×××
PORSCHA
"I'M OFF to go, Chief." sumaludo si Kuya Thymn kay Lolo at tuluyan nang umalis.
Nauna na silang bumalik sa loob habang sinasara ko ang gate. Kasama ko pa rin dito sa labas si Kyro na parang malalim ang iniisip. Huminga siya nang malalim at halos mapaigtad ako nang sinapak-sapak niya ang kaniyang magkabilang pisngi.
Ngayon ko lang siya nakitang nagkaganito, ah. Goshmie talaga 'tong lalaking 'to.
"Tara na sa loob!" aya ko sa kaniya. Tumango naman siya.
Mabagal ang naging paglakad niya kaya nasa likuran ko siya ngayon.
"Kyro," tawag ko sa kaniya. ". . . kinakabahan ka pa rin?"
"Ha?" mahinang tugon niya. Ngumiti siya at nilapitan ako.
"Hindi, 'no!" ginulo niya ang buhok ko kaya inirapan ko siya. "Bakit naman ako kakabahan?"
"Nagtanong ang halos nanigas na bakal kanina." bulong ko.
"Ang intimidating kasi ng aura ni Kuya Thymn mo. Mas nakakatakot pa siya kay Chief Avelon kung makatingin, sa totoo lang." bahagya siyang napatawa sa sinabi niya.
"Gano'n lang talaga 'yon, lalo na kapag interesado siya sa kaso." depensa ko.
"Ah, VP . . . ayon 'yung kanina ko pang iniisip," tumigil siya sa paglalakad.
Tumigil din ako at pinitas-pitas ang ilan sa mga dahon ng santan dito ni Mommy sa tabi ko. Bukod sa bush na 'to, pati pasensiya ni Mommy sa akin siguradong malalagas kapag nalaman niya ang ginagawa ko.
Eh, goshmie naman kasi, eh! Kinakabahan ako sa itatanong ni Kyro!
"Sa ibang district nakadestino ang Kuya Thymn mo, 'di ba? Bakit nag-iimbestiga rin siya?" tanong niya.
Ngumiti ako.
"Ikaw ang pangatlong taong nagtanong sa akin niyan," natawa ako. "Hindi ko rin alam, eh. Siguro helpful lang talaga si Kuya Thymn?"
Oo na. Pero, hindi ko talaga alam! Sinubukan kong tanungin dati si Lolo Chief pero ang sabi niya, kay Kuya Thymn ko raw itanong nang direkta. Siyempre, ginawa ko. Kaso, iniba niya lang ang usapan.
Tumawa siya. "Bihira ang mga ganiyang CIDG."
"Bilisan na natin sa loob, mag-aalas singko na."
Nang bumalik kami sa puwesto namin sa couch kanina, agad na nagsimula ang interrogation ni Lolo Chief. Tumayo naman ako saglit para refill-an ang tubig ko dahil wala na sa lamesa 'yung pitcher namin kanina. Siguro, inimis na siya ni Kuya.
"Instead of butting your nose in, do your homeworks instead." Napalingon ako saglit sa likuran ko bago ko tuluyang isara ang refrigerator.
"Pochie." pahabol ni Kuya Third na nanunuway ang tono.
"Tapos ko na assignments ko, 'no!" pagsisinungaling ko. "Tsaka, goshmie, ha? Parang hindi ka rin naman naku-curious sa usapan nina Lolo at Kyro."