Part 10

820 57 4
                                    


PAGOD NA pagod na si Rachel sa kalalakad subalit hindi siya huminto man lang upang magpahinga. Kung totoo ngang tatlong kilometro ang haba ng dalampasigan sa bahaging iyon ng Boracay ay hindi na nakakapagtaka kung hingalin man siya sapagkat malapit na siya sa kabilang dulo niyon.

Hindi niya alintana ang pagod. Sa sama ng loob niya ay hindi na niya makukuhang pansinin ang pamimitig ng mga binti. Sa bahaging tinutugpa niya ay mangilan-ngilan na lamang ang mga tao. Ang karamihan sa mga turista ay papunta sa mga bar at disco.

Nakapa niya ang dalang cellphone. May ilang saglit na pinag-isipan niya kung dapat na kumprontahin sa telepono ang tiyo o maghintay na lamang ng araw na pag-uwi niya sa Maynila upang personal itong kausapin. Subalit hindi pa niya tiyak kung ilang araw siya sa Boracay. At hindi rin naman niya makakayang tortyurin ang sarili sa darating na mga araw.

Isang buntunghininga ang pinakawalan niya at idinayal na ang number ng tiyo. Ilang ring ang narinig niya bago ito sumagot.

"Hello?" iritadong wika nito sa kabilang linya.

Hindi na niya pinagtakhan iyon. Nitong nakaraang dalawang taon ay halos bumagsak na ang kumpanya nito. Nagkaroon ito ng koneksyon sa mga big-time smugglers at natuksong tularan ang trabaho ng mga ito sapagkat mas malaki nga naman ang pagkakaperahan doon.

Ngunit bagito pa marahil doon si William. Mas marami sa kargamentong ipinapalabas nito sa customs ang nasasabat ng customs officials. At dahil walang kaukulang papeles ay nakukumpiska iyon ng Bureau of Customs. Unti-unti ay nag-withdraw ang mga kliyenteng nagtitiwala sana sa kumpanya nito.

"Uncle..." wika niyang ngayon pinag-iisipan kung paano sisimulan ang nais itanong dito.

"What?" apuradong tugon nito. "Dalian mo, Rachel. Nagmamaneho ako."

Napalunok siya. "I just want to ask one thing. Nagkita kami rito ni Andrew Zulueta. I'm sure natatandaan mo pa siya. Uncle, hindi ko matanggap ang mga paratang niya sa akin. Bakit kailangang sa akin mo ibunton ang sisi kung hindi kayo nagkapirmahan ng kontrata? My God, bakit mo ako ipinain sa kanya."

"Did I, Rachel?" Tila hindi naman ito natigatig sa tinuran niyang iyon at ang pang-iinsulto ay mababakas sa tinig. "I might persuaded you pero hindi kita ipinagtulakan sa kanya. Kung ayaw mo noon, mapipilit ka ba?"

Nalaglag ang balikat niya. Hindi niya iniisip na babaligtarin pa siya nito. Alam niyang sa tonong iyon ng tiyo ay hindi siya mananalo sa pakikipagdiskusyon dito. Malungkot na pinutol na lamang niya ang pakikipag-usap dito.

Nanlalambot na naupo siya sa buhanginan. Ilang sandaling itiningala niya ang leeg at pinagmasdan ang nagkalat na bituin doon. Kung sa ibang pagkakataon marahil ay mare-relax siya sa payapang kapaligiran. Subalit dala ng bigat sa dibdib niya ay ibayong lungkot ang hatid ng katahimikang iyon.

Hindi niya alam kung dapat siyang umiyak. Masama ang loob niya subalit hindi naman niya nadaramang gusto niyang umiyak. Basta nakatingin lamang siya sa kawalan.

"Hi!" wika sa kanya ng isa sa grupo na hindi niya namalayang nakalapit na pala sa kanya. Tatlo iyon na pawang mga lalaki. Maayos naman ang anyo at magalang din sa pagbati. "Nag-iisa ka yata."

Kahit na. Don't talk to strangers, paalala niya sa sarili. "No," paiwas na sagot niya. "May kasama ako, may pinuntahan lang." Mabilis na tumayo siya at nagsimulang lumayo. "Sige."

Hindi niya inintindi kung lumulubog man ang mga paa niya sa tila pinulbos na buhangin. Tinawid niya iyon at mabilis na pumara ng pedicab.

"Sa Boracay Island Hotel," wika niya. At nakalayo na siya sa pinanggalingan nang maisip kung gaano ka-silly ang ginawa niya. Ngunit masisisi ba siya? Nananahimik siya roon at basta na lamang may lalapit.

Places & Souvenirs - BORACAY 2 - Not Just Another Brief Summer AffairTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon