Kumpleto na ang istorya ni Rachel para sa Womanly. Maghahatinggabi ay natapos na niya iyon. Ilang beses niya iyong binasa upang matiyak na pulidong-pulido ang pagkakasulat niya. At sapagkat hindi na siya halos makapaghintay na maipasa iyon ay bitbit ang laptop na bumaba siya.
Nakiusap siya sa front desk na mai-email iyon. Iniisip pa niya kung kailangang gamitin ang pangalan ni Andrew para lamang maipadala ang istorya kay Maia subalit accommodating naman ang receptionist. Naiintindihan marahil nito ang nature ng trabaho niya kaya ni hindi na ito nagtanong kung bakit kailangang i-send niya iyon kay Maia ng dis-oras ng gabi.
Sa kalkula naman niya ay nasa opisina pa si Maia kaya tiwala siyang matatanggap agad nito iyon. Kilala naman niya si Maia. Bahay-opisina lang ang iniikutan nito. At marahil ay tulog lang ang ginagawa nito sa bahay sapagkat nakikita niyang kulang na lang ay sa opisina na ito tumira.
"Kelan po lalabas ang summer issue ninyo?" tanong pa sa kanya ng receptionist.
"Sa April," sagot niya. "I'll give you a complimentary copy at siyempre, sa lahat na rin ng restaurants dito na nag-accommodate sa akin," nakangiting sagot niya.
"Thank you, ma'am. Hihintayin namin."
"Promise ko iyan. Well, thanks a lot. Good night." At pumanhik na uli siya sa kuwarto niya.
Naghahanda na siyang matulog nang gambalain siya ng mga katok. Hindi na siya nagulat. Waring sa pamamalagi niya sa hotel na iyon ay nasanay na rin siyang basta na lamang may kumakatok sa pinto niya.
"I know you're still awake," wika ni Andrew mula sa kabilang panig ng pinto.
"I'm about to sleep," sagot niya nang bahagyang iawang ang pinto. Nakapantulog na siya at pinatungan na lamang iyon ng roba.
Hinagod muna siya nito ng tingin. "I see. Hindi ba puwedeng mag-usap muna tayo kahit sandali lang?" At bumaba ang tingin nito sa pintong hawak pa rin niya ang knob.
"Tungkol saan?"
"Come on, Rachel."
Tiningnan muna niya ito bago walang kibong iniluwang ang bukas ng pinto. Hindi naman humigit sa tatlong hakbang ang ginawa ni Andrew nang makapasok. Tila ninais lamang nito na makapasok habang nag-uusap sila.
"Pasensya ka na kay Irene kanina. May kasupladahan kasi ang taong iyon."
"Irene?"
"Nitong hapon ko lang nalaman na siya pala ang dinatnan mo kanina sa bahay nang dumating ka."
"Sino siya?"
"Kaisa-isang kapatid ni Analyn. Sa Kalibo siya naka-base. May sarili siyang business doon. Nasanay na akong madalas na dumarating siya sa bahay. Sinasamahan niya si Julian lalo at kapag may panahong busy ako sa hotel. Besides, siya na rin ang nakikilala ni Julian na nearest relative sa mother side niya."
"Hindi ko naman pinansin kung may kagaspangan man ang trato niya sa akin. At least, pinapasok ako para mahintay ka. Okay lang iyon sa akin, really."
Tumahimik ito sandali. "There's something that isn't okay on my part," wika nito pagkuwa at dahan-dahang nag-angat ng tingin sa kanya. Then a lazy smile curved on his lips. At bago pa niya nagawang tanungin ito ay naabot na siya nito upang hapitin siya sa bewang.
"Puwede ba akong humiling ng isang halik?" tanong nito na halos mapadaiti na ang mga labi sa kanya.
She was stunned. Hindi dahil sa pagkakalapit nilang iyon o sa masarap na kilabot na nagsisimulang gumapang sa katawan niya kundi sa paraan ng pananalita nito. Kung sinabi sa kanya iyon ni Andrew sa English ay malamang na hindi niya ikagulat ngunit sa Tagalog nito iyon ginawa!
BINABASA MO ANG
Places & Souvenirs - BORACAY 2 - Not Just Another Brief Summer Affair
Romance"Palagi na lang ba tayong ganito? Na pagkatapos ng ilang araw na pagsasama ay magkakahiwalay uli ng landas? Kailan tayo uli magkikita? After another six years? Don't you want a long, lasting affair?" Hindi lamang basta espesyal ang unang pagkakatao...