×××
FINX
[NANGINGINIG KA pa. Uminom ka muna nitong tubig, hija.]
[S-Sige po. . .]
[Oy, Officer Tatin! Dalawang bote ng tubig na nga ang ku'nin mo!]
Humalukipkip ako at tiningnan ang pamilyar na sasakyang umaabante patungo sa harap ng Tiaong Police Station. Agad itong sinita ng pulis at kahit nasa loob ako ng kotse ko, makikita ko sa hand gestures ng sumita sa kaniyang pulis ang sinabi niya.
Tanga kasi, tsk. Hindi naman do'n 'yung parking lot.
Inayos ko ang earphone ko at binuksan ang driver seat nang bahagya para agawin ang atensiyon ni Harold na halatang balisa at walang kaalam-alam sa nangyayari.
"Psst!" pumalakpak ako nang dalawang beses. Nagtagumpay naman ako nang lumingon siya at nagsimula nang lumapit.
"Kanina ka pa?" agad na tanong niya at umikot papunta sa passenger seat.
"Kararating ko lang din." sagot ko. Kapansin-pansin na iba ang mood nitong si Harold. Sabagay, involve ba naman si Halign.
"Kanina pa ba nagsimula 'yan?" tanong ni Harold pagkapasok sabay salo sa hinagis kong earphone.
"Gago, siyempre hindi. Kararating ko nga lang, 'di ba? Ako ang naghatid sa kapatid mo," sago ko at m-in-aximize ang volume ng earphone na naka-connect sa bug listening device na nilagay ko sa kuwelyo ng damit ni Halign.
Bawal akong sumama sa kaniya sa loob dahil siya lang naman ang kuku'nan ng statement tungkol sa nangyari kay Fomei. Silang dalawa ang magkasama, eh. Sinabihan lang naman ako ni Kleeve na alalayan 'tong si Halign dahil may klase pa siya't 'di siya puwede, samantalang 'di rin naman agad makakapunta si Harold dahil may interview siya kanina.
At dahil ako ang sumama sa kaniya na wala ring kaalam-alam tungkol sa nangyari dahil sa tuwing tatanungin ko si Halign ay puro hikbi ang isinasagot, nilagyan ko siya ng bug listening device sa kaniyang kuwelyo nang pinatahan ko siya at sinabihang nagusot ang damit niya.
Palagi akong may dalang bugging device at tracking device. 'Yan ang mga bagay na hindi mawawala sa bulsa ko.
[Okay ka na ba, hija? Puwede na ba tayong magsimula?]
[O-Okay na po.]
[Sige, ikuwento mo na kung anong nangyari.]
[Ganito po kasi 'yun. . . galing po kami ni Fomei sa cafeteria ng DDMS dahil do'n po nagtuturo 'yung kaibigan naming teacher. Tapos po no'n, lumabas po kami sa entrance at hindi po sa exit dahil nag-notif po sa 'kin na nasa entrance 'yung b-in-ook kong car, pupunta po kasi kami dapat sa workshop na sinasabi ni Fomei. Tapos po. . . ano po kasi. . . trypophobic po ako. . .]
Napatingin ako kay Harold na seryosong seryosong nakikinig.
"Counted ba ang manhole sa pag-trigger ng trypophobia?" tanong ko.
"Parang hindi naman. Malaki naman ang butas no'n, at saka iisa lang ang manhole sa entrance ng DDMS." tugon niya at napahilot sa sentido.
Kung gano'n, sigurado akong sinadya 'to. At kilala ng salarin si Halign.