Hindi siya makahinga. Sa isip niya, malapit na ba siyang mamatay? Dito ba siya mamamatay sa bahay ng...
"Diwak," sabay nang pagsigaw niya ang pagdilat ng mga mata niya. Ang una niyang napansin ay nasa kwarto pa rin siya. Dito na siya kinabahan. Dahil ang ibig sabihin narito pa rin ang Diwak na kasama na niya ngayon. Mabilis siyang naupo at umikot ang mga mata niya sa buong kwarto.
Nandito pa rin ang mga pusa. Tahimik silang nakaupo at nakatitig sa kanya. Samantalang sina Ikeng at Kuning ay kaharap niya.
Napangiti siya. "Ikeng... Kuning..." Nahinto siya noong napansin niyang may nakaupo sa pinakalikod sa harapan niya. Dumiretso ang titig niya.
Dito nasilayan niyang nakaupo ang babae na nakita niya bago siya mahimatay. Hindi niya maipaliwanag dahil kahit madilim sa bahagi nito, ay malinaw niyang nakikita 'to. Nakasuot 'to ng puti habang ang mahabang buhok nito ay nakalaylay sa dibdib nito. At ang mukha nito... Siya ang babaeng nakasabay niya sa bus.
"Diwak," bulong niya, wala na ang takot sa boses niya.
Luminaw ang mukha ng babae. Tumindig 'to at lumapit sa kanya. "Kilala mo na ako," sabi nito noong naupo 'to sa harapan niya.
"Ikaw ang..."
"Si Arinas."
Nagulo ang noo ni Jasmina.
"Ako si Arinas." Ngumiti 'to.
"Iyan ba ang pangalan ng isang Diwak?"
"Hindi ako isang Diwak."
Bumuka ang labi ni Jasmina.
"Nakita mo na ang Diwak sa 'yong panagahinip," anito.
Kailan niya nakita ang Diwak? Diba siya ang Diwak na nakita niya sa bus?
"Balikan mo ang babae na nakita mo sa puno sa iyong panaghinip. Diba nakaharap mo siya?"
Kaya binalikan niya ang tagpo sa puno. Madilim ang kapaligiran noon pero ang babae na nakatindig malapit sa puno ay malinaw ang mukha nito. Nakaharap niya 'to.
"Na... nakita... ko... ang... aking sarili."
"Dahil ikaw ang Diwak."
Nais pang magsalita ni Jasmina pero walang lumabas na mga salita sa labi niya.
"Maligayang pagbabalik, Diwak."
Napailing si Jasmina. Ano ba 'tong sinasabi ng babae sa kanya? Baliw ba 'to? Isa ba 'tong masamang panaghinip? O baka naman patay na siya at napadpad na siya sa iba namang dimensyon?
"Diwak ang tawag namin sa'yo. Ang pangalan mo ay si Diwaksapang. Isa tayong Ula."
"Ano?" finally bitaw niya. "Ako ay isang Ula? Isa akong Diwak?" Naisip niya kailangan na niyang makaalis rito kasama sina Ikeng at Kuning. "Kukunin ko na ang mga pusa ng aking mga pamangkin."
Hindi gumalaw si Arinas sa pagkaupo nito.
Nilapitan na ni Jasmina ang dalawang pusa. Pero bago pa niya makuha ang dalawa ay may umagaw sa atensyon niya. Sa pinakasulok, malapit sa pinto, ay nakita niya ang pusa na may katawan na puti at buntot na itim.
"Ikaw na naman... teka... Akala ko ikaw 'yan?" naguguluhan na bato ni Jasmina.
"Diwak, wala akong kakayanan na magpalit anyo. Pero ikaw meron."
"Aalis na ako." Feeling niya kundi pa siya aalis ay sasabog na ang utak niya.
"Hindi iyan ang pusa na madalas mong makita. Alaga mo 'yan si Kumau, kanina sinalubong ka niya. Pero sa sobrang pagkasabik niya tumalon siya sa mukha mo. Ang anyo niya ang madalas mong ginagaya."
BINABASA MO ANG
Diwak (completed)
FantasyMatapos ang ilang taon, bumalik si Jasmina sa kinalakihan niyang probinsiya. Pero sabay nang pagdating niya, ay tuwing gabi ay misteryosong nawawala ang mga pusa. Ang iba ay bumabalik kinaumagahan, pero meron din ang hindi na. Hanggang may isang mat...