12 Begin Again

19 4 2
                                    

12 Begin Again

"Ayesha! Fiona!" Kaagad kaming tumakbong dalawa nang makita si Tita Abby. Nasa likuran niya si Kuya Benedict na mukhang nag-alinlangan pang kumaway. Nang tuluyan kaming makalapit ay niyakap namin silang dalawa.

"Kumusta?" tanong sa akin ni Tita. Kumpara noong huli ko siyang nakita ay mas nagkakalaman na siya ngayon. Siguro ay dahil magaling na siya sa sakit niya. Napangiti ako at inakbayan siya.

"Okay lang po. Hindi naman masyadong makulit si Ayesha. Medyo lang," sandali kong sinulyapan si Ayesha na pabirong sinimangutan ako.

"Behave lang kaya ako doon," natawa na lang ako sa sagot niya. Ang cute cute talagang asarin ng batang 'to.

Ilang araw ko rin siyang nakasama sa Las Vegas. Nanood kami doon ng concert ng paborito naming kpop group. May World Tour sila ngayon kaya naman para na rin akong nag-wo-world tour dahil pinapanood ko lahat ng concert nila. Sumunod lang talaga sa akin si Ayesha doon para sulitin ang isang linggong bakasyon nila sa school. Kaya nga heto at iniuwi ko na siya sa Pilipinas dahil magsisimula na ulit ang klase nila bukas.

Dalawang taon na rin akong namamalagi sa bahay namin sa America kung saan lumaki si Kuya. Kasama ko si Papa doon at si Kuya naman ang naiwan dito. Ngayon lang ulit talaga ako nakabalik sa Pilipinas pagkatapos ng mga nangyari.

"Babalik ka ulit doon agad?" tanong ni Kuya sa daan namin pauwi.

Nagkibit-balikat na lang ako. Ayaw ko siyang bigyan ng hindi siguradong sagot. Hindi ko alam kung babalik agad ako doon o baka magtagal muna dito. Bukod sa paghahatid kay Ayesha, may iba rin talaga akong pinaplanong gawin.

Maaga akong gumising kinabukasan. Tinulungan ko pa si Tita Abby na maghanda ng almusal namin. Dito na rin kasi sila nakatira ni Ayesha kasama si Kuya. Lumipat sila dito noong mga panahon na umalis ako ng bansa. Ipinagbilin ko sila kay Kuya.

Mamaya pa ang klase ni Ayesha kaya hinayaan muna ni Tita Abby na matulog pa siya. Si Kuya naman ay kanina pang nakaalis. Kami lang tuloy ni Tita Abby ang magkasabay kumain. Pagkatapos ko ay nagpaalam na rin ako kaagad. May pupuntahan pa kasi akong importante.

Dumaan ako sa flower shop ng Nanay ni Julie. Kaso wala siya ngayong araw. Kukumustahin ko pa man din sana. Ipinasabi ko na lang sa staff na dumaan ako para naman hindi na siya magtampo. Noong nakausap ko siya noong nakaraan sa Skype ay sinabihan niya akong umuwi na at mag-bonding kaming dalawa. Nagtatampo na raw siya sa akin dahil mukhang nakalimutan ko na siya. Hindi naman iyon pwedeng mangyari.

Hindi ako madaling makalimot.

Naglatag ako ng picnic mat sa tapat ng puntod ng mga kaibigan ko. Ibinaba ko doon ang kulay puti kong shoulder bag. Binuksan ko iyon at kinuha ang hair tie. Hinahangin ang mahaba kong kulot na buhok at medyo naiinis ako dahil doon kaya itinali ko na muna ang buhok ko. Huminga ako nang malalim pagkatapos tsaka pa lang ako tumayo at inayos ang nagusot kong kulay abo na above the knee dress. Isa-isa kong binigyan ang mga kaibigan ko ng bulaklak.

Tahimik ko lang na ginawa 'yon bago muling umupo sa picnic mat na inilatag ko. Hindi ko alam ang sasabihin ko sa kanila. Tinitigan ko lang ang mga lapida nila hanggang sa mainitan na ako sa pwesto ko at tuluyan ng nagpaalam sa kanila.

Simula ng namatay sila ay ito pa lang siguro ang pang-apat na beses na dumalaw ako. Matagal-tagal na rin noong iniwan nila ako. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin ako kumportableng sabihin na tanggap ko na ang nangyari. Mas gusto kong sabihin palagi na nasanay lang ako na wala na sila sa tabi ko. May mga pagkakataon pa rin na iniiyakan ko ang mga nangyari. Minsan kapag tahimik ang palagid at naalala ko sila ay nalulungkot pa rin ako. Pero sa tinggin ko ay normal lamang makaramdam ng pangungulila sa mga taong nagkaroon nang malaking parte sa buhay ko.

Unsaid Words| ✓Where stories live. Discover now