Chapter Twenty-One
"AYUSIN mo 'yang hilatsa ng pagmumukha mo at baka hindi kita matantya."
Gulat na napaangat ang tingin ni Meredith mula sa binabasang libro sa galit na boses. Nang hanapin niya ang pinagmulan niyon ay nakita niya ang isang dalagita na mukhang mas bata sa kanya ng ilang taon. Morena ito ngunit maganda. Ang kausap nito ay isa namang binatilyo na salubong ang mga kilay habang may putok ang gilid ng labi.
"Tumahimik ka na, naririndi na ako sa ingay ng bibig mo," pabarumbadong wika rito ng binatilyo.
"May bibig ako at magsasalita ako hanggang sa makulili na 'yang tenga mo at magpakatino ka na."
"Tsk. Umuwi ka na at baka hinahanap ka na ni Tiyo."
"Hindi ako uuwi nang hindi kita kasama," pagmamatigas ng dalagita.
"Malaki na ako at kaya ko na ang sarili ko."
"Malaki ka na nga pero 'yang asal mo hindi pa rin nagbabago."
Nahahati ang loob ni Meredith sa pagkaaliw at kuryosidad sa parehang dumayo pa talaga sa harapan ng tindahan nila para magtalo. Noon niya lamang nakita ang mga ito kaya sa palagay niya ay tagakabilang kanto o eskinita ang mga ito. Dikit-dikit kasi halos ang mga tindahan sa kabila at ang mga nagagawi sa kanila para bumili ay iyong halos nakapalibot lamang sa kanilang tinitirhan.
"Umuwi ka na," muling pagtataboy ng binatilyo sa kasama.
"Hindi nga sabi ako uuwi nang hindi kita kasama."
"Andalusia, isa."
"Kahit bumilang ka pa riyan ng isang milyon ay hindi mo ako mapapauwi."
Bugnot na napahilamos sa mukha ang binatilyo. Sa iginawi nito ay naalala ni Meredith ang isang kilalang aktor na tinaguriang Bad Boy of Philippine Cinema. Iniidolo marahil nito iyon. Dahil maging ang gawi nito at pananamit ay tila hawig sa naturang aktor.
"Jet kasi, umuwi na tayo. Ako ang kagagalitan ni Tatay kapag umuwi akong hindi ka kasama."
"Sabihin mo na lang hindi mo ako nakita."
"Tinuruan mo pa akong magsinungaling."
"Para namang hindi ka sanay magsinungaling."
"Hindi naman talaga. Ikaw kasi gawain mo," sikmat dito ng dalagita.
Tuluyan ng naaliw si Meredith sa panonood sa mga ito. Naisip niyang siguro ay magpinsan ang dalawa base sa narinig niyang Tiyo at Tatay sa pag-uusap ng mga ito.
Masarap siguro ang magkaroon ng ka-close na pinsan... o kapatid, saloob-loob niya.
Kahit parating nagbabangayan sa huli ay kayo pa rin ang magkakampi. Hindi lingid sa kaalaman niya na may mga kapatid siya sa labas. Alam naman niyang marriage for convenience lamang ang pagpapakasal ng kanyang mga magulang. And her father's womanizing is not really a secret to the public. Marami ang nakakaalam bagaman bihira namang pag-usapan. O kung mapag-usapan man ay hush-hush lang.
Hindi niya direktang matanong ang ina tungkol doon. Una ay dahil inaalala niya ang damdamin nito. Kahit pa sabihing hindi isang love match ang pagpapakasal ng kanyang mga magulang, binibigyang-timbang niya pa rin ang damdamin nito bilang isang babae na harapang pinagtaksilan at patuloy na pinagtataksilan ng lalaking sapilitan lamang na ipinakasal dito.
"Tara na, umuwi na tayo," untag ng dalagita na nagpabalik ng isip ni Meredith sa parehang nagtatalo sa may harapan ng tindahan.
"Mauna ka na sa--" hindi natapos ng binatilyo ang sasabihin nito dahil agad itong hinagip sa braso ng kasamang dalagita.
BINABASA MO ANG
The Untouchables Series Book 2 Vengeance Liu
ActionSPG 18 "There were times I wish I could unloved you so I could save what's left of my sanity. It's a never-ending torture to love someone who can't love you back no matter how hard you try." Vengeance Liu