumpa!" sigaw nito. Mabuti na lang at silang tatlo lang ni Aling Nena ang nakakita ng pagsampal nito.

"Hoy, Maria ano bang sinasabi mo." awat naman ni Aling Nena.

"Si Lando..." iyak nito. "Wala na siya... paano na ako? Ang anak niya?" sabi nito at tuluyan ng humagulgol.

Nanatili lang nakatingin si Arianne. Hindi niya alam kung paano siya magrereact, kung ano ang susunod niyang gagawin. Hindi na niya alam. 

"Ikuha mo siya ng tubig." sabi ni Aling Nena na nagpabalik ng isipan ni Arianne. Habang niyayakap nito ang kumare, naghanap siya ng baso at maiinom.

"Sabi ni Lando, napanaginipan niya na-" sumisinok pa ito nang dumating ang inumin. "Nung isang gabi, napanaginipan raw niya na kakausapin niya ulit yung bagong lipat na babae na nakita niya sa palengke. May itatanong raw ito, tapos... tapos..." umiyak uli siya.

Hindi naman makapagsalita ang dalawa, naghihintay at nakikinig lamang sila sa susunod na sasabihin ni Maria.

Matapos humikbi ay itinuloy niya ang kwento. "Tapos, wala raw siyang kasama sa bahay. Masusunog daw yon at may mukha ng babae ang biglang nagpakita sa kanya. Sobrang lapit daw ng mukha niya, akala raw niya hindi nasiya gigising noon okaya ay aatakihin na siya paggising pero nabuhay pa siya. Parang bangungot yun ang sabi niya sa sakin. Pero ngayon-" huminga ito ng malalim. "Napanaginipan niya ang mangyayari pero tinuloy pa rin niya ang pakikipag-usap sa babaeng yan!" pabalang na sigaw ni Aling Maria.

"Alam mo bang matapang ang asawa mo?" sabi ni Aling Nena.

"..."

"Hindi siya natakot mamatay, dahil may natulungan siya. Gabi-gabi, nasa panganib ang buhay niya sa pagbabantay ng barrio natin kasama ang iba pang tanod. Kung wala sila, baka magiging magulo ang barrio natin at maging delikado para sa pamilyang naririto." pag-aalo ni Aling Nena sa kumare.

"Alam ko yon. Mahirap tanggapin Nena."

"Naiintindihan kita. Minsan na rin akong nawalan ng mahal sa buhay. Kaya mo yan, narito ako, yung mga kaibigan natin saka katsimisan." napangiti niya ito.

"Pasensya na iha. Nadala lang ako." paghingi ng tawad ni Aling Maria.

"Naiintindihan ko ho kayo." ani Arianne.

~itutuloy

Umuuga Ang KamaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon