×××
CAMELA
"AYAW AMPAYAYAAAA . ."
Napatigil ako sa akmang paghati sa kalabasa. Inilapag ko ang kutsilyo sa may tabi ng sangkalan at hinarap ang nakahikbing mukha ng batang kasama ko ngayon sa kusina.
Totoo pala 'yung sinasabi ni Kleeve . . . na kapag nakakita si Daphney ng kulay green na gulay, aakalain niyang ampalaya 'yon.
Pambihirang bata 'to.
"Daphney," tawag ko sa kaniya at huminga nang malalim. "Hindi 'yan ampalaya."
"What jat. . ." singhot pa niya.
Minsan talaga 'di ko naiintindihan ang lengguwahe nitong batang 'to. Pa'no kaya nagawa ni Kleeve maintindihan ang batang 'to sa loob ng apat na buwan?
"Kalabasa 'to, okay?" paliwanag ko at lumuhod upang magpantay kami.
"Tabayasha?" ulit niya nang nakatabingi ang ulo.
"Mali. Kalabasa." pagtatama ko.
"Ta. . .bayasha. . ?" ulit na naman niya.
"No. Ka?" ani ko at sinimulang magpantig.
"Ta?" siya.
"La?" ako.
"La?" siya.
"Ba?" ako.
"Ba?" siya.
"Sa." ako.
"Sa!" siya.
"Kalabasa." banggit ko.
"Tabayasha!" Lintek na tabayashang 'yan, ah.
Napakamot na lang ako sa pisngi. "Pero, ito ah, ang kalabasa, kulay green ang balat. Pero sa loob," tumayo ako saglit at hiniwa ang kalabasa. ". . . kulay yellow siya."
"Waah . . ." reaksiyon niya matapos dutdutin ang kalabasa.
"Pero ang ampalaya, kulay green siya sa labas, pero white ang loob." naiintindihan ba talaga niya ang sinasabi ko? Natango siya, e.
"At isa pa, ang texture ng kalabasa, makinis. Okay?" dagdag ko pa na dapat 'di ko na ginawa dahil heto na naman tayo sa signature reaction niyang nakatagilid ang ulo, na ang ibig sabihin ay hindi niya naintindihan ang sinabi ko.
"What tekchuy . . ?" tekchuy? Texture ba tinutukoy niya?
Kung tutuusin, alam ko at alam ko sa sarili ko ang kahulugan ng texture. Pero, shuta. Hindi ko naman akalaing ganito pala kahirap magpaliwanag sa bata. Sanay na akong nang-i-straight to the point kapag may nagtatanong sa 'kin, eh. Lalo pa't mga kaklase ko o mga kapatid ko - o kung sinuman! Pero, hindi naman 'yon puwede sa sitwasyong 'to.
Katalinuhan at kahabaan ng pasensiya ang kailangan para magkaroon ng magandang pakikipagpulong sa batang 'to. 'Yung una, okay pa, eh. Pero 'yung pangalawa, ayan ang wala ako. Psh.
"Texture, parang ano, pa'no ba . . ." sumandal ako sa countertop at nakipagtitigan kay Daphney na pakurap kurap ang mga mata. Nabitawan niya bigla ang hawak niyang plushie toy na Barney, kasabay ng pagpasok sa utak ko ng isang magandang paliwanag para sa kaniya.
"Ayun 'yung katangian ng bagay na masasabi mo 'pag hinipo o hinawakan mo siya," ani ko at pinulot ang Barney niya.
"Gaya ni Barney!" turo ko sa hawak niya. "Ano ang texture niya?"