Umuuga Ang Kama 16

4.2K 44 0
                                    

Chapter 16

Kinuha ni Anjo ang papel na inihip muli ng hangin. Parang nananadya na mahulog muli upang takutin at pabilisin ang tibok ng kanyang puso. Dahan-dahan pa ang mga kilos niya dahil hinahanda niya ang sarili sa maaring manggulat sa kanya. Maaaring may biglang humawak sa kamay niya o bigla siyang makita sa kanyang pagyuko. Samantalang binuksan naman ni Arianne ang kahon, hinahanda ang sarili sa maaaring makita. Maaaring putol na parte ng katawan ng tao, o isang bagay na hindi inaasahan ngunit parang tinatakot lang niya ang kanyang sarili. Puno lamang ng mga papel ang kahon, mga papel na kinupas na at pinaglumaan na ng panahon. Isa-isang binasa ni Arianne ang mga papel upang marinig rin ni Anjo. Mga sulat ito, love letter na hindi naipadala. Mga laman ng damdamin na hindi naiparamdam. Mga salita ng pag-ibig na hindi masabi ng harapan. Puso na tumitibok lamang sa tulong ng mga sulat.

~

Anjo,

Sumusulat ako ngayon kahit na alam kong hindi ko maipapadala ito sa iyo dahil sobrang nahihiya akong lumapit sa'yo. Wala akong lakas ng loob kausapin ka kaya susubukan kong makipagkaibigan kay Benjie baka sakaling mailakad niya ako sa'yo tutal bestfriends kayo 'di ba? Mukha namang mabait rin si Benjie gaya mo, hindi ko maikakailang bagay kayong maging magkaibigan pero iba kasi ang dating mo sa'kin eh. Saka alam mo ba 'yang mga mata mo ang pinakagusto kong tinitignan kasi sa bawat pagtingin ko sa mga mata mo, para akong tinitignan ng isang anghel. Oo, 'yung anghel na lalake, 'yung matipuno, makisig, mabait at matapang. Sana lang talaga makatulong si Benjie para lalo pa kitang makilala at makita ko rin ng mabuti ang iba pang bahagi ng mukha mo pati na rin ang pagkatao mo.

Marielle

~

Gulat si Arianne sa pangalan na nabasa. Galing ito kay Marielle matagal nang panahon ang lumipas. Paglalahad ito ng lihim na pagtingin ni Marielle kay Anjo. Napatigil siya sa pagbabasa at nakatulala lamang sa hawak na papel.

"Hindi ko alam na may itinatago si Marielle noon." sabi ni Anjo nang makuha ang papel na pinupulot. Ipinagpatuloy ni Arianne ang pagbabasa.

~

Anjo,

Iba ang pakiramdam ko kay Benjie, hindi ko tuloy masabi na gusto kitang makilala. Parang nagpapahiwatig kasi siya, nagpapatangay hangin kumbaga. Ayokong masira ang friendship niyo, tutal pareho niyo namang hindi alam ang lahat ng nararamdaman ko, siguro mas mabuti pang itago ko na lang at lumayo sa inyo bago pa lumalim ang nararamdaman ni Benjie. Susulyapan na lang kita mula sa malayo, iiwas na rin ako sa inyo para hindi na lumaki pa ang gulo.

Pasensya na sa malaking space dito sa sulat kong ito. Napatakan kasi ng luha ko yung papel na ito. Masakit kasi Anjo na mapalayo sa'yo lalo na 'yung kalimutan ko ang nararamdaman ko para sa'yo. Napakasakit isipin na mababaon lang ako sa mga alaala mo, na hindi mo na ako maaalalang nakilala mo ako. Hindi ko yata kaya Anjo.

Marielle

~

Anjo,

Pasensya na sa inyo, hindi ko magagawang ilayo ang sarili ko lalo pa't lumalapit pa rin sa'kin si Benjie. Napakahirap ng sitwasyon ko, wala akong ibang masabihan nito dahil alam kong bawat sikretong ilalabas ko ay makakaapekto sa inyo kapag may iba nang nakaalam. Masaya na rin ako ngayon, bahala na sa hinaharap. Kaysa naman masaktan ako at ilang linggo muling umiyak. Ayoko nang umiyak kagaya noong isang araw, namaga ang mata ko kaya hindi muna ako pumasok kasi baka makita niyo ni Benjie pati na rin ng ibang tao. Siguradong tatanungin nila ako, mahirap magsinungaling dahil baka magkamali ako, mahirap na. Hindi naman siguro malalaman ng iba na mahal na yata kita. Itatapon ko rin naman itong mga papel na dapat ipapadala ko sa'yo. Basta ang importante sa akin ngayon ang kasalukuyan. Masaya akong nakikita kita lagi, kahit hindi man kita makausap ng matagal. Nahihiya ako talaga eh. Sana lang ay hindi mo nahahalata.

Umuuga Ang KamaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon