"SCUBA diving... banana ride... snorkeling... windsurfing... Maia, galit ka ba sa akin?" litanya ni Rachel nang malamang sa kanya ibinibigay ng editor ang Boracay assignment para sa special summer issue ng kanilang magazine. Ang Womanly.
Ibinaba ni Maia ang article na kina-copyedit. "Hindi ka yata thankful." As usual ay malumanay ang tinig nito. She was known as the Miss Soft Spoken Lady sa kabila ng pressure na dala ng kanilang trabaho. "There are a lot of women out there na naghihintay na sa kanila maibigay ang assignment na ito. It means work and pleasure, Rachel. You'll get a week-stay on that island. Nasa diskarte mo na iyon kung paano mo matatapos nang maaga ang series of article and you'll have the rest of week for yourself."
Nakatitig lang siya kay Maia. No wonder paborito siya nito. Alam naman niya iyon. At marahil ay napupuna rin ng ibang mga kasamahan. Siya ang palaging first choice na bigyan ng assignment sa iba't ibang lugar.
Of course, Avery is a different thing. Si Avery ang talagang may hawak ng travel section nila. Pero hindi ibig sabihin niyon na si Avery lang ang nakakapag-travel para i-feature ang iba't ibang lugar.
Siya ang sumusunod kay Avery sa dami ng field assignments. Ang kaibahan nga lang, iba-iba ang paksa ng bawat lakad niya.
Hindi naman siya makuhang intrigahin ng mga kasamahan. Palibhasa ay hindi niya palaging sinusunggaban ang pagkakataong puntahan ang bawat assignment. She was always willing na ipasa iyon sa ibang mas interesadong pumunta. Ilang beses na ba niyang hinayaang iba ang gumawa ng assignment sa Plantation Bay at Pearl Farm? Kahit na noong may lakad sa Bali ay ipinaalis niya ang pangalan niya sa entourage.
Marami talaga ang nagnanais na sa kanila mapapunta ang pagkakataong ibinibigay kay Rachel. It surely means free travel. At mag-enjoy ng first class accommodation sa bawat lugar na pupuntahan.
Baliw daw siya para palagpasin ang mga ganoong pagkakataon. Ang katwiran naman niya sa sarili, nararating naman niya ang mga iyon through surfing the net. For her, minsan ay mas maganda pang through research na lamang mapuntahan ang isang lugar. Hindi iilang beses ang natatandaan niyang nadidismaya lamang siya sa pupuntahan. Napakaganda ng selling strategy ngunit natutuklasan niyang kasinungalingan lang pala.
At kapag ganoon ay may pakiramdam siyang sayang lang ang pagod niya. Nungca na ilabas niya ang article kapag ganoong siya mismo ay hindi nasiyahan. Unfair iyon para sa napakaraming subscribers and readers ng Womanly.
"I have been or should I say, we've been to Boracay. Wala akong makitang interesanteng subject doon. Kaparehas din ng sa ibang island resort. Scuba diving, etcetera, etcetera. Dito na lang ako sa opisina. I heard na kailangan ni Jomari ng katulong sa lay-outing. I'm volunteering myself."
Tumaas ang kilay ni Maia. Alam nito na flexible siya pagdating sa trabaho. From copyeditor to encoder or even down to utility works kayang-kaya niyang gawin ang lahat ng iyon at hindi siya nagrereklamo. Subalit hindi ibig sabihin niyon na nauunawaan siya ni Maia sa ginawa niyang pagtanggi sa ibinibigay nitong assignment.
"Saka bakit hindi na lang si Avery ang bigyan mo ng assignment na ito?" mayamaya ay sabi pa niya. "Besides, siya ang mga hawak ng travel section natin. Tiyak na kayang-kaya niya ang trabaho."
Tipid lang na ngumiti si Maia. "I have already given her another assignment. In fact, baka nagsisimula na siya ngayon." Nagkaroon ng bahid ng misteryo ang paglapad ng ngiti nito.
Naantig naman ang kuryusidad niya. "So, nasaang sulok ng Pilipinas siya ngayon?"
"Boracay," kaswal na sagot ni Maia subalit sa mga labi ay halatang-halata ang pagpigil ng tawa.
"Boracay!" bulalas niya. "Nandoon na pala siya, bakit ipapadala mo pa ako roon?"
"What do you have against Boracay?" Maia asked in full authority and curiosity.
"Nothing," matabang namang sagot niya. "Nothing really."
"Nothing really," gagad ni Maia. "Then, you go to that island. Do what I want."
"Maia...!" Rachel was close to complaining subalit hindi niya nakalimutang si Maia pa rin ang boss. Bagama't hindi ito nagtataas ng tinig, alam niya kung kailan puwedeng umangal at kung kailan hindi.
"Look, you are not going to confine yourself in that diving suit and explore the corals. You are going to raid those restaurants' and hotels' kitchen."
"Kitchen?" Mahina ngunit nasa tono niya ang pagkagulat. Malayo iyon sa inaasahan niya. Ang alam niya, kapag inutusan sila sa isang isla ay ang dagat at ang nasa ilalim ng dagat ang pilit nilang aalamin kung ano ang mayroon.
Tinitigan niya si Maia at unti-unti ay gumuhit ng ngiti ng pagsang-ayon sa kanyang mga labi. "Bakit hindi mo sinabi kaagad?" aniyang kunwa ay nanunumbat pa. "Hindi na sana tayo nagdiskusyon pa."
Nagkibit-balikat lang si Maia. "Ikaw itong nagrereklamo kaagad. Rachel, akala mo ba ay hindi ko alam na hindi ka marunong lumangoy? Kaya nga kahit na Boracay ay hindi mo ma-appreciate. Palibhasa ay pagkukulong lang sa kuwarto ang alam mong gawin pagkatapos ng trabaho mo."
She rolled her eyes. "Don't emphasize it. Suko na ang lahat ng swimming instructor na nagturo sa akin."
"That's why ibang klase naman ang assignment mo." Hinila nito ang drawer at inilabas ang isang envelope. "Here. Plane tickets at certificate of accommodation. Ikaw na ang mamili sa mga hotel na pagpipilian diyan. Tawagan mo kung kailan ka darating doon. I suggest, bukas din ay lumakad ka na. Remember may deadline ang mga articles for our special issue."
Tiningnan ni Rachel ang laman ng envelope. Naka-date ang flight kinabukasan. Napailing siya at naisip na alam din naman ni Maia na hindi siya maghihintay pa nang matagal na panahon kapag talagang gagawin niya ang trabaho.
"Anong gusto mong pasalubong?" tanong niya kay Maia. Maluwang ang ngiti at kahihimigan ng excitement ang tinig. Ibig sabihin, she liked her assignment at kapag ganoon ay tiyak na higit na magandang lumalabas ang kanyang trabaho.
"Pearl?" Si Maia na tila nag-iisip pa. "'Pag wala, just bring me a strand of cat's eye beads. Iyong kulay green, ha?"
"Mayroon bang ganoon?"
"Pag wala sa West Coast, subukan mo sa Puka Beach. Doon ko nabili itong kulay asul." Niyuko nito ang nakakuwintas sa leeg. She had a passion for pearls and beads, indeed.
--- itutuloy ---
Maraming salamat sa pagbabasa.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
Places & Souvenirs - BORACAY 2 - Not Just Another Brief Summer Affair
Romance"Palagi na lang ba tayong ganito? Na pagkatapos ng ilang araw na pagsasama ay magkakahiwalay uli ng landas? Kailan tayo uli magkikita? After another six years? Don't you want a long, lasting affair?" Hindi lamang basta espesyal ang unang pagkakatao...